Krisis at ribalan sa industriya ng semiconductor

,

Nag-uunahan ngayon ang US at ang China sa bagong pamumuhunan para manguna at maging dominante sa industriya ng semiconductor. Sa kasalukuyan, kapwa kulang ang dalawang pangunahing imperyalistang bansa sa produksyon ng semiconductor at nakasalalay sa pag-iimport pangunahin mula sa Taiwan at Japan. Batid ang lumalaking halaga ng mga semiconductor, itinutulak nila ngayon ang “in-sourcing” (kabaligtaran ng “out-sourcing”) kung saan nais nilang dalhin sa loob ng kani-kanilang bansa ang produksyon ng semiconductor.

Malaki ang pagsalalay ng China sa pag-aangkat ng semiconductor. Ang lokal na produksyon ay sapat lamang para sa 15.7% na kailangan ng bansa noong 2019. Noong 2020, nag-angkat ito ng $350 bilyon ng semiconductor, 14.6% na mas mataas kumpara sa 2019. Labis na naapektuhan ang produksyon ng smartphone ng kumpanyang Huawei ng problema sa pagkukunan ng semiconductor. Dahil sa presyur ng US, itinigil ng Taiwan Semiconductor Company o TSMC ng Taiwan ang pagsuplay sa Huawei ng abanteng mga microchip, dahilan para matigil ang produksyon ng bagong modelo ng mga smartphone.

Idineklara ng China ang Made in China 2025 na may layunin diumano na abutin ang kakayahang magprodyus ng 70% ng kinakailangang suplay ng semiconductor. Inaasahang mamumuhunan ng bilyun-bilyong dolyar ang China para ibigay na subsidyo sa mga kumpanya para magtayo ng bagong mga pabrika. Gayunman, dahil sa panggigipit ng US at mga alyado nito, tinatayang mahihirapan ang China na maabot ang kakayahan sa pagmanupaktura ng abanteng mga microchip (ang kumpanyang ASML ng Netherlands, alyado ng US, ang kasalukuyang may kakayahang gumagawa ng gamit para sa produksyon ng abanteng semiconductor).

Itinutulak naman ng gubyernong Biden na dalhin sa loob ng US ang pagmamanupaktura ng mga semiconductor. Idineklara nito ang planong paglalaan ng $50 bilyon sa anyo ng mga subsidyo, insentiba sa buwis, paglalatag ng imprastruktura at iba pang anyo ng pamumuhunan sa industriya. Tuwiran ang pakikialam ng White House sa ngalan ng “muling pagtatayo ng America.” Nakahapag sa kongreso ng US ang panukalang CHIPS for America Act na may layuning dominahan ang pandaigdigang kapasidad sa pagmanupaktura ng abanteng semiconductor.

Naghahabol ngayon ang malalaking kapitalista na punan ang kakulangan sa suplay ng semiconductor na tinatayang magtatagal hanggang 2023. Kaya naman, malakas ang bentahan ngayon ng mga microchip at tumatabo ng malaking tubo ang mga kapitalistang nagpoprodyus nito. Sa ngayon, may 29 bagong mga pabrikang pinaplanong itayo: 19 ngayong taon at 10 sa 2022, tigwalo sa China at Taiwan, anim sa America, tatlo sa Europe at Middle East, at tig-dalawa sa Japan at Korea. Naghahabol din ang Europe na abutin ang produksyon ng 30% ng pandaidigang suplay ng semiconductor.

Nasa Taiwan ang bulto ng minamanupakturang semiconductor at pangunahing prodyuser ng pinakaabanteng mga microchip. Ang mga kumpanya sa likod ng mga ito ay pawang itinayo ng mga kumpanyang multinasyunal kabilang ang pinakamalaki na TSMC na itinayo ng Philips. Labis-labis ang pag-aalala ng US sa posibilidad na kontrolin o tuluyang saklutin ng China ang Taiwan. Kaya naman, todo-todo ang pagpapalakas ng US ng presensyang militar sa Taiwan upang pangalagaan ang interes ng US doon na hindi mapunta sa kamay ng China ang mga abanteng teknolohiya.

Pagpiga sa mga manggagawa

Dahil sa pagmamadali na mapunan ang kakulangan sa suplay ng semiconductor, paspasan ngayon ang produksyon sa mga pabrika nito. Nagreresulta ito sa papatinding pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sa Taiwan at Singapore, 24-oras ang operasyon ngayon ng mga pabrika sa kabila ng mga peligro dulot ng pandemya.

Sa Taiwan, pinipilit ang mga manggagawa, na marami ay mga migrante mula sa Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Thailand at iba pang bansa, na manirahan sa loob ng mga dormitoryo ng kumpanya para maipatupad ang ala-militar na “disiplina” sa pagtatrabaho. Karaniwang pinagmumulan ng mabilis na pagkalat ng Covid-19 ang mga dormitoryong ito kung saan nagsisiksikan ang 8-10 manggagawa sa bawat kwarto.

Bagaman nasa mga kapitalistang bansa ang pinaka-ubod na bahagi ng produksyon ng mga semiconductor na gumagamit ng abanteng teknolohiya, malaking bahagi ng proseso ng pagmamanupaktura ay ginagawa sa mga “economic zone” sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas. Dito ginagawa ang bahagi na nangangailangan ng masinsing lakas-paggawa, partikular ang assembly o packaging at testing. Dito rin ginagawa ang mga proseso na nababantad ang mga manggagawa sa mga kemikal na ipinagbabawal sa mga kanlurang bansa.

May larawan na “malinis” ang produksyon ng mga semiconductor dahil karaniwang nakasuot ng mga personal protective equipment (PPE) ang mga manggagawa, na madalas makikita lamang sa mga ospital. Pero sinasabi na ang PPE ay hindi para sa proteksyon ng mga manggagawa, kundi ng mga produktong hinahawakan nila. Hindi sapat ang suot nilang mga PPE para proteksyunan sila sa mga kemikal na tuwiran nilang hinahawakan o nalalanghap.

Mula noong dekada 1980, karaniwan na mayorya ng mga manggagawa sa mga pabrikang ito ay mga babae. Sa mga pabrikang ito ay natatambad sila at nakalalanghap ng nakalalason at nakakakanser na mga kemikal na gamit sa proseso ng produksyon. Sa iba’t ibang mga pag-aaral, natuklasan na mas mataas ang porsyento ng nakukunan sa mga kababaihang manggagawa sa mga pagawaan ng semiconductor kaysa panlahatang populasyon. Laganap din ang iba’t ibang anyo ng kanser tulad ng leukemia, kanser sa suso at iba pa. Natuklasan din sa mga pag-aaral na mataas ang kaso ng pagkasira ng paningin o pagkabulag ng mga manggagawang matagal na nagtrabaho sa mga kumpanya gumagawa ng mga semiconductor.

Sa harap ng lumalakas na ribalan ng pinakamalaking kapitalista para kontrolin ang industriya ng semiconductor, dapat mahigpit na magkaisa ang mga manggagawa upang ipagtanggol ang kanilang kapakanan at interes laban sa papatinding pagsasamantala.

(Ito ang huli sa dalawang-bahaging artikulo.)

UNANG BAHAGI: Krisis at ribalan sa industriya ng semiconductor

Krisis at ribalan sa industriya ng semiconductor