Wala pa ring hustisya ang mga taga-Marawi

,

Kasinungalingan ang sinasabi ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na 65% na ng rekonstruksyon ng Marawi City ang “tapos na.” Ito ang pahayag ni Drieza Lininding ng Moro Consensus Group sa ikaapat na anibersaryo ng pagpulbos ng rehimeng Duterte sa syudad noong Mayo 23. Sa araw na iyon, isang karaban ng mga residente ang nagtungo sa Maqbara Public Cemetery sa Barangay Papandayan sa syudad para gunitain ang unang araw ng pambobomba. Dito inilibing ang mga labi ng 470 biktima ng halos 5-buwang pambobomba ng AFP na nagresulta sa dislokasyon ng 325,294 indibidwal noong 2017.

Pagkatapos ng apat na taon, hindi pa rin makabalik ang karamihan sa 27,000 pamilya ng 11,000 kabahayang winasak ng pambobomba ng AFP sa syudad. Hindi pa natatapos ang mga kalsada. Wala pang mga kawad ng kuryente at sistema ng patubig. Gustuhin mang bumalik ng mga residente, wala silang pondo para kumpunihin o muling ipatayo ang durog nilang mga bahay. Sa ngayon mayroon lamang 113 pamilyang nakauwi sa Tolali mula sa 17,768 pamilya, at 100 pamilya lamang ang nasa relokasyon ng Pagalatan, Saguiran. Samantala, 2,943 pang pamilya ang nasa Boganga Transitory Sites, at mas marami pa ang nakakalat sa Baloi at Rogongon, Iligan City, Poona Bayabao at Piagapo sa Lanao del Sur, at iba pang mga lugar.

Habang nagdurusa ang mga bakwit sa mga sentro ng ebakwasyon at walang mapagkakitaang kabuhayan, walang interes si Duterte na itulak sa Kongreso ang panukalang batas na maglalaan ng ₱30-₱50 bilyong pondong kumpensasyon para sa mga bakwit.

Wala pa ring hustisya ang mga taga-Marawi