1 lider manggagawa, pinatay; 3 kabataan, dinukot
Mariing kinukundina ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang nagpapatuloy na paghahasik ng pasismo ng estado sa rehiyon.
Pamamaslang. Noong Setyembre 29, bandang alas-4 ng hapon, pinagbabaril hanggang mapaslang ng mga elemento ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Jude Thaddeus Fernandez ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa kanyang bahay sa Binangonan, Rizal.
Ayon sa palabas ng CIDG, hinainan umano ng warrant of arrest si Fernandez at saka “nanlaban” kaya pinaputukan. Pinabulaanan ito ng mga grupong makatao batay sa resulta ng inilunsad na fact-finding mission at ng KMU. Hindi armado at lehitimong organisador ng mga manggagawa si Fernandez.
Pinahirapan ng mga pulis ang pamilya ni Fernandez na mabawi ang kanyang mga labi. Sa buktot na katwiran ng mga pulis, isang “Oscar Dizon” ang kanilang napatay sang-ayon sa mandamyentong inihain kay Fernandez.
Pagdukot at iligal na detensyon. Iniulat na nawawala sina Job Abednego David, 29, Peter del Monte, Jr., 29 at Alia Encela, 19 mula pa Setyembre 19 at saka inilitaw ng mga elemento ng 203rd Brigade bilang mga sukong BHB pagsapit ng Oktubre. Ang tatlong kabataan ay mga organisador ng mga pambansang minorya sa Mindoro. Naglulunsad sila ng pagsisiyasat at imbestigasyon sa pagmimina at mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa Sityo Malaglag, Barangay Lisap, Bongabong, Occidental Mindoro bago dinakip ng 203rd Brigade. Kasalukuyan silang nakapiit sa kampo ng 203rd Brigade sa Bansud, Oriental Mindoro.
Ipinagpipilitan ng mga pasista na kasapi ng BHB ang tatlong kabataan sa kabila nang hindi armado ang tatlo nang hulihin. Hindi sila inihaharap sa publiko at pinalalabas ng 203rd Brigade na “kusang-loob” na nagpakustodiya sa kanila.
Militarisasyon. Nagtambak ng pwersa ang 1st IBPA at nagpapasok ng mga tangke de gera sa Sta. Maria, Laguna sa tabing ng pagmamantini ng seguridad sa panahon ng SK at Barangay elections laban sa PKP-BHB. Sa halip na seguridad at kapanatagan, kabaliktaran ang idinudulot nitong epekto sa mamamayan ng Sta. Maria. Intimidasyon at takot lamang ang nililikha nito sa mga sibilyan, gayundin ang panghaharas, pagbabanta at surveillance sa mga kandidato ng Barangay-SK Elections na pinararatangang may kaugnayan sa PKP-BHB.
Harrassment. Tuluy-tuloy na hinaharas ng mga gwardya ng LCG Homes at ng mga Gatlabayan ang komunidad ng mga magsasaka sa Sityo Nagpatong, Barangay San Jose, Antipolo City para palayasin sila at bigyang-daan ang proyektong subdivision sa lugar. Nasa 150 pamilya ang apektado ng panghaharas.
Inilunsad ng mga magsasaka ang isang linggong pagkakampo mula Setyembre 18 para labanan ang panghaharas. Hiniling din nilang magkaroon ng dayalogo kay Gov. Nina Ynares para ihapag ang kanilang problema.
Sa unang araw ng pagtatayo ng protest camp ng mga magsasaka, binantaan sila ng mga gwardya na bubuwagin ito. Sa mga sumunod na araw, nagbahay-bahay ang goons at pilit na kinukuha ang pagkakakilanlan ng mga sumama lalo ng mga nanguna sa protest camp. Bago matapos ang protest camp, nagpatupad ng polisiyang “No ID, No Entry” ang mga gwardya.
Iligal na tanggalan sa trabaho. Walong manggagawa kabilang ang tatlong upisyal ng unyon ng Nexperia Philippines ang iligal na tinanggal sa trabaho noong katapusan ng Setyembre. Ayon sa unyon, tahasang pambabalasubas ito sa kanilang collective bargaining agreement partikular sa probisyon na “Last In, First Out”.
Ipinabatid ng kumpanya ang kanilang desisyon sa unyon noong Setyembre 22. Ginamit nila ang mga probisyon kaugnay sa pag-leave para ideklarang “not in good standing” ang mga manggagawa.
Nakikibaka ang unyon na panatilihin sa trabaho ang mga manggagawang matatanggal ng plano ng kumpanya na isara ang Sensors Department ng pabrika na magtatanggal sa 495 manggagawa sa trabaho.###