Pasabilis! | Larong Pambata

,

Larong Pambata
ni Arya Malaya

Maynila, 2016

Araw noon ng Biyernes, binilisan ko ang paglakad sa pathwalk sa loob ng campus. Nagmamadali ako dahil male-late na sa first class ko sa Accountancy. Sa pagmamadali, nabangga ko si Ateng na namimigay ng leaflets sa pathwalk. Kahit hindi naman ako interesado sa pinamimigay niya, napilitan akong kumuha at isiningit sa Accounting book ko.

Halos tumakbo ako paakyat ng hagdang papunta sa 5th floor. Akala ko sa EDSA lang may trapik. Eh sa grabeng krisis na nararanasan nating mga Pilipino, aabot pala sa hagdan ang trapik! Badtrip naman si Kuyang nasa unahan ko oh! Parang basketball varsity player, kaya’t kaliwa’t kanan ang paling ko ngunit di pa rin ako maka-overtake. Alas-syete y media ang first subject ko pero 8:12 am na’t heto pa ko’t nakikipagpatintero sa hagdan.

Pagdating ko sa 5th floor, iba ang mga tao sa room assignment namin. Minamalas talaga ko, syet! Nasa’n na sila?! Bagong ligo ako… bagong ligo na sa pawis! Sa apat na wing ng building, sa wakas nakita ko rin sila sa East wing. Ang ingay nila. Hay! Pagsilip ko sa klasrum, wala pa si Ma’am. Oo. One hour late din si Ma’am, kaya’t problem solved! Inayos ko kaunti ang buhok ko, pinahiran ang pawis, at nakangiti na akong papasok sana sa klasrum nang sumutsot si James.

“Psst! Wala nang upuan, kumuha ka sa West wing, may mga bakante pa run.” Sumimangot ako. Pagkatapos kong makipaglaro ng patintero sa hagdan, Trip to Jerusalem naman ang peg ko ngayon?! Hay, the struggle is real!

Pagdating ko sa klasrum, nasa loob na si Ma’am. Sampung estudyante ang nasa labas na ng room at isa ako roon. Siksikan na sa loob. Di kasya ang 52 na estudyante sa klasrum na mas maluwang pa ang loob ng piko sa pwesto ng bawat upuwan. Kung mamalasin ka, para kang talunan sa Lupa-Langit dahil sa sahig ka na lang uupo. At para kaming mga sardinas sa sikip! Ramdam ko ang global crisis, sabi ko sa sarili ko, habang akay akay pa ang arm chair na walang arm.

“Ms. Malaya, please sit down,” sabi ni Ma’am at naudlot na ang pagmumuni ko tungkol sa iba pang krisis na sasalubungin ko ngayong araw. May dinistribute na 10-column worksheet kasabay ng one page na answer sheet.

“May quiz pala ngayon,” bulungan ng mga klasmeyt ko.

“Okay! Please pass 10 pesos each in front para sa answer sheet at worksheet,” sabi ni Maam.

“Grabe naman tong si Ma’am… parang wala naman ako sa State U. Ang mahal ng pricing,” bulong ni Jal sa akin at napatango na lang ako.

Ampota rin naman ng eskwelahang ito, pagbabayarin pa ako sa worksheet. Eh ano pa bang silbi ng pagiging “iskolar ng bayan?” Mabigat sa loob kong dinukot ang 10 pesos sa wallet ko. Nabawasan pa ang pangtanghalian ko. Hay! Kailangan kong makipag-luksong tinik sa paghabol sa PNR mamayang uwian para di mashort yung baon ko.

Pagkatapos mangolekta ng bayad, sinabi ni Ma’am na next meeting pa ipapasa ang worksheet. Gumuhit ang ngiti sa mukha ng mga klasmeyt ko, parang nanalo sa mahabang Nanay-Tatay sa pagbuntong-hininga. Ako nga’y muntik nang napahiyaw dahil hindi ako nakapagreview. Thank you, Lord!

At walang-pasintabing naglektyur si Ma’am tungkol sa moralidad, kung bakit kailangan piliin natin ang husto at panindigan ito. Ano daaaaw? Nagtinginan kami nina James at Jal, pinipilit itago ang tawa. Tiningnan ko ang worksheet na ibinigay niya pero exercises on balancing accounts naman ang laman nito. Kinain ang dalawang oras naming klase sa diskusyong patungkol sa Ano ba dapat ang gawi nating mga tao sa ngayon na puno ng kahilayan at ganid ang mundo? at Mayroon pa ba talagang pag-asa para sa ating mga nilalang ng Diyos?

Naglakbay na ang isip ko sa mga dapat ko pang gawin ngayong araw: magtu-tutor ako ng Math at kukunin ang buwanang sahod sa tutorial center, sandamakmak na assignment, magluluto ng hapunan, pagkatapos ay magrereview.

Nang makuntento na siguro siya sa pagsesermon, biglang sinabi’y “Class dismissed!” at umalis na. Napakamot ako sa ulo habang nakatingin sa answer sheet. Wala pang naituro si Ma’am ay may sasagutan na kami. Nabudol yata ako!

Nawala ang gutom ko pagdating sa Lagoon (okay ang view, di okay ang smell) para mananghalian, kayat tinabi ko nalang para panghapunan ang biniling siomai rice. Parang open-the-basket-close-the basket din sa bilis ng unahan sa pwestong mauupoan. Hahanapin ko na lang ang Dome para dun hintayin ang susunod na klase.

Ikot ako ng ikot ngunit di ko makita ang Dome. Pati ba naman ang mga gusali rito nakikipagtaguan?! Sa wakas, nakarating din sa Dome, pero bagong ligo na naman ng pawis.

Parang gusto kong sumigaw. Parang gusto kong isumpa ang pamantasang ito. For the record, marami akong gustong isumpa, lalo na ang pagiging mahirap ko. Dahil napipilitan akong makipagsapalaran sa iba’t ibang larong pambata na dehado na ako sa simula’t simula pa lang. Pero di ako sigurado kung sino dapat ang pagbubuntunan ng galit. Si Chancellor? Si Digong? Ang universe? Sa mga magulang ng mga magulang kong lugmok sa kahirapan?

Isa akong magsasakang galing probinsya, lumuwas ng Maynila para mag-aral at nangarap na maging propesyunal. Ngunit sa byahe pa lang sa PNR papuntang eskwelahan, talo ko pa ang bunso kong kapatid na nangapit-bahay sa paglalaro sa grabeng pagpapawis sa pakikipagsisikan sa mga pasahero. Daig ko pa ang pinsan kong gusgusin na naghahanap ng mga sira o lumang mga gamit na paglalaruan kung makalibot ako sa paghahanap ng armchair na mauupuan. At kung walang makita, para akong batang talunan sa langit-lupa at mapipilitang umupo na lang sa sahig.

Hay, ayoko ng maglaro ng ganito!

Davao de Oro, 2022

Napangiti ako habang binabasa ang sinulat ko noong 2016. Walong taon na rin ang nakalipas mula noong ordinaryong araw na iyon ng pagiging kolehiyala pero sariwa pa rin ito sa aking alaala.

Pero hindi na pathwalk ang nilalakad ko ngayon kundi mga lambak ng Davao de Oro. Hindi na limang palapag ng gusali ang inaakyat ko kundi ang matataas na bundok ng Black Mountain. Hindi na lang sa hagdan nakikipagpatintero kundi sa galaw ng kaaway at mga bomba mula sa kanyon. Nakikikipagtaguan sa mga ground force ng AFP sa gitna ng masukal na gubat.

Dati si Ma’am lang ngawa ng ngawa, ngayon isa na ko sa mga nagtuturo sa mga kasama at masa, hindi ng mga lektyur sa moralidad kundi ng materyal na kalagayan ng lipunan. Ang galit na aking nararamdaman laban sa mga ganid na uri at pasista nilang mga armado ay sobra pa sa naramdaman ko sa overpriced na worksheet na binabayaran namin noon. Ang dating agawan ng upuan, ngayon agawan ng base. Ngunit di tulad ng anupamang larong pambata, wala itong taympers pag pagod ka na o “game na” kung nakapagpahinga na. Walang “save” kapag na-dead ka na. Walang “replay” kung sumablay.

Ito ay laro ng paghawak ng inisyatiba sa gitna ng digma. Dapat planuhin ang mga galaw, pag-isipan ng mabuti ang mga susunod na hakbang at maging pleksible sa pagbago ng kalagayan.

Tangan ko lagi ngayon ang sagot sa aking pagmumuni noon sa Dome. Alam kong hangga’t ang mga kabataang tulad ko at ang buong sambayanang Pilipino ay napipilitan pa ring laruin ang isang larong dinaya na ng mga naghaharing uri para sa kanilang interes, mayroon at mayroong mangangahas na baguhin ang laro. Kasama ng milyun-milyong api, sa larong digma na ito ay 5iyak ang tagumpay.

“Kas, naghulat na ang mga kauban,” tawag ng isang kasama sa akin. Magsisimula ng ang ED* namin.

“Padulong na,” tugon ko. Tinabi ko ang aking diary, inisling ang M16 at naglakad patungo sa mga kasama.


* ED – educational discussion

Pasabilis! | Larong Pambata