Pulang Silangan, Pebrero 2023 Ang mga peste sa sibuyasan
Nag-uumpisa na ang anihan ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija. Nagsisimula na din na maminsala ang harabas (armyworms). Gabi-gabi ay nag-iispray ng pestisidyo ang mga magsasaka para labanan ang pag-atake ng salot na uod. Mahigit isang daang libong piso ang nagagastos ng magsasaka sa bawat isang ektaryang sibuyasan para puksain ang harabas. Wala silang pagpipilian kaysa matunaw ang sibuyas nila sa isang gabi lang na pag-atake ng balasubas na harabas.
Pero may mas matindi pa sa harabas. Nag-aapura ang mga magsasaka na makaani bago Marso, dahil sinisiguro na nilang aabutan ng bagsak presyo ang sibuyas. Ngayon pa lang ay bumaba na ang presyo ng sibuyas sa pamilihan dahil sa pagdagsa ng imported na sibuyas. Halos anim na libong metriko toneladang imported na sibuyas ang dumating noong katapusan ng Enero. Ang presyo ngayon sa farmgate ng pulang sibuyas ay ₱180-200 per kilo at ang puting sibuyas naman ay ₱100-120 na lang. Ang sabi ng DA inaasahan nilang bababa ang presyo ng sibuyas sa ₱50 per kilo. Paano na si Pedrong magsasaka?
Sa pagharabas at pagdagsa ng imported na sibuyas, paspas naman ang pag-akumula ng tubo ng mga komersyante usurero sa kabukiran. Malaganap ang relasyong “pasamà” o samak. Sa komersyante kukunin lahat ng panggastos sa produksyon na iaawas sa aanihin, saka nila paghahatian ng magsasaka ang aning sibuyas. Si komersyante din ang nagpipresyo sa sibuyas at sa lahat ng kagamitan sa produksyon na ginamit. Habang nabubundat sa yaman ang mgs komersyanteng kasabwat sa kartel ng sibuyas, pasamâ ng pasamâ naman ang kalagayan ng magsasaka.
Ang pyudal na pagsasamantala ang pinakamatinding peste sa sibuyasan na daang taon ng nagpapahirap sa magsasaka. Demokratikong rebolusyong bayan lamang ang tanging makakalutas nito.🔥