Nagbubundatang burukrata

,

Muling tumampok ang di maipaliwanag na yaman ng pamilyang Duterte matapos ilabas ang isang ulat na sumuri sa kanilang idineklarang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth mula nang magsilbi sila bilang mga upisyal ng lokal na gubyerno. Ayon sa naturang ulat, lumaki nang P28.5 milyon ang yaman ni Rodrigo Duterte mula 1998 hanggang 2017. Nasa P44.8 milyon naman ang inilaki ng yaman ni Sara Duterte at P22.7 milyon kay Paolo Duterte mula 2007 hanggang 2017.

Samantala, umangat sa numero unong pusisyon si Manuel Villar bilang pinakamayamang Pilipino ngayong taon. Ito ay matapos lumaki ang kanyang yaman mula $1.6 bilyon tungong $5.5 bilyon dulot diumano sa 1,300% na pagtaas ng kita ng Golden Bria, isang negosyong punerarya, sa unang kwarto ng taon. Kasabay nito, kinilala ang kanyang asawa na si Senator Cynthia Villar bilang pinakamayamang senador. Nagsisilbi naman bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways ang kanyang anak na si Mark Villar. Ang pamilyang Villar ay isang dinastiyang pulitikal sa Las Piñas City at kilalang may-ari ng pinakamalalaking kumpanya sa pabahay.

Nagbubundatang burukrata