Hindi magpapagupo ang bayan sa terorismo ng estado
Si Ka Randall Echanis, 72, beteranong rebolusyonaryo at lingkod-bayan, tagapagtaguyod ng masang anakpawis, at tagapagsulong ng makatarungang kapayapaan, ay walang-awang pinahirapan at pinaslang. Pinasok ng mga pasistang berdugo ang kanyang inuupahang tirahan sa Quezon City noong madaling-araw ng Agosto 10. Siya’y iginapos, pinagsasasaksak at hinampas sa ulo. Ang tanging saksi, ang dumamay na kapitbahay, ay tuluyan ding pinatahimik.
Ano pa nga ba kundi mga pasistang hayop na alaga ng Duterteng halimaw ang nagsagawa ng krimen na ito? Sino pa ba ang magdiriwang sa pagpaslang kay Echanis kundi ang mga mapang-api at mapagsamantala na walang-sawa at walang-pagod niyang binatikos at nilabanan kasama ang masang anakpawis? May iba pa bang layunin ang karumaldumal na krimeng ito kundi ang itarak ang hilakbot sa dibdib ng taumbayan? Ano pa nga ba kundi galit, paghihimagsik, at ibayong tapang at paglaban ang tugon ng sambayanan?
Ang brutal na pagpaslang kay Echanis ay bahagi ng tumitindi at walang-habas na teroristang pagdaluhong ng estado sa ilalim ng rehimeng Duterte. Partikular na tinatarget ang kilalang mga personahe at pwersang patriyotiko at demokratiko na aktibo sa hayag na kilusang masa na pinakamasigla sa paglalantad at paglaban sa anti-mamamayang rehimeng Duterte at sa pagsusulong ng demokratikong mga pakikibakang masa.
Isang linggo lamang paglipas ng pagpaslang kay Echanis, muling umatake ang mga pasistang hayop. Pinaslang sa Bacolod City si Zara Alvarez, 39, tagapagtaguyod ng karapatang-tao at aktibo sa pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad. Tulad ni Echanis, si Alvarez ay kabilang sa 600 aktibistang inakusahan ng Department of Justice na “terorista” sa kaso laban sa PKP at BHB. Noong Mayo, dinukot, tinortyur at pinahirapan din si Carlito Badion, 52, pangkalahatang-kalihim ng organisasyong Kadamay. Ilang araw bago nito, pinaslang sa Iloilo City si Jory Porquia, 58, kilalang aktibista at koordinador sa syudad ng partidong Bayan Muna.
Ang tuluy-tuloy na pasistang paninibasib laban sa mga kilalang aktibista sa kalunsuran ay isinasagawa ng mga armadong ahente ng estado sa utos ni Duterte at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Kahit walang batayang ligal, matagal nang idinadawit ng mga buhong na pasista ang mga aktibista sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Tinatarget maging ang mga artista, kritikal na masmidya, taong-simbahan at karaniwang mamamayang kritikal kay Duterte. Ang mga target ng kanilang pagpaslang, pag-aresto, pagdukot o pagkukulong ay matagal nang pinararatangan ng AFP at PNP sa mga tarpolin at satsat sa masmidya, upang palabasing tama o makatwiran ang ginagawa nilang pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal o kaya’y tahasang pagpaslang sa mga lider-masa at mga aktibista.
Kung walang-awat ang pasistang pagsalakay sa kalunsuran, lalo pang marahas at walang pakundangan ang panunupil ng AFP sa kanayunan, kung saan malayo sa mata ng midya at mabagal ang daloy ng impormasyon. Sa ilalim ng paghahari ni Duterte, hindi bababa sa 264 ang magsasakang pinaslang ng mga sundalo, pulis, paramilitar at mga armadong ahente ng rehimen.
Wala silang sinasantong karapatan o mga alituntunin kundi ang kapangyarihan at batas ng militar. Saanman ang masang magsasaka ay nanindigan at nagtanggol sa kanilang karapatan o lumaban para sa lupa, naroon ang mga pasista upang sila’y patahimikin at gupuin. Terorismo ng estado ang kinakaharap nila sa araw-araw.
Sinumang natutong magsalita para sa kanilang interes ay pinararatangang sumusuporta sa armadong kilusan. Ipinapataw nila ang mga kontrol ng militar sa mga komunidad, kabilang ang curfew, tsekpoynt, pagkontrol sa pagbili ng pagkain, pagbawal sa pagsasaka at iba pang hakbangin na sinasabing kontra sa BHB, subalit katunaya’y pahirap sa masa. Ang mga sibilyang residente ay pwersahang kinakasangkapan ng AFP sa kanilang madugo at mapanupil na gera. Ipinaparada sila sa publiko bilang mga “sumurender,” pwersahang nirerekrut sa CAFGU, pinaggigiya sa mga operasyong militar, hinahakot sa mga raling papuri sa militar at iba pa.
Sa paglulunsad ng gera, wala ring sinusunod na batas ang AFP. Sa pag-upat ni Duterte, ilang mga rebolusyonaryong lider at pwersa na ang brutal na pinaslang kahit pa wala sa katayuang lumaban. Si Ka Mario Caraig, isa sa mga lider ng Partido sa Southern Tagalog, ay pinagbabaril noong Agosto 8 sa Laguna kahit siya’y natutulog. Sugatan siya at nagpapagaling noon. Noong Marso, si Ka Julius Giron, 71, isa sa pinuno ng Partido at pangunahing konsultant sa usapang pangkapayapaan, ay walang-awang pinaslang sa Baguio City, kasama ang kanyang duktor at isang kasama sa tirahan.
Taliwas din sa mga internasyunal na makataong batas ang dumadalas na paghuhulog ng AFP ng 500-libras na bomba at bulag na panganganyon sa pinaghihinalaang kampo ng BHB na nagsasapeligro sa buhay at kabuhayan ng masang magsasaka at minoryang mamamayan sa mga kanugnog na komunidad.
Lahat nang ito—mula sa pampulitikang pamamaslang sa kalunsuran hanggang sa militarisasyon sa kanayunan—ang bumubuo ng larawan ng terorismo ng estado sa ilalim ni Duterte. Sa harap ng pandemya, pinaprayoridad ni Duterte ang pagpapaigting sa terorismo ng estado. Ginagamit niya ang pinakabrutal na anyo ng pasismo sa layong balutin sa takot ang buong bayan, patahimikin ang kanilang mga protesta at sugpuin ang kanilang mga pakikibaka.
Habang lango sa kapangyarihan, mas malawak pang poder ang tinatakam ni Duterte para tuluy-tuloy na makapagkamal ng yaman mula sa pagbubulsa ng pondong pampubliko, aregluhan sa mga kontrata, suhol ng mga sindikato sa droga at iba pa. Labis-labis ang pangamba ni Duterte at ng kanyang mga alipures na matanggal sila sa poder at mapwersang harapin ang di mabilang na kasong kriminal at paglabag sa karapatang-tao, malantad ang itinatagong yaman, at mapanagot sa lahat ng kasalanan sa bayan. Walang tigil ang mga iskema ni Duterte para manatili sa poder sa pamamagitan ng pagbabago sa konstitusyon, pagsasaayos sa resulta ng eleksyong 2022 para makaupo ang kanyang mga hihirangin, o tahasan pang pagpapataw ng paghaharing diktadura.
Ang tumitinding terorismo ng estado ay tanda ng desperasyon ng rehimeng US-Duterte na kumapit sa poder sa harap ng lumalakas at lumalawak na panawagan para sa kanyang pagbibitiw o pagpapatalsik.
Lalong sumisidhi ang determinasyon ng bayan na lumaban sa harap ng palyadong militaristang pagtugon ng rehimen sa pandemya, papalalang korapsyon at pagnanakaw, pagpapahirap at pang-aapi sa bayan.
Subalit sa halip na magupo, ibayo pang galit, determinasyong lumaban at tapang ang namumuo sa dibdib ng mamamayan. Sa halip na mapatahimik, ang taumbaya’y lalong napupukaw sa pangangailangang magsalita, magprotesta at magbangon. Sa halip na tumalikod, handa ang sambayanan na harapin ang mga kinakailangang malaking sakripisyo para labanan at gapiin ang pasistang terorismo at kamtin ang hangad na kalayaan.