Koalisyong Makabayan, nagdeklara ng suporta sa tambalang Leni-Kiko
Nagdeklara ng suporta ang Koalisyong Makabayan sa tambalang Leni Robredo-Francis “Kiko” Pangilinan bilang mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente ng bansa. Ito ay pagkatapos ng pormal na pag-endorso ng 1Sambayan noong Enero 28 sa kandidatura sa pagka-senador ni Atty. Neri Colmenares ng Makabayan sa darating na eleksyon sa Mayo 2022.
Ang 1Sambayan ay nabuo noong Marso 2021 bilang koalisyon ng mga organisasyon at indibidwal na tutol sa paghahari ni Rodrigo Duterte na nagkakaisa sa layuning gapiin ang kanyang pangkatin sa 2022. Sinusuportahan ng 1Sambayan ang kandidatura ni Vice Pres. Robredo sa pagkapangulo.
Ang pagsuporta ng Makabayan sa tambalang Leni-Kiko ay “mahalagang pagsulong sa pagbubuklod ng lahat ng demokratikong pwersa para talunin ang mga Marcos at Duterte,” ayon naman kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Sinisimbolo nito ang pagkakaisa ng paglaban ng iba’t ibang grupo at sektor sa tangka ng mga Marcos at Duterte na manumbalik sa Malacañang. Sa tantya ng Makabayan, si Robredo ang may pinakatsansang biguin ang tambalang Marcos-Duterte.
Mga komun na tindig sa isyu
Sa pahayag sa midya noong Enero 29, inilahad ng Makabayan ang batayan at kundisyon ng pag-endorso sa tambalang Leni-Kiko. Anila, “ang mga komun na tindig sa isyu, ang track record ng mga kandidato at ang napakahalagang laban na biguin ang tambalang Marcos-Duterte”.
Kabilang sa mga komun na tindig ang pagpapatupad ng syentipiko at makataong pagtugon sa pandemya, ang pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa at paglaban sa kontraktwalisasyon at karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Komun din sa dalawang panig ang pagtindig ng tambalan laban sa paglabag sa karapatang-tao, ang kanilang paninindigan para sa pambansang soberanya at karapatan sa West Philippine Sea.
Suportado rin nila ang hangarin ng tambalan na repasuhin ang mga kaso ng mga bilanggong pulitikal na matatanda at maysakit upang mapalaya sa batayang makatao. May magkatulad din silang paninindigan na ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN. Komun din ang pangangalaga sa kalikasan, katutubo, magsasaka at mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng pagrebyu at parebisa ng mga patakaran at batas sa pagmimina. May pagtutugma rin sa paninindigang irebyu ang pagsasara at muling akreditasyon ng mga paaralang Lumad. Pangako naman ni Robredo na rerepasuhin niya ang istruktura at naging mga gawi ng NTF-Elcac sa harap ng panawagan ng Makabayan na buwagin ito.
Nagkasundo ang dalawang panig na isulong ang usapang pangkapayapaan at pagpapanagot sa matataas na upisyal ng gubyerno na sangkot sa mga paglabag sa karapatang-tao at pandarambong at pagpapahintulot sa International Criminal Court para usigin si Duterte at iba pang kasapakat niya. Itinutulak din nila ang mga repormang elektoral at pulitikal upang labanan ang pag-abuso sa kapangyarihan at mabigyan ng partisipasyon at boses ang mamamayan.