6 na magsasaka, iligal na inaresto


Anim na magsasaka ang naiulat na iligal na inaresto ng armadong mga ahente ng estado nitong nagdaang mga linggo. Kasabay nito ang panghahalihaw ng militar sa mga komunidad ng magsasaka at pamimilit na sumurender.
Noong Oktubre 17, dinakip ng mga pulis si Cristina Magistrado, dating organisador ng Amihan-Cagayan sa kanyang bahay sa Binangonan, Rizal batay sa gawa-gawang kaso. Dinala siya sa istasyon ng pulis sa Tuguegarao City at doon ikinulong at ininteroga.
Sa Sorsogon, inaresto matapos taniman ng ebidensyang baril si Sonny G. Nace at pinaratangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Residente si Nace ng Barangay Tulatula Sur, Magallanes at naghahanapbuhay bilang ahente ng small-town lottery (STL).
Sa Sorsogon pa rin, dalawang buwan nang nililigalig ng 31st IB at mga pulis ang di bababa sa siyam na barangay sa Donsol at pito sa katabing bayan ng Pilar. Iniulat ng BHB-Sorsogon noong Oktubre 14 na mahigit 20 sibilyan mula sa lugar ang ginipit at pinwersang sumurender bilang mga myembro ng BHB.
Noong Setyembre 27, dinakip ng 85th IB ang mag-asawang Leonina Ilag at Poli Naval sa Sityo Hagakhak, Barangay Malaya, General Luna, Quezon matapos magkaroon ng labanan sa pagitan ng isang yunit ng BHB at 85th IB malapit sa kanilang bahay.
Dalawang residente din ng Barangay Maraiging, Jabonga, Agusan del Sur ang inaresto ng 29th IB matapos ang reyd ng BHB sa lugar noong Setyembre 28. Kinilala ang mga biktima na sina Andre Pinao at Tungan Lauro.