59th IBPA, pinalalayas sa Batangas
Nagprotesta ang mga Batangueño sa Brgy. Sampaga, Balayan upang palayasin ang 59th IBPA mula sa kanilang komunidad noong Agosto 4. Kalahok sa protesta ang mga organisasyong Kaisahan ng mga Manggagagawang Bukid sa Tubuhan (Kaisahan) at Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) – Batangas.
Inirereklamo ng mga residente ng Brgy. Putol, Tuy ang pangamba at perwisyong hatid ng mga operasyong militar ng 59th IBPA. Inokupa ng mga militar ang kanilang mga bahay mula Agosto 3 at sinabing tatagal pa roon ng dalawang linggo. Masahol pa, madadagdagan ang 30 elemento ng 59th IBPA na hihimpil doon.
Tiniktikan ng mga sundalo ang hindi bababa sa tatlong kabahayan ng pamilya ng mga maggagapak sa barangay. Hinahanap nila ang lider-masa at tagapagsalita ng SUGAR na si Jaysie Balugna. Dahil sa takot, napilitang umalis sa komunidad ang pamilya ni Balugna. Binantaan din ang mga kaanak ni Balugna na kung hindi siya ilalabas ay sila ang “babalikan, dadamputin at kakasuhan” ng militar.
Bukod sa takot, malaking abala ang presensya ng mga militar sa kabuhayan ng mga residente. Himutok ng mga residente, gutom na nga sila matapos ang pagsasara ng Central de Azucarera de Don Pedro, Inc., inaatake pa sila ng 59th IBPA.###