Imbestigasyon ng ICC, tuloy na

,

Tuluy na tuloy na ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte. Isinapubliko ang desisyon ng mga huwes ng korte noong Setyembre 15. Saklaw ng imbestigasyon ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang ni Duterte mula 2011 hanggang 2019. Ayon sa pahayag ng mga huwes ng ICC, hindi nila nakikita bilang “lehitimong operasyon” ang “gera” ni Duterte laban sa iligal na droga, at ang mga pagpaslang na isinagawa sa ngalan nito bilang “lehitimo o kalabisan lamang ng mga lehitimong operasyon.” Malakas ang ebidensya, anila, na ang malawakan at sistematikong pag-atake sa sibilyang populasyon ay patakaran ng estado.

Samantala, inilabas ng Investigate PH, isang internasyunal na grupo na binubuo ng dating myembro ng parlamento ng iba’t ibang bansa, ang pangatlo at huling ulat nito noong Setyembre 13. Laman ng ulat ang mga paglabag ng gubyerno ni Duterte sa mga karapatan sa ekonomya, lipunan at kultura, mga karapatan sa kabuhayan at kaunlaran, pagpapasya-sa-sarili at kapayapaan. Nanawagan ang grupo sa United Nations Human Rights Council na kagyat na maglunsad ng hiwalay at independyenteng imbestigasyon sa Pilipinas.

Imbestigasyon ng ICC, tuloy na