Presyo ng langis, abot langit ang pagsirit
Sa nakaraang walong linggo, walong beses na itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng mga produktong petrolyo. Kung ibabatay sa pagsisimula ng taon, ₱19.70 kada litro na ang nadagdag sa presyo ng gasolina, at ₱18 kada litro naman ang nadagdag sa diesel.
Tiyak na abot-langit ang pagsirit ng mga presyo ng pagkain at iba pang produktong pangkonsumo sa darating na mga buwan dahil dito.
Sinasabing ang mga pagtaas sa presyo ay dulot ng pagtaas ng presyo ng krudong langis tungong $80 kada bariles sa internasyunal na pamilihan. Sumisirit ang presyo ng krudong langis dahil sa pagtanggi ng Organization of Petroleum Exporting Countries, Russia at mga alyado nito na itaas ang produksyon ng krudong langis. Nagaganap ito habang papalaki ang demand para sa langis sa China at Europe.
Sa Pilipinas, inililihim ng mga kumpanya sa langis ang pormula na ginagamit nito sa pagtatakda ng kani-kanilang mga presyo, gayundin ang pagkwenta sa nararapat na dagdag na presyo tuwing may galaw sa pandaigdigang pamilihan. Dahil dito, ipinanukala ng blokeng Makabayan na idetalye ng mga kumpanya ng langis ang batayan ng kanilang pagpepresyo at isapubliko ang impormasyon.
Gayundin, dapat ibasura ang ₱10 dagdag na buwis sa gasolina na ipinataw noong Mayo sa gitna ng pandemya para makalikom diumano ng pondong pang-ayuda. Dapat ding ibasura ang nauna pang ₱10 na ipinataw na excise tax sa gasolina, ₱6 sa diesel at ₱3 sa bawat kilo ng LPG na ipinatong sa 12% na value added tax.