Mga protesta

,

Pagkakwari sa Negros, ipinatitigil. Noong Agosto 12, umapela ang mga magsasaka ng Silay City para ipatigil ang mga operasyon ng pagkakwari sa Silay City, Negros Occidental. Kinundena nila ang walang tigil na paghahawan sa kagubatan na nagdudulot ng pagbaha at pagkasira ng kanilang mga pananim. Sa limang operasyon ng pagkakwari sa lugar, isa ay pagmamay-ari ng meyor ng syudad na si Mark Andrew J. Golez.

Tanggalan sa Coca-Cola sa Cebu, naipasuspinde. Pansamantalang sinuspinde ang tanggalan sa Coca-Cola matapos magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga kontraktwal na manggagawa at kanilang prinsipal na kontraktor noong Agosto 9 sa Mandaue City, Cebu. Ito ay matapos magsampa ng kaso ang mga manggagawa sa National Conciliation and Mediation Board. Kabilang sa kanilang inireklamo ang union busting at hindi makataong kalagayan sa paggawa, kung saan sapilitang pinagagampan ang mga manggagawa ng iba pang mga trabaho.

Protesta sa Talisay City. Nagmartsa tungo sa upisina ng Civil Service Commission sa Bacolod City noong Agosto 9 ang mga tinanggal na empleyado ng Talisay City Government at Bacolod City Water District upang ipanawagan na ibalik na sila sa trabaho.

Mga bakwit sa Haran, bumalik na sa Talaingod. Nagpasyang bumalik ang natitirang 100 katutubong Talaingod Manobo sa kanilang lupang ninuno noong Agosto 9 matapos ang pitong taon. Nagbakwit at nagsangtwaryo sila sa UCCP Haran Center sa Davao City mula pa 2014 matapos paulit-ulit na salakayin ng militar ang kanilang mga komunidad.

Mga protesta