Pekeng engkwentro, panakip-krimen ng AFP
Sa tangkang itago ang dumaraming krimen sa mamamayan, walang tigil ang paghahabi ng AFP ng mga kwento upang palabasing mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pinapaslang at dinadakip nitong mga sibilyan.
Sa Masbate, pinalabas ng AFP na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng BHB at mga elemento ng 2nd IB, 9th ID at PNP sa Barangay Buri, Mandaon, Masbate noong Abril 8. Ito ay para itago ang kanilang pagpaslang sa kanilang mga aset na pinamumunuan ng isang Rolando Bajera Epil. Si Epil at kanyang grupo ay dating mga Pulang mandirigma na matagal nang sumuko sa AFP.
Ayon sa BHB-Masbate, walang yunit ng BHB sa nasabing erya sa nabanggit na panahon. Ang totoo, anito, nasa lugar ang 2nd IB at PNP RMG, kasama si Epil at anim pa niyang kagrupo. Sa pekeng engkwentrong ito, pinatay ng AFP si Epil at tatlo niyang kasamahan.
Si Epil at kanyang grupo ay matagal nang kinakanlong ng 2nd IB at mga elemento ng pribadong armadong grupo na pinamumunuan ng notoryus na upisyal paniktik ng AFP na si Sgt. Rico Amaro. Sangkot ang grupong ito sa di mabilang na krimen sa taumbayan, kabilang na ang pagpaslang kay Randy Masamoc noong Disyembre 2018.
Pekeng engkwentro rin ang inimbento ng 31st IB at Sorsogon Police Provincial Office sa naganap sa Barangay Lajong, Juban, Sorsogon noong Abril 1 para pagtakpan ang pagsalbeyds ng mga sundalo at pulis kay Michael Ismer, isang sibilyang inakusahang kasapi ng BHB.
Ayon sa pahayag ng BHB-Sorsogon, walang yunit ng BHB sa lugar sa nasabing petsa. Ang totoo, nagpaalam si Ismer noong Marso 29 na may aasikasuhin siya sa labas ng Magallanes kung saan siya nakatira. Noong Abril 1, nakita siyang bumaba sa isang puting sasakyan na may kasunod na sasakyan ng pulis sa Barangay Lajong. Pagkababa ni Ismer, agad siyang binaril hanggang mapatay ng mga lalaking galing sa puting sasakyan. Matapos nito ay kinuha ng mga pulis ang kanyang bangkay idineklara siyang Pulang mandirigma na napatay sa isang engkwentro.
Pinagkalat naman ng mga pulis ng San Remigio, Antique ang kasinungalingang binigo nila ang paglusob ng BHB-Panay sa kanilang istasyon noong Marso 31. Kinundena ito ng mga Pulang mandirigma dahil, anila, ginagamit itong dahilan ng pulis para higit pang imilitarisa ang mga komunidad at palabasing humihina ang BHB.
Bago nito, Marso 17, ipinamalita ng AFP at PNP ang pekeng labanan sa Barangay Mulangan, Igbaras, Iloilo. Walang humpay na nagpaputok ang 61st IB sa komunidad. Matapos nito, tatlong magsasaka ang inaresto at iprinisintang mga kasapi ng BHB. Ganito rin ang pinalabas ng 61st IB nang hulihin nito sa Barangay Masaroy, Calinog noong Abril 16 ang isang Tumanduk.
Mariin namang pinasinungalingan ng BHB-Camarines Norte ang pinalabas ng AFP na labanan sa pagitan ng PNP at mga Pulang mandirigma sa Barangay Tuaca, Basud noong Marso. Ayon sa BHB-Camarines Norte, hindi engkwentro sa pagitan ng BHB at PNP ang naganap kundi sagupaan sa pagitan ng mga pulis at ng armadong sindikato na hawak ng militar at sangkot sa mga kaso ng pangingikil sa mga bayan ng Mercedes, San Vicente, San Lorenzo, Daet at Basud. Nasawi sa sagupaang ito si Jonathan Brondia, kasapi ng sindikato. Malaon nang naglalabas-masok-masok si Brondia sa kampo ng 22nd IB sa Barangay Guinatungan, San Lorenzo. Ayon sa imbestigasyon ng BHB, sadyang pinatay si Brondia para pagtakpan ang koneksyon ng kanyang grupo sa militar. Matagal nang inirereklamo ng mga residente ang presensya ng sindikatong ito na gumagamit sa pangalan ng BHB sa kanilang mga kriminal at anti-sosyal na aktibidad.
Bago nito, pekeng engkwentro din ang hinabi ng mga elemento ng AFP at PNP-MIMAROPA sa pagkakasawi ng magsasakang si Roland Sibulan sa Bongabong, Oriental Mindoro noong Marso 1. (Basahin ang kaugnay na balita sa Ang Bayan, Abril 7, 2019).