Makasaysayang protesta, pilit na binubura

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Itinaas na ang antas ng kampanya para burahin ang mapapait na alaala ng 14-taong paghaharing militar ng diktadurang US-Marcos I ngayong nakabalik na sa estado-poder ang kanilang pamilya.

Pinili ni Ferdinand Marcos Jr ang National Museum sa Lungsod ng Maynila bilang benyu ng kanyang inagurasyon bilang ika-17 presidente sa Hunyo 30. Aniya, ito ay dahil dito nanumpa ang naunang mga presidente ng huwad na republika noong bulwagan pa ito ng Kongreso.

Ang totoo, nais ng mga Marcos na tabunan ang kasaysayan ng gusaling ito bilang lugar ng isa sa pinakamalaking pagkilos ng mga estudyanteng Pilipino laban kay Ferdinand Marcos Sr. Dito isinagawa ang makasaysayang pagkilos noong dekada 1970 na nagpasiklab sa tinaguriang “First Quarter Storm” o FQS. Sa unang kwarto ng 1970, animo’y apoy ang kaliwa’t kanang mga demonstrasyon sa Maynila at buong bansa kung saan daan-daanlibong kabataang Pilipino ang namulat at kumilos para yanigin ang pundasyon ng naghaharing estado.

Noong Enero 26, 1970, habang nag-uulat sa bayan si Marcos Sr ng kanyang ika-5 State of the Nation Address (una sa pangalawa niyang termino sa noo’y tig-4 taong termino), nagtitipon sa labas ng gusali ang mga kabataan. Bitbit nila ang isang kabaong na nagsilbing simbolo ng kamatayan ng demokrasya at effigy ng isang buwayang simbolo ng kurakot na mga pulitiko.

Kabilang sa mga nagprotesta ang 10,000 estudyanteng mula sa mga eksklusibong kolehiyo at unibersidad. Sumanib sila sa mas malalaking grupo ng Kabataang Makabayan, Samahang Demokratiko ng Kabataan at iba pang aktibistang sektor. Nang lumabas sa bulwagan ng Kongreso ang mag-asawang Marcos, inihagis sa kanila ang mga effigy na kabaong at buwaya. Bilang tugon, malupit na binuwag ng mga pulis ang aksyong protesta.

Tumagal ang dispersal ng ilang oras na nagsilbing mitsa sa serye ng mga protesta ng mga kabataang estudyante sa Kamaynilaan at iba’t ibang syudad at bayan sa bansa. Parang apoy na lumalagablab sa kaparangan ng buong bansa ang mga protesta mula Enero hanggang Marso 1970. (Idinetalye sa librong “Days of Disquiet, Nights of Rage” ni Jose F. Lacaba ang mga eksena sa mga araw na iyon.)


Banta sa karapatan sa malayang pagtitipon

Para tabunan ang alaala ng FQS, mahigpit na ipinagbawal ng ngayo’y hepe ng pulis na si Gen. Vicente Danao ang paglapit ng mga “iligal na raliyista” sa National Museum sa araw ng inagurasyon. Sinuhayan ang diktang ito ng pananakot ni Gen.
Eduardo Año at ng dating tagapamahala ng batas militar na si Juan Ponce Enrile sa pagsasabing may gagawin ang mga raliyista na binansagan nilang mga “komunista” para “pahiyain” si Marcos Jr sa naturang araw.

Bwelta ng Partido Komunista ng Pilipinas, matagal nang “nakahihiya” at walang kredibilidad ang pamilyang Marcos. Batid ng mga Pilipino at ng buong mundo na kinulimbat nila at kanilang mga kroni ang bilyun-bilyong dolyar sa kaban ng bayan. Habang nagpapasasa sila sa labis-labis na karangyaan, ang mayorya ay nasasadlak sa laganap na karalitaan at kagutuman, at walang awat ang iligal na pang-aaresto at detensyon, tortyur at mga pamamaslang ng mga pinagdududahang subersibo o basta sino na lamang makukursunadahan ng mga armadong maton ng estado.

Inilinaw ng National Union of People’s Lawyers na hindi kailangan ng permit para magdaos ng isang pampublikong pagtitipon, taliwas sa sinasabi ng PNP. Ayon sa mga abugado, protektado ng batas ang karapatan sa pagrarali at ang paghingi ng permit ay para lamang mabigyan ng abiso ang lokal na gubyerno sa panahon at lugar ng pagdadausan nito.

“Ang karapatang magprotesta ay saklaw ng dalawang magkahiwalay na garantiya sa Bill of Rights—ang karapatang magpahayag at karapatan sa mapayapang asembliya,” ayon sa grupo. Sa gayon, hindi maaring arestuhin, kasuhan, usigin o parusahan sa anumang paraan ang sinumang lumalahok sa isang mapayapang rali.

Makasaysayang protesta, pilit na binubura