Panlilinlang at pamiminsala sa ngalan ng mina

, ,

Noong nakaraang Enero, nabunyag na ginawaran ng rehimeng US-Duterte ng 25-taong Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ang Tampakan Copper-Gold Project na nakatakdang mapaso sa Marso 21, 2020. Taliwas sa bukambibig ni Duterte laban sa mapaminsalang mina, pinalawig pa niya ang operasyon nito nang 12 taon, o hanggang Marso 21, 2032.

Mahigit dalawang dekada nang nilalabanan ng mamamayan ng timog-sentral Mindanao ang mapaminsalang operasyon ng Tampakan Copper-Gold Project sa mga hangganan ng South Cotabato, Davao del Sur, Sultan Kudarat at Sarangani. Malinaw sa kanila ang mga panganib na idudulot nito sa kalikasan at sosyo-ekonomikong pamumuhay ng mga komunidad sa paligid ng mina at sa buong isla.

Nilalaman ng nasabing mina ang pinakamalaking deposito ng ginto sa buong timog-silangang Asia. Tinataya ring isa sa pinakamalaking reserba ng tanso sa buong mundo ang matatagpuan dito. Kalakhan ng depositong mineral nito ay matatagpuan sa mga barangay ng Pulabato, Danlag at Tablu sa bayan ng Tampakan subalit sasaklawin din ng proyekto ang mga barangay ng Kimlawis sa Kiblawan, Davao del Sur at Datal Blao sa Columbio, Sultan Kudarat.

Sa ilang pagkakataon ay nagtagumpay ang ligal at armadong paglaban ng mamamayan na mapatigil ang proyekto at mapaatras ang mga higanteng multinasyunal na namuhunan dito. Subalit simula noong huling kwarto ng 2018 ay muling ipinagpatuloy ang operasyon nito pagkaraan ng mahigit apat na taong pagkakahinto.

Mapanlinlang na kasunduan at huwad na mga proseso

Taong 2016 unang nagpetisyon ang SMI para sa 12-taong pagpapalawig ng FTAA nito. Katumbas umano ito ng tagal ng panahon na nawala dahil sa mga insidente o kalagayang wala sa kontrol nito. Kabilang sa mga tinukoy ng Sagittarius Mines Inc. (SMI) ay ang mga ligal na harang na hinarap ng proyekto, ang pagbabawal sa open-pit na pagmimina, ang pagpapalabas ng mga CLOA (Certificate of Land Ownership Award), mga armado at di-armadong paglaban ng mga residente at pagkakaantala sa mga proseso ng gubyerno.

Lihim na pinagkaloob ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang ekstensyon sa pamamagitan ng atas na inilabas nito noong Hunyo 8, 2016 .

Bukod sa ekstensyon na magtatapos sa 2032 ay ipinahintulot din ang pagpapanibago ng kontrata para sa karagdagang 25 taon. Sa gayon, tatagal hanggang 2057 ang operasyon ng mina sa Tampakan.

Nakatakdang tapusin ng SMI ang konstruksyon ng mga imprastruktura at pasilidad nito sa loob ng tatlong taon para sa pag-uumpisa ng komersyal na produksyon ng mina. Kasalukuyang hinihiling ng kumpanya ang muling pagsasabuhay ng environmental compliance certificate (ECC) nito na kinansela noong 2017.

Ibinunyag ng mga apektadong residente na walang naisagawang konsultasyon sa kanilang mga komunidad tungkol sa pagpanumbalik ng operasyon ng mina at patuloy na inililihim sa kanila ang mga operasyon ng kumpanya.

Ang pamiminsala at nakaambang mga panganib

Ayon sa mga pag-aaral, tinatawid ng maraming fault line (bitak sa lupa) ang buong minahan at ang bulko ng depositong mineral nito ay nasa loob ng Cotabato Fault Zone. Isa itong nagbabantang strike-slip fault (patindig na bitak ng lupa na pahalang ang galaw ng mga tipak) na napakapeligroso para sa itatayong mga pasilidad ng mina tulad ng tailings pond dam. Ang tailings pond ay tapunan ng mga nakapipinsalang mga tirang bagay pagkatapos ihiwalay ang mahahalagang mineral mula sa mga ore. Isa itong napakamaselan at napakamapanganib na pasilidad dahil naglalaman ito ng mabibigat na mineral tulad ng mercury, arsenic at tanso at iba pang mga nakakalasong sangkap mula sa mina.

Iniugnay din ang operasyon ng mina sa naganap na malalakas na lindol na yumanig sa mga rehiyon ng Cotabato at Davao noong nakaraang taon. Inilahad ng mga nakasaksi na ilang araw lamang bago ang lindol ay pinasabugan ng malaking bomba ang kaibuturan ng isang napakalalim na drill pit nito (tinatayang mahigit isang kilometro ang lalim) na pinaniniwalaang tumama sa pinakamakapal na bahagi ng deposito. Ginawa umano ang pambobomba para madurog ang malalaking bato at lumuwag ang lupang kinakapitan ng ore. Ang napakalakas na pagsabog ay maaring lumikha ng malalaking mga pinsala sa ilalim ng lupa na isa sa naging dahilan ng paggalaw ng mga bitak sa fault zone.

Natukoy din na ang katangian ng lupa sa lugar ay weathered soils of pyroclastics origin, characteristically porous, na ang ibig sabihin ay bulnerable ito sa pagguho. Kahit nasa proseso pa lamang sa paggalugad ng deposito ay litaw na ang pagkakasira ng kalupaan na likha ng paghuhukay gamit ang dambuhalang barena. Malalaking mga bato ang natatamaan ng makinang pambutas ng lupa na naging sanhi ng mga pinsala at pagguho ng lupa.

Ang pagpapatuloy ng Tampakan Copper-gold Project ay nagbabanta ng malawakang pagkakawasak ng kabundukan at pagkakalbo ng kagubatan. Sisirain din nito ang limang sistema ng mga ilog na kinabibilangan ng Alip, Altayan, Manteo, Mal at Padada. Ang mga ito ang mahalagang pinagkukunan ng tubig at kabuhayan ng daan-daang libong mamamayan sa 19 na mga lunsod sa paligid ng konsesyon. Matinding polusyon din sa hangin at tubig ang idudulot ng operasyon ng mina.

Pinangangambahan naman na malawakang kahirapan at gutom ang ibubunga ng operasyon ng mina dahil maraming magsasaka ang mawawalan ng lupa at kabuhayan. Mas lulubha rin ang kawalan ng trabaho dahil sa abanteng makinarya at teknolohiya na gagamitin sa malakihang pagmimina na hindi mangangailangan ng maraming manggagawa.

Panlilinlang at pamiminsala sa ngalan ng mina