2 konsultant ng NDFP, pinaslang

,

Dalawang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at lima pang sibilyan ang pinaslang ng armadong mga pwersa ng estado nitong nakaraang dalawang linggo. Sa panahong ito, lima pa ang inaresto at tatlo ang dinukot, kabilang ang isang bata.

Pamamaslang. Magkasabay na pinatay ng mga ahente ng reaksyunaryong estado sina Fr. Rustico Tan at Reynaldo Bocala, mga konsultant sa usapang pangkapayapaan ng NDF para sa Visayas noong Mayo 28 sa kani-kanilang mga tahanan sa Cebu at Iloilo.

Binaril ng mga pulis si Bocala, 75, ng NDF-Panay at kasama niyang si Willy Arguelles Epago sa Barangay Balabag, Pavia, Iloilo. Pinalabas ng pulis na “nanlaban” sila.

Sa parehong araw, binaril din si Tan, 80, habang natutulog sa harap ng kanyang bahay sa Pilar, Camotes Island. Nagsilbi siyang negosyador ng NDF-Cebu sa usapang pangkapayapaan noong 1987.

Samantala, tatlong aktibista ang minasaker at isa ang dinukot sa reyd ng 202nd IBde at Special Action Forces ng pulis sa Barangay Macabiling, Sta. Rosa, Laguna noong Mayo 21. Pinatay sina Christoper Boton, Cristina Estocado at Rommel Riza habang itinago ng mga salarin si Kemuel Ian Cometa, gradweyt ng University of the Philippines-Los Baños at koordineytor ng Kabataan Partylist sa Laguna. Hindi pa inililitaw ng militar si Cometa hanggang ngayon.

Sa Negros Occidental, pinatay ng mga sundalo ng 94th IB si Padoz Lozano sa Barangay Mahalang, Himamaylan City noong Mayo 13. Sinalakay din ng mga sundalo ang tatlong bahay ng pamilyang Hilado sa Sityo Alulong, Barangay Buenavista.

Noong Marso 31, binaril at napatay ng mga tauhan ng estado ang mga mag-aabaka na kinilalang sina “Greg” at “Uno” sa San Miguel, Catanduanes. Magkapatid ang mga biktima at kapwa residente ng Barangay Progreso ng naturang bayan.

Pag-aresto. Dinakip ng 94th IB sina Robnie Ariola, Junjun Casilo at Jonalyn Agaton, mga residente ng Sityo Bugo, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental matapos palabasin na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at militar sa lugar noong Mayo 26. Sinunog din ng mga sundalo ang bahay ng residenteng si Gerard Ariola.

Sa Bicol, iligal na inaresto ng pulisya si Elwin Mangampo, tagapangulo ng Lambat-Bicol, organisasyon ng mga mangingisda, noong Mayo 30 sa kanyang bahay sa Purok 2, Barangay 1, Pio Duran, Albay. Hinalughog at tinamnan ng granada at baril ang kanyang bahay. Matagal nang ni-red-tag ng militar si Mangampo.

Inaresto rin si Rolando Obal, magsasaka sa Barangay Macalamlam, Rosario, Batangas, noong Mayo 26. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong pagpatay at illegal possession of explosives. Pinalalabas ng militar at pulis na sangkot siya sa engkwentro sa pagitan ng militar at BHB noong araw na iyon. Inaresto rin ng mga sundalo ang magsasakang si Gilbert Orr. Hindi pa rin siya inililitaw.

Pagdukot. Sa Occidental Mindoro, dinukot ng 10 sundalo ng 203rd IBde si MJ, apat na taong gulang na anak ng bilanggong pulitikal na si Emilia Marquez, noong Mayo 12 sa Sityo Ambuyan, Pitogo, Rizal.

Gawi na ng mga sundalo ang mandukot ng mga anak ng mga detenido para ipresyur sila na makipagtulungan sa militar.

Panggigipit. Sapilitang ipinagiba ng mga sundalo ng 72nd IB sa mga residente ang paaralang Lumad sa Sagundanon, Kitaotao, Bukidnon noong Hunyo 6. Pinagbantaan ang mga residente na kakasuhan kung hindi sila susunod.

2 konsultant ng NDFP, pinaslang