Pulang Silangan | Pagpupugay sa pagkakaisa ng Partido, Hukbo at masa sa harap ng tumitinding pasismo ng estado!

Pahayag ng Komiteng Larangan sa Silangan Gitnang Luzon sa ika-54 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas – MLM

Ang pagkakaisa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP/CPP), Bagong Hukbong Bayan (BHB/NPA) at masa ang katiyakan sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang pagbubuklod na ito ay higanteng pwersang lubos na kinatatakutan ng naghaharing estado sa Pilipinas, at maging ng imperyalistang kapangyarihan sa daigdig.

Kung kaya naman, sa pagtindi ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ng lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal, lalo ring pinatitindi ng reaksyunaryong estado ang pandarahas at pagsupil sa anumang anyo ng paglaban ng mamamayan para sa tunay na demokrasya at kalayaan.

Kung walang Partido, walang rebolusyonaryong kilusan na magbibigkis sa sambayanang Pilipino sa pambansa at demokratikong hangarin. Kung wala ang Hukbo, walang ni anuman ang mamamayan laban sa naghaharing estado na nakasandig sa kanyang mersenaryong sandatahang lakas para ipataw ang malupit na paghahari sa mamamayan. Kung wala ang masa, walang bubuo sa Partido at Hukbo. Ang Partido, Hukbo at masa ang kalipunan at kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan. Hangga’t ito ay nagkakaisa, hindi ito kailanman magagapi.

I. PULANG PAGPUPUGAY!

Sa okasyon ng pagdiriwang sa ika-54 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, binibigyang pugay natin ang lahat ng mamamayan na matatag na naninindigan laban sa terorismo ng estado. Sa masang anakpawis na walang maliw ang pagmamahal at pagtataguyod sa kanilang Hukbo at sa pamumuno ng PKP, Pulang Pagpupugay!

Sa mga dakilang martir ng rebolusyon, sa mga mahal naming Kasama, mga Kadre ng Partido, Kumander at mga mandirigma, sa mga masang nagbuwis ng buhay para sa katuparan ng rebolusyonaryong adhikain, Pulang Pagpupugay!

Sa okasyon ding ito ng pagdiriwang sa anibersaryo ng ating Partido, nakikiisa ang rebolusyonaryong pwersa ng Gitnang Luzon sa buong bansa at sa buong daigdig sa pagdakila at pagtatanghal sa kabayanihan ni kasamang Jose Maria Sison, Tagapangulong Tagapagtatag ng PKP, dakilang lider Komunista, proletaryong internasyunalista at minamahal nating kasama. Pumanaw siya sa edad na 83 noong Disyembre 16, sampung araw bago ang pagdiriwang ng ating anibersaryo. Ang kanyang pampulitikang paggabay, ang paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng rebolusyong Pilipino, mga likhang sining, mga talumpati, mga pampulitikang akda at mga aral sa kanyang rebolusyonaryong karanasan sa larangang gerilya, sa kalunsuran, sa piitan, at sa labas ng bansa ang kanyang gintong pamana sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa kasalukuyan at sa susunod pang mga henerasyon ng nagpapatuloy na rebolusyonaryong pakikibaka. Pulang Pagpupugay kay kasamang Joma!

II. Maningning ang sikat ng araw sa Silangan!

Bigo ang estado at ang bayaran nitong sandatahang lakas na wasakin at pigilan ang pagkakaisa ng Partido, Hukbo at masa. Habang iniyayabang ng reaksyunaryong gubyerno ang pagkawasak ng mga larangang gerilya sa Sierra Madre, sa silangan ng Gitnang Luzon ay patuloy ang deployment ng tropa ng 84th IB, 91st IB, 70 IB at SAF-PNP sa mga baryo at sityo na tinataya nilang may presensya at impluwensya ng CPP-NPA.

Sa kabila nito ay patuloy na nakapagpalawak ng base ang BHB, nakapagpalitaw ng mga bago at karagdagang aktibistang masa at tuloy-tuloy na nakakapagsagawa ng gawaing pampulitika sa hanay ng masa. Nabalikan ang mga baryong naiwanan dulot ng mga panloob na kahinaan ng Partido at Hukbo sa pagharap sa pinatinding atake ng kaaway. Kasama ang masa ay nilagom nila ang rebolusyonaryong karanasan. Matapat na tinukoy ang mga kahinaan at nagpuna sa sarili. Matamang pinakinggan ang mga puna at mungkahi ng masa. Mula sa masa, higit na natuto ang Hukbo sa mga akmang paraan ng pagkilos para higit na mapangalagaan ang seguridad ng masa, ng Partido at ng buong rebolusyonaryong kilusan. Pulang pagpupugay sa magigiting na kumander at mandirigma ng BHB!

Mahigpit na yakap, pakikipagkamay at matamis na ngiti ang salubong ng masa sa kanilang Hukbo sa mga baryong pinakatan dati ng Community Support Program (CSP) ng AFP at maging sa mga baryong may presensya pa ng militar at pulis. “Paano naman kami kung wala kayo,” sambit pa ng masa sa kanilang Hukbo.

Ilang beses man silang pinagsunog ng pulang bandila, o pinagmartsa habang isinisigaw ang nakasulat sa mga plakard nilang hawak na “CPP-NPA, salot!” o ilang ulit mang pinapirma ng pagsurender sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, ang masa ay patuloy na tumatahak sa landas ng rebolusyonaryong paglaban. Kusang loob na inuulat ng masa sa mga kasama ang kanilang pagkaipit sa E-CLIP at mga sirkumstansya kung bakit sila napasurender. Marami sa kanila ay nalinlang sa patawag na mga ayuda ng DSWD at NCIP. Marami ay ginipit, binantaan at sapilitang pinapirma ng pagsuko. Ang iba ay iligal na inaresto at sapilitang nirekluta na maging ahente sa paniktik ng militar. May ilang nasindak at nakapagbigay ng impormasyon sa militar kaugnay sa kanilang rebolusyonaryong aktibidad. May ilang naisama sa operasyon at iniharap sa mga seminar at pa-meeting ng army. Labag sa kanilang kagustuhan na gawin ang mga ito. Ang mga tapat at matitining na pwersa ay umako ng pananagutan, naglahad ng kanilang kahinaan at nagpuna sa sarili sa mga kasama at kapwa masa. Pulang pagpupugay sa mga masang naninindigan ng matatag!

May presensya man ng NPA o wala sa baryo, itinaguyod ng masa ang mga pagsusuri at panawagan ng Partido at Hukbo kaugnay sa pagtatanggol sa lupa, pagpapaunlad sa produksyon at sama-samang paggawa. Binarikadahan nila ang ginagawang daan para sa pagmimina. Sama-sama silang naggigiit para sa napapanahon at makatarungang ayuda dahil sa epekto ng COVID at pananalasa ng mga nagdaang bagyo. Sa iba’t ibang paraan ay pinag-uusapan nila ang kanilang kalagayan at sinasariwa ang mga tagumpay sa nakaraang pagkilos. Tinatanganan nila ang mga tagubilin ng mga kasama. Sa pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal at kampanyang masa, nalalantad at nahihiwalay ang mabubuway na elemento at sagad-saring nakipagtulungan sa militar laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga nagkanulo at nagpahamak sa masa at mga kasama ay lilitisin batay sa bigat ng kanilang nagawa sa mamamayan. Pulang pagpupugay sa organisadong pagkilos ng masa!

III. Ang salalayan ng mapulang paglaban

Maitatala sa kasaysayan ng bansa ang pagbulusok ng halaga ng piso kontra-dolyar, ang pagsirit ng presyo ng bilihin at ang malaganap na kawalan ng trabaho at kabuhayan ng mamamayang Pilipino. Walang solusyon ang rehimeng US-Marcos II kundi ang pagkapit sa pundya ng imperyalistang US para sa dagdag na utang at ayuda. Gaya ng kanyang amang diktador at ng mga nauna pang rehimen, pupuspusin nito ang pagpapatupad ng neoliberal na patakaran sa ekonomya sa kapinsalaan ng kabuhayan ng mamamayan.

Inaapi, pinagsasamantalahan at binubusabos ng reaksyunaryong estado ang masang anakpawis. Sa kabundukan ng Sierra Madre, malaganap ang pagpapalayas sa masang magsasaka at pambansang minoryang Dumagat, Igorot, Ilongot at Bugkalot. Sa tabing ng reporestasyon sa kabundukan, libu-libong ektarya ang sinasaklaw ng National Greening Program (NGP) na kinakategorya ng reaksyunaryong gubyerno na “public land.” Ang mga pambansang minorya na nagbubungkal at naglilinang sa lupa ay walang karapatan at kontrol sa gamit at pakinabang ng sarili nilang lupang ninuno. Nagiging manggagawang bukid na lamang sila sa sarili nilang lupa at nagtitiis sa kakarampot na P150 – P200 na arawang upa.

Walang katiyakan ang kabuhayan at paninirahan ng mga setler, pambansang minoryang Dumagat at Igorot sa saklaw ng 35,000 ektarya na military reservation ng Fort Magsaysay sa kabundukan ng Gabaldon at General Tinio sa Nueva Ecija, Dingalan sa Aurora at ilang bahagi ng Bulacan. Nasa otoridad ng AFP ang gamit sa lupa, kabilang ang pagne-negosyo sa rekursong nakukuha dito. Tinatawag nilang magnanakaw ang mga magkakahoy, at binabawalan ang mga magsasaka na naglilinang ng lupa. Ang mga naninirahan dito ay mga iskwater kung ituring ng AFP na anumang oras ay pwede nilang palayasin kapag hindi nakipagtulungan sa kanila.

Ang mga pangako ng reaksyunaryong gubyerno sa mga magsasakang napalayas at nawalan ng kabuhayan dahil sa pagtatayo ng Anggat Dam, Casecnan Dam, at Pantabangan Dam ay pawang nakalista lamang sa tubig at tuluyan ng naanod. Ilang dekada na ang nakalipas pero wala pa ring kuryente sa mga komunidad sa perimetro ng dam. Walang permanenteng trabahong naibigay sa mga residenteng napalayas. Walang makatwirang kumpensasyon sa mga bahay at bukid na nasira. Walang serbisyong panlipunan na naipagkaloob — gaya ng pagpapaaral sa mga bata, medikal at malinis na tubig. Nilubog na nga ang kanilang mga baryo, binawal pa silang magkaingin, mangaso at magkahoy sa gubat dahil “protected areas” diumano ang perimetro ng dam. Pero ang pribadong konsensyon ng logging ay ubra lang magtumba ng tone-toneladang kahoy para iluwas sa ibang bansa.

Sa kapatagan, malaganap ang palit-gamit ng lupa para sa real estate, eko-turismo, pagtatanim ng pang-eksport, at pagpapalapad pa at paggagawa ng karagdagang kalsada. Hanggang sa ngayon, wala pang makatarungang kumpensasyon sa mga nasagasaang bahay at bukid ng ginawa ang CLEX, DEARP at ang Dingalan-San Luis Road. Pakitid ng pakitid naman ang lupang napagtatamnan ng para sa pagkain gaya ng palay at mais. Hindi kaya ng higit na nakakaraming maralita at panggitnang magsasaka ang gastusin sa pagtatanim ng mga pananim para sa pamilihan (cash crops). At kahit sumirit pataas ang presyo ng sibuyas, bawang at iba pang gulay, nananatiling mababa ang presyo ng bentahan ng produktong magsasaka na kinukuha ng mga komersyante sa mga baryo. Dagdag pa, tambak ang mga imported na produktong agrikultural na mas mura ang presyo sa pamilihan.

Walang makatwirang subsidyo mula sa reaksyunaryong gubyerno. Kaya sa usurero ang takbo ng magsasaka. Naglipana ang mga lending, kooperatiba, at komersyante na nagpapautang sa 10% hanggang 20% interes. May arawang hulugan, may lingguhan, at meron ding pagkatapos ng anihan. Lupa ang ultimong kabayaran kapag hindi na makaahon sa utang.

Pakitid ng pakitid na rin ang pangisdaan para pantugon sa kumakalam na sikmura. Ang baybay dagat ay tadtad ng resort para sa turista, mga pantalan ng minahan at mga bahay-palaisdaan ng pribadong negosyo. Bawal na ding lumaot ang mga bangkang walang GPS, at makinang umaayon sa itinakdang rekisito ng reaksyunaryong gubyerno. Pagkain ng pating ang kapalaran ng mga mangingisda sa Dagat Pasipiko. Sa gayon, nagtitiis na lamang sila na maging upahang manggagawa ng malalaking barkong pangisda at ng mga may-ari ng payaw.

Walang tunay na reporma sa lupa, mapa-kabundukan man, kapatagan o baybay dagat. Pasahol ng pasahol din ang mga umiiral na relasyon sa produksyon, pabor sa uring panginoong maylupa. Wala rin namang saligang industriya na kukupkop sa mga magsasakang walang lupa at sa napakaraming maralita sa lungsod at kabayanan. Sa bundok, kabukiran at baybay dagat walang masusulingan ang masang anakpawis kundi tahakin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan.

IV. PAPULAHIN ANG SILANGAN!

Rebolusyon ang tanging solusyon sa sukdulan na krisis ng lipunang Pilipino.

Wasto, makatwiran at makatarungan ang armadong paglaban. Pinapakita ng mismong kasaysayan ng makauring tunggalian sa daigdig na ang paggamit ng dahas ng masang anakpawis laban sa estadong nanggagahis ang tanging paraan para wakasan ang daang taong pagsasamantala at pambubusabos.

Di nga ba’t dahas din ang pundasyon ng kasalukuyang neokolonyal na estado sa Pilipinas? Ang talim ng espada at mga hagupit ng latigo sa panahon ng kolonyalistang Español ang nagpabalikwas sa mamamayan para isulong ang pambansa demokratikong himagsikan sa pamumuno ng KKK. Ang pandaigdigang pasismo ng brutal na pananalakay ng imperyong Hapon, Aleman at Italya ang nagpasiklab sa mapagpalayang kilusan sa daigdig, pagyabong ng anti-imperyalistang pakikibaka at pagkakatatag ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong Nobyembre 7, 1930. Dahas ng imperyalistang US sa Asya Pasipiko ang nagpukaw sa adhikain ng sambayanang Pipino para sa tunay na kalayaan mula sa kontrol ng dayuhan at hangarin ang tunay na demokrasya sa bansa.

Ang kundisyon ng lumalalang krisis ng Pilipinas at ang masidhing pagnanais ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago ang naghawan sa landas para muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968. Mula sa abo ng lumang Partido na nabulid sa repormismo at pakikipagkompromiso sa naghaharing estado, pinagtibay ng PKP ang pampulitikang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sa teoretikong gabay ng MLM, isinusulong nito ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng paglaban ng mamamayan. Tinataguyod at pinahahalagahan ang hayag na demokratikong kilusan bilang sekondaryong anyo ng pakikibaka, alinsunod sa prinsipyo ng linyang masa at pagbubuo ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Tiyak tayo sa pagtatagumpay ng rebolusyong Pilipino at sa susunod na yugto ng sosyalistang rebolusyon. Nasa unahan ng martsa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa paglalagom ng karanasan, pagbubuo ng tumpak at napapanahong pagsusuri, pagtukoy sa mga kahinaan at naging kamalian sa nakaraang mga pagkilos at pagwawasto sa mga ito. Ang ating Partido ay binubuo ng pinakamaraming nagmula sa uring anakpawis na araw-araw ay nakapusta ang buhay para mabuhay, at ng mga nagmula sa maliit at panggitnang burgesya — mga intelektwal, propesyunal, artista, taong simbahan, negosyante — na buo ang kapasyahang magpanibagong hubog sa landas ng proletaryong paglaban. Tuwirang pinamumunuan ng PKP ang BHB, ang pinaka-konsentrado at konsolidadong kasapian ng mga kadre at kasapi ng Partido sa malawak na kanayunan ng bansa. Pinangungunahan ng NDFP ang pagbibigkis sa lahat ng positibong pwersa na nagtataguyod at sumusuporta sa armadong pakikibaka. Higit sa lahat, tinataguyod ng laksa-laksang mamamayan ang pampulitikang pamumuno ng PKP — kasapi man o hindi kasapi ng Partido, bahagi sila ng bumubuo sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa silangan ng Gitnang Luzon, nagpupunyagi ang rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng PKP na ilapat ang MLM sa kongkretong kalagayan ng masa, at ng sitwasyong militar sa eryang kinikilusan. Pinangunahan ng mga kadre at kasapi ng Partido sa larangang gerilya ang paglalagom sa nakaraang karanasan. Matalas na natukoy ang mga kahinaan at kamalian, at matapat na naglunsad ng pagpuna at pagpuna sa sarili sa loob ng organisasyon ng Partido at Hukbo, hanggang sa hanay ng masa. Kasama ang masa ay binabalik-aralan at sinasariwa ang mga saligang prinsipyo ng Partido. Ginagawang inspirasyon ang mga natamong tagumpay sa 54 taong pamumuno ng Partido sa rebolusyong Pilipino at tumatanaw ng higit pang pagsulong.

Bilang pag-aambag sa pambansang pagsulong, pinagtitibay ng rebolusyonaryong pwersa sa Silangan Gitnang Luzon ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Nakahanda kaming balikatin ang mga kaakibat na tungkulin para sa higit na konsolidasyon at pagpapatatag sa Partido, sa pagpapalakas sa BHB at sa pagpapaigting sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan.

Asahan ang pagtindi pa ng terorismo ng estado sa susunod na mga taon. Kakambal ng lumulubhang krisis sa ekonomya at pulitika ng bansa ay ang pagtindi ng panunupil sa mamamayan ng reaksyunaryong gubyerno. Magkaganon man, nakahanda ang rebolusyonaryong pwersa sa Silangan at buong Gitnang Luzon na batahin ang mga kinakailangang hirap at sakripisyo para sa ikatatagumpay ng rebolusyon.

Sadyang pula ang dugong nananalaytay sa masang anakpawis. Pula ang kulay ng rebolusyonaryong paglaban, ang simbolo ng makauring katapangan. Sapagkat ito ang tanging landas para mabuhay ng may dangal. Sa pamumuno ng Partido, hindi mawawasak ang pagkakaisa ng Partido, Hukbo at masa na pinanday sa buhay-kamatayang pakikibaka.

Pulang pagpupugay sa Partido Komunista ng Pilipinas! Pulang pagpupugay sa Bagong Hukbong Bayan! Pulang pagpupugay sa masang lumalaban!

Pulang Silangan | Pagpupugay sa pagkakaisa ng Partido, Hukbo at masa sa harap ng tumitinding pasismo ng estado!