Abugado, pinaslang sa South Cotabato

,

Isang abugadong tagapagtanggol ng karapatang-tao at isang Pulang mandirigma na wala nang kakayahang lumaban ang pinaslang ng mga armadong ahente ng estado sa nakaraang linggo.

Binaril at pinatay ng dalawang armadong lalaki si Atty. Juan Macababbad, pangalawang tagapangulo ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao at kasapi ng National Union of Peoples’ Lawyers, sa harap ng kanyang bahay sa Surallah, South Cotabato noong Setyembre 15.

Abugado si Atty. Macababbad ng mga lumad, guro, bilanggong pulitikal at iba pang sektor sa rehiyon. Myembro din siya ng partidong Bayan Muna.

Sa Camarines Sur, tinortyur at pinaslang noong Setyembre 12 ng mga pulis at sundalo si Dioscorro L. Roma (Ka JR), isang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na wala nang kakayahang lumaban. Nadakip si Roma sa labas ng kampo ng BHB sa Tible, Lupi habang kumukuha ng suplay.

Ayon sa pamilya, halos hindi na makilala ang mga labi ni Roma dahil sa tindi ng tortyur na dinanas niya. Basag ang kanyang mukha, mga daliri at bayag at nangingitim sa pasa ang kanyang buong katawan.

Samantala, inaresto ng Philippine National Police-Labo ang dalawang upisyal ng Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte noong Agosto 30. Pinaratangan sina Barangay Kagawad Angelita F. Talla at Julieta Clores Dela Cruz, 65, ng pagkakasangkot sa armadong aksyon ng BHB sa naturang barangay noong nakaraang Marso. Sinampahan sila ng kasong direct assault at frustrated murder.

Inaresto at inakusahang kasapi ng BHB ang magsasakang si Toto Moreno, residente ng Sityo Uyangan, Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental, ng mga sundalo ng 62nd IB noong Setyembre 14.

Abugado, pinaslang sa South Cotabato