Mga protesta
Barikada kontra mina sa Benguet. Nagbarikada ang mga upisyal at mga lider-katutubo ng Bulalacao, Mankayan, Benguet laban sa isinasagawang operasyon ng Crescent Mining Development Corporation noong Hunyo 18. Anila, ang kasunduan sa pagitan ng kumpanya at lokal na pamahalaan ay napaso noong na-karaang taon pa.
Pagtatanggol sa pambansang soberanya. Naglunsad ng mga rali ang mga progresibong grupo sa Davao at Cebu para gunitain ang ika-124 araw ng huwad na kalaayan noong Hunyo 12. Sa Davao, nagtipon ang mga raliyista sa Freedom Park para ipanawagan ang pagtatanggol sa pambansang soberanya. Sa Cebu, nagtipon sila sa Fuente Osmeña Circle. Sa Metro Manila, nagdaos ng piknik ang mga progresibong grupo sa Bantayog ng mga Bayani.
Welga sa Tanduay. Nagdeklara ng welga ang mga manggagawa ng Tanduay sa Talisay City, Negros Occidental sa pamumuno ng Tanduay Bottle Sorters Organization simula Hunyo 16. Iginigiit nila na ibalik sa trabaho ang mga kasapi at lider ng unyon na pinagbabawalan pumasok sa pagawaan. Naghain ang mga manggagawa ng notice of strike noong Hunyo 1 matapos ang pagpabor ng 100% ng manggagawa sa isasagawang welga.
Kontraktwal na gwardya ng UP, nagprotesta. Higit 130 gwardya sa ilalim ng ahensya sa paggawa na FEMJEG Security Agency ang nawalan ng trabaho matapos igawad ng administrasyon ng University of the Philippines-Diliman ang kontrata sa Grand Meritus Security Agency. Sa nangyaring dayalogo noong Hunyo 6, walang malinaw na plano ang administrasyon ng UP para iempleyo ng bagong ahensya ang mga gwardya. Kalakhan sa mga sinisante ay deka-dekada nang nagtatrabaho sa unibersidad.