Pag-aresto, paniniktik at panggigipit ng militar sa Negros, Bicol at Southern Tagalog

,

Naitala sa nagdaang mga linggo ang sunud-sunod na mga kaso ng pag-aresto, paniniktik at panggigipit ng mga elemento ng militar laban sa mga progresibo at aktibista sa rehiyon ng Negros, Bicol at Southern Tagalog.

Sa Negros Occidental, inaresto ng mga pulis si Pertinisa Jereula Charita, 55, habang bumibisita sa kanyang asawa sa kulungan sa San Carlos City noong Pebrero 13. Ayon sa Human Rights Advocates Negros (HRAN), pinalalabas ng mga pulis na nakumpiska kay Charita ang isang kalibre .22 pistola nang kapkapan.

Si Charita, kasapi ng Kapatid-Negros at National Federation of Sugar Workers (NFSW), ay asawa ni Leon Charita na inaresto noong Setyembre 2019 sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Kasama ni Pertinisa ang kanyang mga anak at apo nang bumisita kay Leon para gunitain ang kanyang kaarawan sa loob ng kulungan.

Sa Albay, tiniktikan at ginipit ng mga sundalo ng 9th ID ang mga kaanak ng mga myembro ng Farmer’s Assistance for Resource Management, Education and Rehabilitation Incorporated (FARMER Inc) na sina Maggie Seva, upisyal administratibo nito, at istap na si Fidel Mirando noong unang hati ng Pebrero. Ipinailalim sa iligal na interogasyon ang mga kaanak ng dalawa.

Sa Rizal, nagbahay-bahay ang isang elemento ng 2nd ID sa Barangay San Isidro, Antipolo City, Rizal noong ikalawang linggo ng Pebrero at nag-uusisa kaugnay ng mga lider-masa ng progresibong kilusan sa Rizal. Nakasibilyan ang sundalo at nagpanggap na empleyado ng Antipolo City Hall para isagawa ang paniniktik. Ayon sa mga kapitbahay, kinukuha sa kanila ng mga sundalo ang mga personal na impormasyon at numero sa selpon ng mga lider-masa.

Sa Oriental Mindoro, nanggulo at nanakot ang mga tauhang militar at pulis sa mga mangingisda at makataong grupo na nagsasagawa ng Boat Construction Project sa Naujan noong Pebrero 7. Layunin ng proyekto na mamahagi ng mga bangka at kagamitan sa pangingisda sa mga naapektuhan ng oil spill noong nakaraang taon. Matapos guluhin ang programa, walang kahihiyan namang inangkin ng militar na ang programa ay bahagi ng kampanya ng National Task Force-Elcac.

Pag-aresto, paniniktik at panggigipit ng militar sa Negros, Bicol at Southern Tagalog