Sunog sa kagubatan ng Amazon, nakaaalarma

,

Mahigit dalawang linggo na ang walang tigil na sunog sa kagubatan ng Amazon sa Brazil nitong Agosto. Sa taong ito, umabot na sa 72, 843 ang naiulat na bilang ng sunog sa kagubatan ng bansa. Kalahati nito ay nasa Amazon. Ang bilang ng mga sunog ay dumami nang 84% kumpara sa nakaraang taon batay sa mga ulat ng National Institute for Space Research ng Brazil.

Ang kagubatan ng Amazon ay may lawak na 550 milyong ektarya (20 beses na mas malaki sa kalupaan ng buong Pilipinas). Ito ang pinakamalawak na kagubatan sa buong mundo at sumasaklaw sa siyam na bansa. Pinakamalaking bahagi nito ay nasa bansang Brazil. Tahanan ito ng 10% ng mga halaman at hayop sa daigdig. Tinatayang nagsusuplay ito ng 20% ng oxygen na ginagamit ng mga tao sa buong mundo. Dahil dito, nakatutulong ang Amazon sa pagmamantine ng mabilis na nagbabagong temperatura ng planeta. Dagdag dito, nagsisilbing tirahan ang Amazon ng 400 tribu.

Liban sa mga sunog, pabilis nang pabilis ang pagkasira ng Amazon dahil sa mga pagpasok ng mga proyektong mina, dam, daanan at iba pa.

Makailang beses nang hinikayat ng presidente ng Brazil na si Jair Bolsonaro ang mga magtotroso, rantsero at mga magsasaka na magpalawak at kontrolin ang Amazon. Gayundin, binawasan niya ng $23 milyon ang badyet ng Brazil sa pangangalaga sa kalikasan. Bumaba din nang 70% ang operasyong inspeksyon sa Amazon. Tinanggal din niya sa mga katutubo ng Brazil ang pangangalaga sa Amazon sa bisa ng isang kautusang ehekutibo.

Pinangunahan din ng kanyang anak na si Flavio, na isang senador sa Brazil, ang reporma sa batas sa kagubatan na nagtatanggal ng obligasyon sa mga magsasaka sa Amazon na panatilihin ang kagubatan sa 50-80% ng kanilang pinagmamay-aring lupa.

Pinakamalaking rason ng pagkasira ang ekspansyon ng mga proyektong imprastruktura tulad ng mga daanan at mga plantang hydroelectric. Isa sa pinakatinamaan nito ang lugar na Para na tipinagtayuan ng daanang BR163 na nagdudugtong sa Amazon at dam ng Belo Monte. Noong 2017, may plano ang Brazil na magtayo ng higit 40 dam na hydroelectric bago matapos ang 2022. Sa kabuuan, ang Amazon ay nakalbo na nang 15% dahil dito.

Sunog sa kagubatan ng Amazon, nakaaalarma