Dayuhang kontrol sa serbisyong telekomunikasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Malaking usapin kamakailan sa Senado ang tungkol sa 40% pag-aari ng China sa sistema ng mga kawad at kableng naghahatid ng kuryente sa buong bansa. Ayon sa mga senador, delikado na ang isang serbisyong may malaking implikasyon sa pambansang seguridad ay nasa kamay ng isang dayuhang entidad. Pero kung gaano kalaki ang kanilang “pag-aalala” sa dayuhang kontrol sa transmisyon ng kuryente, gayun naman ang kanilang pagmamadali na ipasakamay sa dayuhang kontrol ang isa pang maselang imprastruktura para sa isang pampublikong yutilidad—ang mga cell tower na gulugod ng serbisyong telekomunikasyon.

Aktibong itinulak at sinuhayan ng reaksyunaryong estado ang buu-buong pag-angkin ng dayuhang mga entidad sa mga cell tower na dinadaluyan ng pribado at pampublikong komunikasyon sa bansa. Noong 2020, ipinatupad ang iskemang Common Tower Policy na nagbukas sa konstruksyon at operasyon ng mga cell tower sa dayuhang mga kumpanya. Itinulak ito ni Sen. Grace Poe para “buwagin” diumano ang duopoly o kontrol ng dalawang kumpanya—ang Smart/PLDT at Globe—sa gulugod ng telekomunikasyon. Sinundan ito ng pag-amyenda sa Public Services Act na nagbukas sa 100% pag-aari ng dayuhan sa buong sektor.

Mula 2020, unti-unti nang ibinenta ng PLDT/Smart at Globe ang kanilang mga cell tower, pangunahin sa mga kumpanyang US at kanilang mga kasosyo. Patuloy nilang gagamitin ang mga ito sa ilalim ng kaayusang “lease back” sa nakabiling mga kumpanya.

Binigyang-laya ng estado ang mga kumpanyang nakabili na palawakin ang saklaw, palakasin ang signal at “i-digitize” ang mga cell tower para magamit sa komunikasyong 5G. Bukod dito, binigyan sila at 19 na iba pang kumpanya ng permit na magtayo ng hanggang 50,000 bagong cell tower. Sa mga ito, lima lamang ang kumpanyang Pilipino. Sa ngayon, mayroon lamang 22,405 cell tower sa Pilipinas.

Pinaglalawayan ng dayuhang mga kapitalista, laluna ng mga kumpanyang Amerikano, ang sektor na telekomunikasyon dahil sa laki ng potensyal na kita ng iba’t ibang imprastruktura nito.

Bukod dito, isang malaking merkado para sa serbisyong telekomunikasyon ang Pilipinas. Ayon sa isang pag-aaral na inilabas noong Pebrero, 85.16 milyong Pilipino ang gumagamit ng internet at 163.3 milyon ang kuneksyong cellular (katumbas ng 144.5% ng populasyon). Liban dito, ang mga Pilipino ang pinakababad sa internet sa buong mundo, kung saan umaabot sa siyam na oras at 14 minuto ang kanilang ginugugol sa pag-iinternet araw-araw. Pitong beses na mas mahal ang serbisyong 5G kumpara sa kasalukuyang laganap na serbisyong LTE at 4G.

Usapin ng pambansang seguridad (ng US)

Hindi itinatago ng US na itinuturing nitong usapin ng sariling pambansang seguridad ang lokal na telekomunikasyon sa Pilipinas, laluna sa usapin ng cybersecurity. Diumano, 90% ng mga transaksyong pinansyal ng Wall Street (sentro ng ekonomya ng US) ay dumadaan sa Pilipinas, ayon sa isang upisyal ng embahada ng US sa Pilipinas. Itinutulak nito ang $33-milyong proyektong BEACON para sa paglalatag ng imprastruktura, pagtatakda ng lokal na mga patakaran kaugnay sa cybersecurity at pagsasanay sa mga Pilipinong manggagawa para pangalagaan ang cybersecurity ng mga kumpanya at transaksyong Amerikano sa bansa.

Inilalatag rin ng US ang sariling imprastruktura ng telekomunikasyon bilang bahagi ng paghahanda nito ng gera. Ibinalita noong Enero na popondohan ng United States Trade and Development Agency ang pagtatayo ng Now Telecoms bilang pang-apat na kumpanya sa telekomunikasyon sa Pilipinas. Sinasabing pantapat ang kumpanyang ito sa Dito Telecommunity na 40% pagmamay-ari ng China.

Napakalaking kabalintunaan na ang sistema ng komunikasyon sa Pilipinas ay ipaiilalim sa kontrol ng US at pinakikialamanan ng gubyerno nito, gayong ang US ang isa sa pinakamalaking estadong sangkot sa mass surveillance o pagmamanman sa kanyang mamamayan. Kabilang sa mga programang pangsarbeylans na ipinatutupad ng US ang tinaguriang PRISM, na kumukulekta ng lahat ng email, mga imahe, dokumento, at iba pang sensitibong impormasyon kasabwat ang ilang malalaking kumpanya. Bukod pa ito sa mga programang Dishfire, ECHELON, INDECT, at iba pa.

Dayuhang kontrol sa serbisyong telekomunikasyon