Mga multinasyunal, hari ng pinya sa Pilipinas
Isa ang pinya sa mga nangungunang produktong pang-agrikultura ng Pilipinas. Ang bansa ang ikalawang pinakamalaking eksporter ng pinya sa buong mundo. Ang ani ng pinya noong nakaraang taon ay 2.7 milyong metriko tonelada (MT) na may halagang ₱26.1 bilyon. Mayorya (85%) ng kabuuang lokal na produksyon ng pinya ang kontrolado ng dambuhalang multinasyunal na mga korporasyong Del Monte Philippines Incorporated at Dole Philippines (Dolefil) na parehong unang itinatag ng mga kumpanyang US noong dekada 1920. Pagmamay-ari ngayon ng malaking burgesya-kumprador na pamilyang Campos ang Del Monte Philippines at ng kumpanyang Japanese na Itochu Corporation ang Dolefil.
Ibinebenta ang pinya nang presko, naka-lata, o pinroseso bilang inumin at nakahalo sa ibang produktong pagkain. May maliit na bahaging pinoproseso bilang tela. Ayon sa pinakahuling datos ng rehimen, ang abereyds na tingiang presyo ng pinya ay ₱53.07 kada kilo. Sinasabi nitong binibili ito sa halagang ₱19.37 kada kilo pero sa aktwal ay nasa ₱5 kada kilo lamang ang pagbili nito sa mga magsasaka.
Saklaw ng mga pinyahan ang 66,048 ektarya ng lupang agrikultural sa buong bansa. Malaking bahagi nito ay nakakonsentra sa Northern Mindanao Region (26,507 ektarya) at Soccsksargen (24,561 ektarya). Tinatayang 32,000 ektarya ang mga plantasyon ng pinya ng Dole habang 20,000 ektarya naman ang sa Del Monte na pawang kinamkam sa lupang ninuno ng mga Lumad. Ang relatibong mas maliliit na pinyahan ay nakapailalim sa mga kaayusang leaseback at contract growing kasosyo ang Del Monte at Dolefil. Bukod sa dalawa, nangongontrata rin ang Lapanday Foods Corporation ng mga Lorenzo, isang pamilyang panginoong maylupa.
Agresibong nagpapalawak ng plantasyon ang mga kumpanyang ito para magkamal ng mas malaking tubo mula sa produksyon ng pinya. Noong 2014, nag-anunsyo ang Dolefil ng planong ekpansyon ng 12,000 ektarya. Aagawin nito ang mga lupang agrikultural at lupang ninuno sa Soccsksargen na matagal nang sinasaka at tirahan ng mga setler at Lumad.
Ginagamit ng mga kumpanyang ito ang mga iskemang contract growing at leaseback para direktang kontrolin ang mga lupaing pagmamay-ari ng mga magsasaka para sa produksyon ng pinya. Ang contract growing ay isang kaayusan kung saan ipinapasa sa magsasaka ang buong proseso ng produksyon, habang ang presyo sa pagbili, dami ng produkto at kalidad nito ay solong itinatakda ng korporasyon. Ang sistemang leaseback naman ay isang kaayusan kung saan ang lupa (na nakapailalim sa pag-aaring “kooperatiba”) ay matagalang inuupahan ng mga korporasyon sa napakababang halaga. Bawal magtanim ng ibang pananim, kahit para sa pagkain, sa mga lupang ito.
Pagsasamantala sa mga manggagawang bukid
Sa panahon ng anihan, nag-eempleyo ang malalaking plantasyon ng mga sakada para lalupang makatipid. Ipinagkakait sa kanila ang karapatang mag-organisa, mag-unyon at makatanggap ng disenteng sahod at mga benepisyo. Laganap din ang sistemang pakyawan para lalupang makahuthot ng tubo mula sa mga manggagawa sa mga plantasyon ng pinya.
Dagdag na pahirap at panganib sa mga magsasaka sa mga pinyahan ang sistematiko at matagalang pagkatambad sa nakalalasong mga kemikal (pestisidyo, herbisidyo at pataba) na ginagamit ng mga multinasyunal para pabilisin at pahabain ang buhay ng mga pinya.
Produktong pang-eksport
Sa 2020, umabot sa 990,780 metriko tonelada (MT) ng sariwa at pinrosesong pinya ang ineksport ng Pilipinas sa halagang $674.54 milyon. Mahigit sangkatlo ito ng kabuuang bolyum ng pinya na naprodyus ng bansa. Malaking bahagi (71%) ng ineksport na pinya ng Pilipinas ay napunta sa US (236,810 MT), China (231,340 MT) at Japan (231,080 MT). Sa ilalim ng rehimeng Duterte, limang beses na lumobo ang bolyum ng ineksport na pinya ng Pilipinas sa China—mula 44,360 MT noong 2016 tungong 231,340 MT sa 2020.
Sa US, ang abereyds na tingiang presyo ng sariwang pinya ay $1.44 (₱72) kada kilo o halos apat na beses na mas malaki sa presyo kung magkano ito binebenta ng mga magsasaka (₱19.37). Nagkakahalaga naman ang pineapple juice ng $2.8 (₱140) kada litro.