P113.7M-halaga ng mga libro, nakatambak sa DepEd

,

Kinundena ng ACT Teachers Partylist ang Department of Education matapos matuklasan na hindi pa nito naipamamahagi sa mga mag-aaral ang mahigit P113.7-milyong halaga ng mga aklat pang-eskwela. Binatikos din ng grupo ang maanomalyang P254-milyon halaga ng mga kontratang pinasok nito sa pagbili ng mga aklat na mali-mali ang nilalaman.

“Paulit-ulit na sinasabihan ang mga guro na magtipid tuwing sila ay mananawagan ng dagdag na sahod, subalit mismong ang ahensya sa edukasyon ang naglulustay ng pondo,” ani France Castro, kinatawan ng grupo. Iniulat ng mga guro na gumagastos sila mula sa kanilang mga bulsa para mabigyan ng kopya ng mga aralin ang kanilang mga mag-aaral.

Masahol pa, patuloy na binabawasan ng rehimeng Duterte ang pondo para sa mga aklat at iba pang gamit sa pagtuturo. Bumaba mula P3.04 bilyon noong 2017, tungong P2.99 bilyon noong 2018 at P1.84 bilyon ngayong taon ang badyet para rito.

P113.7M-halaga ng mga libro, nakatambak sa DepEd