Pasabilis! | Ang Pangarap ni Gino

,

Ang Pangarap ni Gino
ni Yagi Makigbisog

Nang tumanaw si Gino sa bintana ng kanilang bahay, lumulubog na ang araw at kinukulayan na ng kahel ang buong kabukiran. Sabik siyang tumayo sa kinauupuan at muntik pang matapon ang kapeng malamig na.

Ngayong gabi ang hinihintay niyang miting ng Kabataang Makabayan sa kanilang sityo. Kasali ang kanyang Ate Anna, Kuya Elias, at mga kaibigan niyang sina Long-Long at Jek-Jek. Isinuot niya ang kanyang tsinelas at kinapkap ang mga bulsa ng bago niyang cargo shorts, regalo sa kanya nina Mama at Papa sa bertdey niya noong nakaraang linggo. Sinigurado niyang andoon pa ang mga bayabas, pasalubong niya sa kanyang ate at kuya, na pinitas niya sa kanilang puno. Kumaripas siya ng takbo at nagmamadaling nagpaalam kay Mama at Papa.

Habang tumatakbo si Gino sa maputik na daan patungo sa kanilang maisan, naalala niya iyong unang makilala niya ang mga kasama. Noong nakaraang taon, sa mainit na buwan ng Mayo, pawisan siyang umuwi sa kanilang bahay galing sa paglalaro.

Sa malayo pa lang ay napansin na niyang may mga bisita sila. Nang pumasok siya ng bahay, narinig niyang pinag-uusapan ng kanyang Mama at Papa at mga bisita nila ang tungkol sa ani ng tanim nilang mais. Sa tabi ni Mama, taimtim ding nakikinig si Ate Anna sa usapan at nakakunot-noo pa kaya’t hindi sigurado si Gino kung nauunawaan nga ba ni Ate ang buong pinag-uusapan nila. ‘Dahil sya mismo ay hindi maintindihan ang pinagsasabi nila! Pyudalismo? Agreb? Anong ibig sabihin ng mga katagang ‘yun? Hindi nya aakalaing ang mga salitang iyon ay walang hirap nya palang mauunawaan tulad ng iba pang mga salitang bahagi na ng kanyang buhay.

“Magandang gabi, langga,” bungad ng isang binatang nagpakilalang Kaubang Reg o “Kuya Ar na lang, para di halata,” sabay ngiti. Nagsasaing sa kanilang abuhan si Kuya Ar na tila bang nakatira rin siya roon. Nasa tabi ng abuhan si Kuya Elias, ang kanyang nakatatandang kapatid, na malalim na nag-iisip.

Nahihiyang tumango siya at magmamano sana. Natawa si Kuya Ar at nagbiro na hindi pa siya ganoon katanda. Inilahad ni Kuya ang kanyang mga palad at nakipag-apir sa kanya.

“Kasama ako,” sabi ni Kuya Ar. “Narinig mo na ba ang NPA?”

Tumango si Gino. Naalala niya noong may napadpad na mga sundalo sa kanilang sityo. Nang makaabot ang mga sundalo sa kanilang bahay, nagtanong ang mga ito sa kanya kung may nakita siyang NPA. May dala silang mga baril. Parang mga bugoy sa sityo ang mga mukha nila. Umiling-iling siya, dahan-dahang umatras nang napansing ang isa sa kanila ay hawak-hawak na ang paborito niyang alagang manok.

“Amin na lang ito, a?” sabi ng sundalong hawak ang kanyang manok at pinag-utusan pa siyang magpakulo ng tubig at nang maluto na ang manok. Mangiyak-ngiyak siyang pumasok sa bahay at nagsumbong kay Mama na may mga sundalong kumuha ng manok niya. Nang lumabas si Mama upang sumbatan ang mga sundalo, narinig niyang sinabi ng huli na may mga teroristang NPA daw sa baryo nila. “Baka sa NPA nyo pa to ibigay. Unahan na namin.”

“Terorista daw ang NPA?” biglang tanong ni Gino kay Kuya Ar.

Napangiti si Kuya Ar. “Kami ang NPA o New Peoples’ Army. Sundalo kami ng mga magsasaka at manggagawa, ng masang pinagsasamantalahan. Mga mayayaman at naghaharing uri lang ang tumatawag sa aming terorista.”

Hindi man tuwirang maintindihan ni Gino ang ibig sabihin ni Kuya Ar ay tumango na lamang siya. Papasok na sana siya ng kwarto upang magbihis ngunit hindi niya mapigilang makinig din sa pinag-uusapan nina Kuya Ar at Kuya Elias.

“Malaki ang papel ng KM upang maisulong ang kalmas* sa sityo niyo,” sabi ni Kuya Ar. “Laking tulong kung sasali ka, Elias. Maiaambag mo ang galing mo sa Math para ipakita ang laki ng lugi ng mga magsasakang tulad ng pamilya mo dahil sa sobrang baba ng bentahan ng mais nyo. Magaling si Anna sa pagsulat at pagsasalita. Kaya nyang tumulong sa pagpapaliwanag sa mga kapitbahay nyo.”

Habang nagsasaing, ipinaliwanag ni Kuya Ar ang kahalagahan ng lupa sa kagaya nilang anak ng mga magsasaka, ang kahalagahan ng edukasyon at na makapag-aral sila. Na ang kabataang gaya nila ay may malaking papel sa pagbabago ng lipunan. Tango nang tango si Gino at nag-iisip kung paanong alam ni Kuya Ar ang mga ganito. Ang lalim! isip ni Gino. Paano ko ba mababago ang lipunan kung onse pa ako?

Parang nababasa ni Kuya Ar ang iniisip ni Gino dahil bigla nitong sinabi, “Nagsisimula ang pagkilos sa simpleng pakikinig, pagtulong sa mga kasama, pagkukuwento sa mga pinaka-pinagtitiwalaan nating mga kaibigan.”

Habang lumalalim ang gabi ay humahaba ang kwentuhan nila. Mas lalo siyang namamangha sa mga sinasabi ng dalawa pang kasama ni Kuya Ar tungkol sa pakikibaka at kung bakit naghihirap tayong mga Pilipino, namamangha na kahit kupas-kupas (at may ilang maliliit na butas) ang kanilang kasuotan, di hamak na mas magaling pa silang magpaliwanag kesa sa iba nyang mga guro.

Kinabukasan ay isinama siya ni Papa sa masukal na bahagi ng lupa ng kapit-bahay nilang si Tay Berto. Bumilog ang mga mata niya nang nakitang naroon sina Kuya Ar at mga kasama nya. Marami pala sila! Nakita niya ring may mga baril sila ngunit wala syang nadamang takot. Noong una ay tahimik lang siya at nagmamasid sa mga ginagawa ng mga kasama. Hindi nagtagal, ‘di rin siya nakatiis at lumapit sa mga kasamang nagluluto. Nakipagkwentuhan sila sa kaniya tungkol sa kanilang mga karanasan habang kumakain ng kamoteng kahoy.

Nang lumaon ay pabalik-balik na siya sa mga kasama, minsan may dalang mga mani o prutas at mga tanong na gustong masagot sa kanyang isipan. Umiyak pa nga siya ng malaman niyang umalis na patungog ibang erya ang mga kasama.

Nakita niyang naging aktibo rin sina Kuya Elias at Ate Anna sa KM kahit wala na sina Kuya Ar. Ipinaliwanag ni Ate Anna na ang ibig sabihin ng KM ay isang grupo ng mga kabataan tulad nilang may pagmamahal sa bayan at naghahangad na hindi na raranasin ng iba pang mga bata ang paghihirap na dinadanas nila, kaya’t nakikibaka sila.

“Ate, sali ako,” pagmamakaawa ni Gino kay Ate Anna. Ipinapaliwanag ni Kuya Elias na wala pa siya sa sapat na gulang dahil 11 pa siya.

“Hintayin mong maging 15 ka na,” sabi pa ni Kuya Elias.

“Ang tagal pa noon! Baka pwedeng isali na ako ngayon,” pagpatuloy ni Gino.

Natatawa ang dalawang nakatatandang kapatid kay Gino. Paminsan-minsan ay pinapatulong nila si Gino sa pagtawag sa iba pang mga kabataan kapag nagmimiting sila o sa pagmamatyag kung may mga sundalo o mga taong kahinahinala sa sityo nila. Minsa’y pinapasali nila si Gino sa mga diskusyon tungkol sa ibat-ibang isyu. Kinokopya ni Gino ang kilos ng mga miyembro ng KM. Seryoso siyang nakikinig sa mga paalala ng Kuya Elias tuwing magkasama silang nagmamatyag sa kilos ng mga sundalo sa bayan. Tumatango rin siya tulad ni Ate Anna na parang naiintindihan niya ang mga diskusyon. Minsan sinusulat din niya ang mga katagang bago sa kanya at paulit-ulit na sinasambit sa bahay. “Makibaka, huwag matakot!” “Tunay na reporma sa lupa!” “Imperyalismo ibagsak!

Binilisan pa ni Gino ang paglalakad, ‘di alintala ang mga dapaw* sa dinaraanang katubuhan nina Nay Tere o ang madudulas na daan pababa. Iniisip niyang kaka-bertdey niya lang, baka naman pwede na siyang sumali ng KM ngayon. Alam niyang dose pa siya at sabi ni Kuya Elias ay tatanggapin siya kung 15 na. Ngunit tumutulong naman ako sa KM… Baka pwedeng tumawad! Mas naging masigla ang bawat hakbang niya. Alam niyang magsisimula na ang miting kaya’t di dapat siya mahuli!

Hingal na hingal siyang pumanhik sa kanilang maliit na kubo sa gitna ng kanilang maisan. “Ate Anna, sasali rin ako sa miting,” bungad niya sa kanyang kapatid at naaaninag sa liwanag ng maliit na gasera ang ngiti sa pawisang mukha niya.

“Naku, ang kulit ng batang ito! Di ba nga, hindi pa pwede?” sabi ni Ate Anna at pinunasan ang pawis sa mukha ni Gino.

“Sasali na nga ako sa KM. Naiintindihan ko din naman kung bakit ako tumutulong, makabayan ako noh!” bulalas niya, sabay lingon kay Kuya Elias at iba pang mga kabataan at mga Pulang mandirigma na nakaupo sa sahig.

Pinipilit ni Kuya Elias na itago ang tawa niya.

“Alam mo, buti na lang at pumunta ka dahil may gustong makipag-usap sa iyo,” sabi ni Kuya Elias at dinala si Gino sa labas.

“Magandang gabi, langga,” bungad ng tinig sa dilim. Bumalik na si Kuya Elias sa kubo.

“Kuya Ar! Namiss kita, lodi!” tuwang-tuwang sabi ni Gino. Nang makita na niya si Kuya Ar, nakaupo sa gilid ng maisan at kinakamot ang mga kagat ng lamok, niyapos niya ito at nakipag-apir.

“Lodi ka dyan! Ang kulit mo pa rin ah!” Kahit madilim, alam nyang ngumingiti si Kuya Ar. “Nagpaalam ka ba sa Mama mo na dito ka pupunta?”

“Oo naman, magpapamiyembro na ako sa KM. Balik na ako dahil magmimiting na kami, Kuya!” sabi ni Gino nang marinig na nagsasalita na si Kuya Elias sa loob ng payag.

“Teka lang! Hindi ba’t hindi ka pa pwede sumali? Wala ka pa sa hustong gulang ah!” sambit ni Kuya Elias habang hinihila sya pabalik.

“Kasi naman… Alam nilang pangarap ko yun,” bulong ni Gino at kumamot sa ulo.

“Baka gusto mong makipagkwentuhan muna sa akin,” udyok ni Kuya Ar.

Nag-isip sandali si Gino. “Sige na nga,” sabi nito. “Hintayin ko na lang maging kinse ako at wala nang makakapigil sa pagsali ko.”

Umupo si Gino sa tabi ni Kuya Ar, inabot ang dala-dalang mga bayabas sa kanya, at nagsimulang magkwento sa tungkol sa kanyang mga adbentyur sa pagtulong sa KM. Maya’t maya, napapalingon si Gino sa kubo at napapabuntong-hininga tuwing nariring niya ang mahihinang tawanan ng mga nagmi-miting na KM.

Napangiti si Kuya Ar. “Ganito, tuturuan na lang kita ng sikretong kamayan ng mga rebolusyonaryo,” sabi niya kay Gino. May kadiliman man, alam ni Kuya Ar na ngumingiti na rin ang batang rebolusyonaryong katabi nya.


* kalihukang masa o kampanyang masa

Pasabilis! | Ang Pangarap ni Gino