Laban para mabuhay
Resulta ng matagal at mapangwasak na lockdown ni Rodrigo Duterte ang naitalang pinakamalalang pagbagsak ng lokal na produksyon sa unang hati ng taong 2020. Ramdam ito sa mga prubinsya sa Mindanao at Visayas na sumabay sa lockdown ng Luzon at Metro Manila noong Marso. Ora-orada at walang planong pinatigil ng mga lokal na gubyerno ang produksyon, transportasyon at komersyo, at iba’t ibang kabuhayang pinagkakakitaan ng masang anakpawis.
Ang mga manggagawa at malamanggagawang nakapanayam ng Ang Bayan sa Visayas at Mindanao ay kumikita ng ₱250 hanggang ₱500 kada araw. Malaking bahagi ng kanilang sahod at kita ay napupunta sa pagkain at pambayad ng kuryente at tubig. Kulang na kulang ang kanilang kinikita para mapaaral ang kanilang mga anak. Wala silang impok sakaling may magkasakit. Baon sila sa utang. Ang mga walang natanggap na ayuda ay nakaasa sa kakarampot at panakanakang remitans mula sa mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Nang ipinataw ang mga lockdown, kalakhan sa kanila ang hindi nakatanggap ng kumpensasyon mula sa kanilang mga pinagtatrabahuan. Tanging ang mga dating rehistrado sa 4Ps ang nakatanggap ng ayuda mula sa estado. Sa desperasyong kumita, natulak silang pumasok sa mga trabahong walang katiyakan ang kanilang kalusugan at kaligtasan. Napilitan silang tumanggap ng mas mababa pang sahod at magtrabaho sa mas masasahol na kundisyon sa paggawa. Para abutin ang kalahati ng kinikita, sinasagad nila ang kanilang mga katawan kahit pa masapeligro ang kalusugan nila at ng kanilang pamilya.
Bawas na kita
Nagtatrabaho sa asukarera sa Visayas si Victor, 47 taong gulang, may asawa at anak. Kumikita siya ng ₱10,000 kada buwan para sa 8-oras na trabaho, 6 na araw kada linggo. Kahit noong wala pang pandemya, malayong hindi nakasasapat ang kinikita niya para sa pag-aaral ng tatlo niyang anak. Nang mag-lockdown, may trabaho pa rin si Victor pero bawas ang pagkakataon niya para sa dagdag na kita dahil nagbawas ng produksyon at ibinaba ng kumpanya ang hazard pay.
Pangingisda naman ang pangunahing ikinabubuhay nina Jerome at Bitao. Bago ang pandemya, kumikita si Bitao ng ₱300 kada araw sa pangingisda sa Visayas. Si Jerome naman ay pana-panahong nagtatrabaho sa malalaking pangisdaan at nangunguha ng tulya, alimango at talaba sa bakawan sa Mindanao. Mula ₱400 hanggang ₱600 ang kinikita niya kada araw.
Hindi nakalista bilang benepisyaryo ng 4Ps kaya walang natanggap na ayuda si Jerome. Umaasa ang kanyang pamilya sa paminsan-minsang padala ng kamag-anak niya mula sa ibang bansa. Para kumita, alas-5 pa lamang ng umaga ay nangangalap na siya ng yamang-dagat sa bakawan. Alas-3 ng hapon na siya kumakain pag-uwi niya sa bahay.
Dahil dati nang benepisyaryo, nakatanggap ng ayudang ₱11,900 si Bitao at kanyang asawa sa nakaraang anim na buwan (abereyds na ₱1,600 kada buwan.) Kahit isama ang kanyang kita, kulang ito kahit sa pagkain pa lamang. Wala siyang dagdag na pondo para tustusan ang pag-aaral na online, modular o blended ng kanyang mga anak. Dahil dito, hindi niya ini-enrol ang dalawa niyang anak sa hayskul at dalawa pa sa elementarya.
Kapit sa patalim
Bumalik sa trabaho sa konstruksyon sina Arnel, Genero at Berns nang lumuwag ang mga restriksyon ng lockdown noong Mayo.
Si Arnel, na dating walang trabaho, ay nakuha sa isang lokal na kumpanya kung saan pumapasok siya Lunes hanggang Sabado, walong oras kada araw, para sa sahod na ₱2,500 kada linggo. Umutang siya para makabili ng motorsiklo para may masakyan. Kinuha niya ang trabaho kahit wala siyang pinirmahang kontrata. Wala siyang anumang gamit pangkaligtasan kontra Covid-19 o kahit sa mapanganib na mga trabaho tulad ng pagwi-welding.
Si Genero, sa kabilang banda, ay dati nang may trabaho sa konstruksyon bilang opereytor ng heavy equipment. Ibinukas ulit ang konstruksyon sa prubinsya bilang pabor sa isang multinasyunal na plantasyon ng pinya at pumasok siya kahit walang paghahandang pangkalusugan at walang katiyakang sasagutin ng kumpanya ang gastos sakaling mahawa siya ng Covid-19. Kapag may ubo o lagnat, umiinom lamang siya ng paracetamol o di kaya’y antibiotic at umaasa na gumaling siya.
Sa tatlo, pinakahirap si Berns dahil simula pa lamang ng lockdown, nagsara na ang kumpanyang pinagtatrabahuan niya. Hanggang ngayon, wala siyang trabaho. Nakatanggap siya ng kakarampot na ayuda bilang benepisyaryo ng 4Ps. Para punan ito, naglalako siya ng isda para makakain ang kanyang pamilya. Nagpasya siya at kanyang asawa na hindi muna papasukin ang kanilang mga anak dahil mahihirapan silang magsilbing guro sa kanila.
Sagad sa trabaho
Drayber ng motorela sa isang sentrong bayan sa Mindanao si Manuelito. Bago ang pandemya, kumikita siya ng abereyds na ₱500/araw o ₱12,000/buwan. Kulang ito sa tinatayang minimum na ₱24,000 na kailangan ng kanyang pamilyang may walong myembro. Dahil kulang, nangungutang si Manuelito at nagbabayad nang hanggang ₱600/linggo.
Isang beses lamang siya nakatanggap ng ayudang pinansyal (₱1,700) at pagkain mula nang mag-lockdown. Nang muling pinayagang bumyahe ang mga motorela, nangutang siya para malagyan ng mga plastik na harang ang kanyang motorela. Wala pa sa kalahati ng kita niya noon ang kinikita niya ngayon kada araw dahil limitado ang pinahihintulutang sumakay kada byahe.
Parehong nasa pagbebenta ang mag-asawang Gladys at Jack. Kung pagsasamahin, kumikita silang dalawa ng mahigit ₱15,000 kada buwan kapalit ng pagtatrabaho nang walong oras, anim na araw kada linggo. Pareho silang nawalan ng trabaho sa lockdown, at napilitang maglipat-lipat sa mga kamag-anak para mapunan ang pangangailangan sa pagkain. Ito ay kahit may natanggap silang kumpensasyong bigas mula sa pinagtatrabahuang kumpanya at ayuda. Problema nila ang transportasyon at kaligtasan papunta sa trabaho. May pinagagamit kay Gladys na face shield sa trabaho pero kailangang iwan ito sa tindahan kapag umuuwi siya. Kinailangan niyang bumili ng sariling face mask at face shield para sa byahe. No work, no pay/hazard pay ang patakaran ng pinagtatrabahuan niya.
Si Luz, 50 taong gulang, ay ilang dekada nang labandera. Kumikita siya ng abereyds na ₱6,000 kada buwan sa halos buong araw na paglalaba. Nasa ₱8,400 ang inaabot na kita kung isasama ang sahod ng kanyang asawa na nagtatrabaho bilang caretaker ng isang manukan. Kulang pa ito sa gastos sa pagkain nila at kanilang dalawang anak.