Mga protesta
RALI NG MGA PILIPINO SA US. Sa Washington DC, pinangunahan ng Malaya Movement ang die-in protest sa loob ng US Senate ng mahigit 300 indibidwal para kundenahin ang pamamaslang ng rehimeng Duterte at manawagan na itigil ang pagbibigay ng US ng ayudang militar sa reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas.
Umaabot sa $184.5 milyon ang ayudang militar na natanggap ng rehimeng Duterte noong 2018. Ngayon taon ay nakatakda itong tumanggap ng dagdag na $108 milyon.
PANALO LABAN SA SUMIFRU. Naipanalo ng mga manggagawa ng NAMASUFA-NAFLU-KMU ang kaso para maibalik sa trabaho ang iligal na tinanggal na 665 manggagawa ng Sumifru Philippines sa Compostela, Compostella Valley. Bagamat pormal nang inilabas ng National Labor Relations Commission ang desisyon noong Marso 25, hindi ito kinilala at ipinatupad ng kumpanya hanggang sa kasalukuyan.
Para igiit ang desisyon, nagpiket ang mga manggagawa sa harap ng upisina ng Sumifru noong Abril 12.
PROTESTA NG MGA MANGGAGAWA NG NEXPERIA. Nagprotesta ang mga manggagawa ng Procter & Gamble at kasapi ng WALR-Nexperia-LIGA sa harapan ng Light Industry and Science Park Gate 1 sa Calamba City, Laguna noong Abril 2. Ipinanawagan nila ang pagpapatupad sa inilabas na desisyon ng Department of Labor and Employment na iregularisa ang 182 manggagawa ng Nexperia Philippines alinsunod sa una nang napagkasunduan ng LIGA at maneydsment.
PROTESTA NG MGA DRAYBER. Naglunsad ng piket ang mga drayber at opereytor ng dyip sa pangunguna ng PISTON para kundenahin ang patuloy na pagsirit ng presyo ng langis at iba pang mga bilihin sa Cubao noong Abril 8.