Hustisya para sa mga rebolusyonaryong pinaslang

,

May sakit at nagpapagaling si Pedro Codaste (Ka Gonyong), 72, nang dukutin, pahirapan at paslangin siya ng mga sundalo ng 4th ID. Mula Agosto 2021 pa siya nakahiwalay sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at naninirahan sa isang bahay sa Bukidnon para magpagaling sa mga karamdaman. Dinukot siya at kasamang si Ka Sandro sa pagitan ng Enero 19 at Enero 21. Pinalabas ng militar na napaslang ang dalawa sa isang labanan noong Enero 21 sa Barangay Kalabugao, Impasug-ong, Bukidnon. Walang gayong labanang naganap sa lugar sa araw na iyon.

Ang pagpatay kay Ka Gonyong ay huli lamang sa humahabang madugong listahan ng mga pagpatay ng rehimeng Duterte sa mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan at mga lider rebolusyonaryo.

Operasyong likidasyon

Operasyon likidasyon at patakarang “walang ibibilanggo” ang utos ni Duterte sa militar at pulis laban sa mga konsultant at lider rebolusyonaryo, laluna mula 2020.

Mula 2019, hindi bababa sa 20 na ang brutal na pinaslang ng mga armadong tauhan ng pasistang rehimen. Kabilang sa mga biktima sina Julius Giron (Ka Nars), Jorge Madlos (Ka Oris), Menandro Villaneuva (Ka Bok), Antonio Cabanatan (Ka Manlimbasog), Randall Echanis, Eugenia Magpantay (Ka Fiel) at Agaton Topacio (Ka Boy), Florenda Yap (Ka Osang). Pinaslang din sina Mario Caraig (Ka Jethro), Dennis Rodinas (Ka Mayen), Leonido Nabong (Ka Charo), Randy Malayao, Alvin Luque (Ka Joaquin), Reynaldo Bocala (Ka Minoy), Fr. Rustico Tan, Kerima Tariman (Ka Ella), Sandra Reyes (Ka Kaye) at Jhon Niebres Peñaranda (Ka Parts Bagani). Mayorya ng mga kasong pagpatay na ito ay naganap noong 2020 at 2021.

Pawang walang kalaban-labang pinatay ang mga biktima. Marami ang dinukot o iligal na dinakip at tinortyur bago pinatay. Ang iba ay pinagbabaril sa “pagreyd” sa tinutuluyan nilang bahay. Ang iba pang biktima ng likidasyon ay nadakip sa labanan at nasa katayuang hors de combat (mga taong wala nang kakayahang lumaban) bago tuluyang pinatay.

Karamihan sa mga krimeng ito ay tahasang isinagawa ng mga unipormadong sundalo at pulis. Upang pagtakpan ang krimen, pinalalabas na ang mga biktima ay napaslang sa mga labanan. Naglubid ng buhangin ang mga upisyal ng militar at pulis para palabasing nagka-engkwentro o nanlaban ang mga biktima. May ilang biktima na pinaslang ng mga ahente ng estado. Walang isinagawang masusing imbestigasyon at pag-aawtopsiya sa mga katawan para alamin ang aktwal na sirkunstansya ng pagkasawi ng mga biktima. Sa maraming kaso, sadyang ipinagkait ng AFP at PNP ang akses ng pamilya at mga abugado sa impormasyon.

Sa naitala na 20 biktima ng Ang Bayan, 12 ay may edad 60 pataas na pawang wala sa katayuang lumaban. Ang iba ay nagpapagaling sa kanilang iniindang sakit.

Labag sa CARHRIHL, JASIG at batas sa digma

Ang mga pagpaslang sa konsultant pangkapayapaan ng NDFP ay labag sa mga kasunduang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na gumagarantiya sa karapatan at buhay ng mga kinatawan sa usapang pangkayapaan. Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nagtitiyak sa karapatan at makataong pagtrato sa mga nasa “labas na ng labanan.” Kabilang dito ang proteksyon ng kanilang “buhay, dignidad, karapatang-tao, paniniwalang pulitikal at kanilang moral at pisikal na integridad.” Gayundin, “lahat ng nawalan ng kalayaan sa mga dahilang may kaugnayan sa armadong tunggalian ay dapat ituring nang makatao” at marapat na “ikunsiderang palayain sa batayang makatao o ibang makatarungang dahilan.”

Mahigpit ding itinataguyod ng mga batas sa armadong tunggalian ang karapatan ng mga hors de combat. Sa ilalim ng Geneva Conventions ng 1949 at Dagdag na mga Protokol nito, mahigpit ang pagbabawal na patayin, saktan, ipailalim sa tortyur o anumang aksyong magkakait sa dignidad ng mga hors de combat. Sa mga sitwasyong kombat, ang mga sugatan o maysakit ay dapat iligtas at alagaan ng katunggaling pwersa na may hawak sa kanila.

Ang walang-habas na kampanya ng mga pagpatay ng rehimeng US-Duterte ay bahagi ng baluktot nitong paniniwalang masusugpo ang rebolusyonaryong kilusan kung papatayin ang mga rebolusyonaryo. Taliwas sa layuning ito, ang dugo ng mga rebolusyonaryong biktima ay lalo lamang nagpapatibay sa determinasyon ng taumbayan na isulong ang pakikibaka para sa katarungan at pagbabagong lipunan.

Hustisya para sa mga rebolusyonaryong pinaslang