Dengvaxia, pinaburan ni Duterte

,

Matapos magdeklara ang Department of Health (DOH) noong Agosto 6 na mayroong epidemya ng dengue, agad na itinulak ni Rodrigo Duterte ang muling pagpapabakuna ng kabataan ng Dengvaxia. Sa kabila ito ng maanomalyang programa sa pagbabakuna na pinaniniwalaang pumatay sa ‘di bababa sa 26 Pilipinong bata mula Abril 2016-Pebrero 2018.

Tinutulan ng mga duktor at grupo ng manggagawang pangkalusugan ang panibagong tulak ng pagpapabakuna. Anila, dapat unahin ang mga hakbang na pampigil sa pagkalat ng dengue. Hindi masasawata ng pagbabakuna ang kasalukuyang epidemya dahil ilang taon pa bago ito magkakabisa.

Dagdag pa nila, magiging epektibo lamang ang kampanya kontra-dengue kung bibigyang prayoridad ng mga lokal na gubyerno ang pagpapatupad ng nailatag nang mga hakbang. Mahalaga rin ang badyet para sa serbisyong pangkalusugan tulad ng sahod ng mga manggagawang pangkalusugan sa antas-barangay at mga duktor sa komunidad na umaabot sa malalayo at mahihirap na komunidad.

Nitong ikalawang linggo ng Agosto, nagtala ang Pilipinas bilang may pinakamaraming kaso ng dengue sa Southeast Asia. May 620 pasyente na ang namatay sa sakit, na maaari sanang napigilan dahil Enero pa lamang ay iniuulat na ang pagdami ng mga nagkakasakit. Lubhang huli na nang mag-anunsyo ang DOH ng mga hakbang sa pagsawata dito.

Una nang tinutulan ng mga manggagawa sa kalusugan at duktor ang pagbakuna ng Dengvaxia dahil nasa yugto pa lamang ito ng pagsusuri. Wala pang napapanagot sa anomalyang ito. Mahigit 870,000 kabataan ang pinag-eksperimentuhan ng kumpanyang Sanofi Pasteur, na may kriminal na rekord ng panunuhol sa mga duktor at gubyerno, at paglabag sa mga makataong pamantayan para mailusot ang kanilang pinauunlad na mga gamot.

Dengvaxia, pinaburan ni Duterte