Korapsyon sa proyektong flood control, lalong pinabagsik ang epekto ng mga sakuna sa Mindoro
Mula pa 2008, itinuturing na ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa mga sakuna sa buong mundo. Mahigit 20 bagyo ang sumasalanta taun-taon dito. Resulta nito, apektado ang kabuhayan at tirahan ng mamamayang Pilipino, lalo na ang mga magsasaka. Sa isla ng Mindoro na isa sa pinagkukunan ng suplay ng palay sa bansa, dinaraing ng mga magsasaka ang paglala ng epekto ng mga bagyo sa kanilang palayan at iba pang taniman. Palpak at palyado na nga ang pagtulong ng rehimeng US-Marcos II sa mga biktima ng sakuna, nasasangkot pa sa korapsyon ng mga maanomalyang proyektong flood control ang mga burukrata-kapitalista mula pambansa hanggang sa lokal na gubyerno.
Habang nalulunod ang masang Mindoreño sa baha, kagutuman at kahirapan dahil sa lumalalang epekto ng mga sakuna, si Marcos Jr. at ang mga kasabwat na iba pang korap na burukrata ay lumalangoy sa bilyun-bilyong perang ninakaw mula sa pondo ng bayan. Nalantad ang mga anomalya sa mga proyektong flood control (FCP) sa rehimen ni Duterte na ipinagpapatuloy at inaabuso ni Marcos Jr. Mula 2022, tinatayang umabot na sa mahigit ₱545 bilyon ang nagastos ng gobyerno ni Marcos Jr. sa 9,855 FCP. Wala ritong napakinabangan ang masang Mindoreño na kumakaharap sa papalalang mga pagbaha, landslide at pinsala sa kanilang kabuhayan at tirahan. Sa rehiyong MIMAROPA kung saan kabilang ang Mindoro, may 475 FCP ang pinondohan ng mahigit ₱32 bilyon. Sa Oriental Mindoro ay may 129 na proyektong flood control na may halagang mahigit ₱10 bilyon habang may 102 proyekto naman sa Occidental Mindoro na mahigit ₱8 bilyon ang halaga. Sa pagdaan ng bagyong Opong noong Setyembre at ng Tino at Uwan nitong Nobyembre, napatunayang hindi na lamang ang kapalpakan ng mga itinayong imprastraktura kundi pati ang malawakang pagnanakaw ng pondong inilaan sa mga substandard at ghost project.
Papalalang pinsala sa mamamayan
Mula Agosto nang ininda ng mga Mindoreño ang malalang pagbaha, nagsimula ang mga lokal na protesta sa Calapan, Naujan, Gloria at iba pang bayan laban sa korapsyon sa mga FCP at maging sa mga operasyong dredging, pagmimina, at iba pang mapaminsalang proyekto sa kalikasan. Mahigit 168,000 indibidwal ang lubhang naapektuhan sa Oriental Mindoro habang halos 80,000 katao naman sa Occidental sa pagdaan ng bagyong Opong noong Setyembre. Sa datos ng reaksyunaryong gobyerno, nasa ₱498.4 milyon ang pinsala sa agrikultura sa Oriental habang ₱50 milyon sa Occidental. Sa pagdaan naman ng bagyong Tino, umabot sa mahigit 4,000 pamilya ang lumikas mula sa Oriental at Occidental dahil sa malakas na hangin at pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha na umabot hanggang dibdib sa ilang lugar. Ayon sa mga Mindoreño, hindi ganito kalala ang pagbaha sa mga nakaraang taon. May mga lugar rin na inabot na ng pagbaha na dating hindi naaabot.
Hindi pa man nakakabangon mula sa pinsala na dulot ng bagyong Tino, hinarap ng mga Mindoreño ang hagupit ng Supertyphoon Uwan. Dahil sa inaasahang pagtaas ng mga baha sa mga sentrong bayan at maging sa mga iba pang lugar, umabot sa 8,307 pamilya o 30,256 na tao mula sa 198 na barangay ang lumikas sa Oriental Mindoro pa lamang.
Kabilang ang Oriental at Occidental sa mga lugar na pinagtayuan ng mga maanomalyang FCP. Ginawang gatasan ang pagtatayo ng mga FCP sa parehong probinsya ng Mindoro. Ang karamihan sa mga ito ay hindi pa matagpuan at kung mayroon namang nakatayo ay napatunayang palpak. Naitala ang ilang FCP sa bayan ng Naujan sa Oriental ngunit naranasan ang mas mataas na pagbaha rito nitong pagdaan ng malalakas na bagyo. Ganito rin ang sitwasyon sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro, na bukod sa perwisyo ng mga nawawalang FCP ay apektado rin ng mapaminsalang operasyong dredging na pinapahintulutan ng lokal na gobyerno sa pamumuno ni Gov. Bonz Dolor. Aniya, kumikita diumano ang lokal na gobyerno rito kaya may benepisyo naman dito ang mamamayan. Pinapakete pa niya na para sa pagpapanumbalik ng kagandahan ng Ilog ng Balete ang dredging upang lokohin ang mga mamamayang tumututol dito.
Sa ilang lugar sa Bansud, iniulat ng mga residente ang pagbaha sa mga dating hindi bahaing lugar. Mula sa siyam na barangay nito, umabot sa mahigit 1,000 pamilya ang lubhang apektado ng mga matataas na baha na dulot ng bagyong Uwan. Sa bayan ng Occidental, apektado ang mga sentrong bayan ng mas pinalalang baha na ang pinakamataas ay umabot hanggang dibdib. Hindi ito karaniwang karanasan ng masang Mindoreño sa nagdaang mga dekada sa tuwing binabagyo sila.
Bukod sa maanomalyang FCP, sinisisi ng masang Mindoreño ang malawakang pagmimina, quarrying, dredging at iba pang operasyong mapangwasak bilang dahilan sa likod ng mga papalalang pinsala ng mga sakuna sa kanilang kabuhayan at tirahan. Ang mga lokal at pambansang mga burukrata-kapitalista ang nagpahintulot ng mga mapanirang programang ito sa ngalan ng pagpapayaman ng sariling bulsa. Nanginginig sa takot ang mga korap na burukrata sa galit ng mamamayan.
Bumangon, magkaisa at maningil, panagutin si Marcos Jr
Sadyang tuso ang mga burukrata kapitalista. Dahil nakaupo sa gubyerno, nagagamit nila ang kanilang kapangyarihan upang maghugas-kamay at tumakas sa pananagutan. Pakunwaring nakiisa si Marcos Jr. sa panawagan ng pagpapanagot—isang pagtatangkang pagtakpan ang katotohanan na siya ang numero unong magnanakaw dahil sangkot ang opisina niya sa pinakamalalaking FCP sa buong bansa. Binuo ang Investigative Commission on Infrastructure bilang third party umano na magtitiyak na magiging malinaw ang imbestigasyon sa anomalya sa FCP. Ngunit hanggang ngayon, mabagal ang usad ng imbestigasyon dahil hindi pa rin napapanagot ang mga pangunahing may sala.
Iniinda na nga ng mamamayan ang pinsala ng mga sakuna at napakabagal na pamimigay ng ayuda ng gubyerno, kasabay na namemerwisyo ang walang awat na mga operasyon ng AFP-PNP-CAFGU. Sangkot ang mga ito sa paghihigpit sa kilos ng mga masa at pagharang sa pamimigay ng tulong sa kanila sa kasagsagan ng bagyo gaya ng ginawa ng 203rd Infantry Brigade sa So. Barayong, Brgy. Manaul, Mansalay, Oriental Mindoro noong Setyembre. Ganting reaksyon nila ito sa sibilyang populasyon matapos dumanas ng malaking pinsala ang mga pasista na umatake sa isang yunit ng NPA sa Barayong noong Setyembre 25.
Walang ibang dapat gawin ang masang Mindoreño kundi ang walang kapagurang magkaisa, kumilos at lumaban. Dapat na magkaisa ang mga Mindoreño sa pagbabangon sa kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng nagkakaisang paglaban sa korapsyon at kapalpakan ng rehimeng US-Marcos II. Hindi dapat manahimik at magtiis ang masang Mindoreño sa kabulukan ng rehimen ni Marcos Jr. na walang hiya at walang awang pinakakawalan ang mga pasistang tropa ng AFP-PNP-CAFGU laban sa mamamayan.
Kinakailangan at makatwiran lamang na mag-alsa ang masang Mindoreño at magkaisa sa pagtatayo ng tunay na gobyernong naglilingkod sa kanila. Magagawa lamang ito sa pagbubuo ng lakas ng mga Mindoreño para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.