Ang FQS bilang rebolusyong pangkultura

,

Noong 1970, 50 taon na ang nakakaraan, isang sigwa ang naranasan sa Pilipinas na kakaiba sa lahat ng bagyong dumaan sa nakaraan. Ito ay nakilala sa katawagang FQS o First Quarter Storm (Sigwa ng Unang Kwarto).

Ang FQS ay serye ng mga kilos-protesta ng kabataa’t estudyante, manggagawa, magsasaka, maralita sa lunsod at nayon, at iba pang sektor ng sambayanan. Ang puntirya nila, bilang personipikasyon ng anti-mamamayang sistemang panlipunan, ay ang rehimeng US-Marcos. Ang bumulwak na kilusan ay resulta ng masikhay na pag-oorganisa at pagmumulat ng nagdaang dekada sa mga unibersidad at kolehiyo, komunidad at mga unyon, at tinampukan ng mga organisasyong Student Cultural Association of the University of the Philippines, Kabataang Makabayan, Samahang Demokratiko ng Kabataan, at iba pa.

Sa unang tatlong buwan ng 1970, nasaksihan sa Kamaynilaan at sa iba pang lunsod at sentrong bayan ang mapangahas na mga rali, boykot, welga, martsang bayan, at kongresong bayan. Pangunahin sa mga ito ang dambuhalang demonstrasyon noong Enero 26, 1970 sa harap ng Kongreso (na ngayon ay National Museum of Fine Arts). Taliwas sa State of the Nation Address ni Marcos, inihayag nila ang tunay na kalagayan ng bayan at ipinamalas ang galit sa rehimen. Daan-daan ang nasaktan sa brutal na pananalakay ng mga pulis sa mga raliyista.

Kinundena ng mga aktibista ang pasismo ng estado, isang isyung dumagdag sa iginigiit nilang tatlong batayang suliranin ng sambayanan–ang imperyalismong US, katutubong pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Lalong naging malinaw sa kanila, at sa paparaming bilang ng mamamayan, ang katumpakan ng armadong rebolusyon na siyang babaklas sa lumang sistema upang maitayo ang bago.

Ang katunayan, naging inspirasyon ng mga kabataan at estudyante ang muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968 at Bagong Hukbong Bayan noong 1969.

Noong Enero 30, 1970, sa harap mismo ng Malakanyang, dumagsa ang lalong maraming demonstrador. Iginiit nila ang katumpakan ng paghihimagsik laban sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Sinalakay sila ng Metropolitan Command ng pulisya at Armed Forces of the Philippines, kabilang ang Task Force Lawin nito. Sa hindi patas na labanang naganap sa Mendiola, University Belt, Quiapo, at mga kalapit na komunidad, na tumagal hanggang madaling araw ng Enero 31, apat na kabataang estudyante ang napaslang sa pamamaril ng mga pasista. Hindi mabilang ang sugatan.

Sa halip na umatras at sumuko, lalong tumaginting ang “Makibaka, huwag matakot!” sa mga paaralan, lansangan at plasa. Nagkasunud-sunod na nga ang mga kilos-protesta, at ibayong pag-oorganisa, at ibayong pagmumulat. At ang taumbayang sa simula ay namangha sa pambihirang kaganapan, ay nakiisa sa iba’t ibang paraan.

Rebolusyon ang FQS. Isa itong rebolusyong pangkultura na naglantad sa kahungkagan ng mga kaisipan at paniniwalang kolonyal at pyudal. Ang mga ito’y daantaon nang nakakubabaw sa kamalayan ng taumbayan. Binaklas ng FQS ang kaugaliang atrasado at palasuko. Ang mga ito’y sinasamantala ng mga naghaharing uri upang alipinin ang masang anakpawis at iba pa. Inilatag ng FQS ang rebolusyonaryong paninindagan na ang masa ang tagapaglikha ng kasaysayan; na sa kanilang kamay nakasalalay ang tunay na kalayaan at kasaganahan; na rebolusyon, hindi repormismo, ang lunas sa problema ng lipunan at sa pagkakamit ng kapangyarihang pampulitika ng mga uring anakpawis.

Namulaklak at yumabong sa FQS ang pagiging mapanlikha ng sambayanan. Ang mga aktibistang nahikayat na linangin ang kanilang potensyal at talino ay lumikha ng iba’t ibang anyo ng sining na naglalaman ng mensahe ng pakikibaka ng sambayanan.

Iniluwal ng FQS ang mga pangkulturang organisasyong Panday-Sining, Gintong Silahis, Samahang Kamanyang, Tanghalang Bayan, Nagkakaisang Progresibong Artista-Arkitekto, Siningbayan, Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan, at Humanist League of the Philippines. Nagbuklod sila sa Konsehong Tagapag-ugnay ng Rebolusyonaryong Sining. Sa mga prubinsya at rehiyon, nabuo rin ang iba’t ibang organisasyong pangkultura.

Sa kabila ng batas militar noong 1972, sumulong ang rebolusyonaryong kilusan sa kultura, laluna sa pagsanib ng mga kadre at artista ng FQS sa kilusang lihim at sa pagtungo sa kanayunan. Pinaunlad nila sa digmang bayan ang rebolusyonaryong sining at panitikan.

Sa madaling sabi, iniluwal ng FQS ang isang hukbo ng mga artista at manunulat na armado ng dulaan, sining-biswal, musika, panitikan, at sayaw na nagpapatuloy sa pagpapalaya ng bayan.

Ang FQS bilang rebolusyong pangkultura