Tangkang militarisasyon sa mga kampus, nilabanan
Kailanman, hindi mapatatahimik ang mga kabataan. Patuloy nilang itataguyod ang bandila ng kalayaan sa pagpapahayag at pag-oorganisa. Sa harap ng sistematiko at patuloy na panggigipit ng rehimeng Duterte sa sektor, muli nilang ipinamalas ang pagkakaisa at paninindigan noong Agosto 20.
Libu-libong estudyante at kanilang mga guro ang nagprotesta sa loob at labas ng mga unibersidad para tutulan ang banta ng militarisasyon sa mga kampus. Ito ay matapos ipahayag ng Philippine National Police ang panukala nitong ipawalambisa ang mga kasunduang nagbabawal sa presensya ng militar at pulis sa loob ng mga kampus. Batid ng mga akademikong komunidad na magreresulta ang presensya ng mga pwersang panseguridad ng estado sa malawakang paniniktik at panunupil sa mga mag-aaral, guro at kawani lalo na ang mga kritikal sa rehimen.
Ang totoo, matagal nang naglalabas-masok ang pulis at militar sa mga kampus sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ginagamit nilang tabing ang mga pagsasanay at kumperensyang pang-estudyante para libreng magsagawa ng mga operasyong saywar (na tinatawag na nito ngayong mga “operasyong pang-impormasyon”) sa loob ng mga kampus. Labas pa ito sa ipinagpipilitang Reserve Officers’ Training Corps, kung saan pana-panahon silang nag-aalok ng mga talakayan at pagsasanay. Maging ang mga paaralang sekundarya ay hindi ligtas sa kanilang panghihimasok.
Bilang pagkundena, umabot sa 7,000 ang kumilos sa “UP Day of Walkout and Action” sa lahat ng yunit ng Unibersidad ng Pilipinas sa buong bansa. Sa pangunguna ng Upisina ng Rehente ng mga Mag-aaral at UP Rise against Tyranny and Dictatorship (UPRise), nagkaisa ang mga kabataan para ipagtanggol ang kalayaang pang-akademiko at karapatang mag-organisa. Nagkaisa ang mga upisyal, mga guro, kawani at mga organisasyon sa loob ng pamantasan.
Katulad na protesta rin ang inilunsad ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines. Bilang pagsuporta, sama-samang humarap sa masmidya noong Agosto 21 ang Alliance of Concerned Teachers at mga kilalang propesor mula sa Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, Far Eastern University, UP Diliman at UP Manila.
Para kontrahin ang banta, inihain ng blokeng Makabayan ang House Resolution 223 sa Mababang Kapulungan noong Agosto 12 para kilalanin at suportahan ng reaksyunaryong estado ang Safe Schools Declaration. Ito ay deklarasyong binalangkas ng mga gubyerno sa iba’t ibang dako ng mundo para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga paaralan mula sa mga atake sa panahon ng armadong tunggalian.
Nilalaman din nito ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng digmaan at implementasyon ng kongkretong hakbang para tutulan ang paggamit ng militar sa mga paaralan. Sa tala nitong Agosto 2019, mayroong 95 bansa na sumusuporta rito. Nabuo ang deklarasyon noong Mayo 2015 sa Oslo, Norway.