Dalawa sa inarestong San Juan 3, nakalaya na

Nakalaya na sa bisa ng release order ng Batangas Provincial Prosecutor’s Office ang drayber na si Jose Escobio at manggagawang kaibigan nito na si Junald Jabonero nitong Setyembre 4. Sila kasama ang lider-magsasakang si Ernesto Baez Jr. ng Samahang Magbubukid ng Batangas ay dinakip matapos tamnan ng samu’t saring baril at pampasabog ng PNP Batangas noong Agosto 24.

Anang dalawa, bandang alas-5 ng madaling-araw ng nasabing araw nang sunduin nila ang pasaherong si Baez sa isang resort sa bayan ng San Juan. Habang bumibiyahe ay hinarang ang kanilang sasakyan at pinababa sila ng mga pulis habang nakatutok ang mga baril nito sa kanila. Sinakluban ang kanilang mga ulo saka kinalakadkad papasok sa ibang sasakyan. Matapos ang nasa 15 minuto ay ibinalik sila sa kanilang sasakyan at dito na nila nakita ang napakaraming armas at iba pang kagamitang pandigma na itinanim ng mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng sasakyan. Matapos nito ay pilit silang pinaamin na mga kasapi umano ng BHB. Pinagbantaan din silang idadamay ang kanilang mga pamilya kung hindi sila makikipagtulungan sa mga ilegal na umaresto sa kanila.

Sa kabila ng kanilang pansamantalang paglaya, kumakaharap pa rin sila sa mga kasong kriminal habang nananatili sa piitan ang magsasakang si Baez. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang panawagan ng mga mamamayan ng Batangas na ibasura ang mga kaso laban sa tatlo.###

Dalawa sa inarestong San Juan 3, nakalaya na