Ano ang Covid-19?


Ang coronavirus disease (Covid-19) ay isang nakahahawang sakit na sanhi ng coronavirus (CoV). Ang CoV ay isang klase ng virus na nagdudulot ng mga sakit mula sa sipon at pulmonya hanggang sa mas malalalang sakit tulad ng Middle East Respiratory Syndrome at Severe Acute respiratory Syndrome o SARS. Ang tipo ng virus na nagdudulot ng Covid-19 ay naipasa mula sa mga hayop tungo sa mga tao.
Unang itong lumitaw sa Wuhan, China at iniulat sa World Health Organization noong Disyembre 31, 2019. Wala pang natutuklasang gamot laban dito sa kabila ng mabilis na paglaganap nito sa buong mundo.
Ang mga komun na sintomas ng Covid-19 ay lagnat, ubo at pagkahirap sa paghinga. Sa mas malalalang kaso, maaari itong magdulot ng pulmonya, sakit sa bato, at maging kamatayan. Gayunpaman, may mga pasyenteng positibo sa sakit pero hindi nagpapakita ng anumang sintomas. Nasasagap ang sakit sa mga talsik ng laway mula sa pagsasalita, pagbahing o pag-ubo ng isang taong may Covid-19. Maaaring nasa katawan na ito nang 2-14 araw bago lumitaw ang mga sintomas.
Para makaiwas sa sakit, mahigpit na rekomendasyon ng mga duktor ang malimit na paghuhugas ng kamay, pagmantine ng sapat na distansya sa ibang tao, pagtatakip ng bibig sa pag-ubo at pagbahing, at maayos na pagluluto ng pagkain. Ang sinumang maysakit ay pinapayuhang manatili sa kanilang bahay at umiwas na makisalamuha sa ibang tao.