Balik-Tanaw sa Kasaysayan: Pantabangan Dam

Marso 3, 1971. Limampu’t tatlong taon na ang nakakalipas nang ang buong bayan ng Pantabangan ay pinalubog ng Rehimeng US-Marcos Sr para itayo ang Pantabangan Dam. Sapilitang pinalayas ang 1,624 pamilya o humigit-kumulang 9,500 katao mula sa 8 baryo ng Poblacion, Liberty, Villarica, Marikit, Napon-napon, Cadaclan, Conversion at San Juan. Nasa 8,100 ektaryang lupain ang inilubog sa tubig, kabilang ang 2,600 ektaryang bukirin. Nasa 3/4 ng buong bayan ng Pantabangan ang inilubog sa tubig.

Mayo 1969 naipasa ang Upper Pampanga River Project Act (RA 5499) na naghudyat sa konstruksyon ng Pantabangan Dam. Kaugnay nito ay nangutang ng 34 milyong dolyar sa World Bank ang gubyernong Marcos Sr. na hanggang sa kasalukuyan ay binabayaran pa rin ng sambayanang Pilipino. Sa taon ding ito, sa bisa ng Presidential Proclamation 561 ni Marcos Sr ay idineklara na Pantabangan-Carranglan Watershed Forest Reserve ang 84,500 ektaryang lupain sa palibot ng ginawang lawa ng Pantabangan Dam. Binawal ang paninirahan, pagtatanim at pangangalap ng kabuhayan sa paligid nito. Sumaklaw ito sa 36 baryo mula sa Carranglan (NE), Pantabangan (NE), Dupax del Sur (NV) at Maria Aurora (Aurora). Tinatayang 74,496 katao ang nawalan ng lupa, tirahan at kabuhayan.

Tinutulan ng mamamayan ng Pantabangan ang proyektong ito. Nagprotesta sila at umabot hanggang sa Malacañang. Pero ginamitan sila ng dahas at panlilinlang. Ipinataw ni Marcos Sr ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972. Gamit ang noo’y Philippine Constabulary (PC), pwersahang pinalayas ang mamamayan sa saklaw ng makadayuhang proyektong ito.

Nangako ang diktadurang US-Marcos Sr ng maayos na relokasyon—libreng lupa, pabahay, pagkain at kabuhayan. Pero ang mga lote na pinatirhan sa kanila ay walang titulo at kalauna’y pinabayaran sa kanila. Ang mga bahay at kalsada ay mahinang klase kaya’t gumuho rin nang daanan ng bagyo’t ulan. Tuyo at mabato ang lupang nilipatan kaya hindi pwedeng taniman. Ang libreng rasyon na bigas mula sa “World Food Program” ay panandalian lang. Lalong nasadlak sa mahirap na buhay ang mamamayan ng Pantabangan.

Natapos ang konstruksyon ng Dam noong 1974 at natapos ang Power Plant nito noong 1977. Taong 1979 nagsimula na itong lumikha ng kuryente at nagpatubig sa malawak na lupain ng mga panginoong maylupa sa Nueva Ecija hanggang Pampanga.

Noong Agosto 2020, sa ika-17 pagkakataon mula ng palubugin ang lumang bayan ay buo-buong lumitaw ang mga dating istruktura dito tulad ng krus ng simbahan, entablado sa plaza at maging nitso ng mga libingan. Resulta man ito ng matinding tagtuyot, o ng pagbaba ng lebel ng tubig, ang paglitaw ng mga istruktura ng dating bayan ay pananda sa kasaysayan na hindi malilimot ang pagpapalayas ng estado sa mamamayan ng Pantabangan pabor sa dayuhang pamumuhunan at pagkamal ng super-tubo.

Limampu’t tatlong taon na ang nakalipas, at muling nakapanumbalik sa estado poder ang mga Marcos sa katauhan ni Ferdinang “Bong-Bong” Marcos Jr. Kumusta na ang mamamayan ng Pantabangan?

Kasamang inilubog sa lumang bayan ng Pantabangan ang mga pangako ng diktadurang US-Marcos Sr. Habang kumikita ng bilyong dolyares ang First Gen Corp, Energy Development Corp at kasosyo nilang mga dayuhang korporasyon, namumuhay ang mga magsasaka sa paligid ng Pantabangan Dam sa kasalatan at kawalan ng lupang mabubungkal.

Sa pagtatagumpay lamang ng Demokratikong Rebolusyong Bayan tuwirang mapapakinabangan ng mamamayan ang rekursong nagmumula sa kalikasan ng bansa. Ang mga hydropower plant, geothermal power plant at iba pang planta sa enerhiya na pinapatakbo ng dayuhang korporasyon at malalaking burgesya kumorador ay kukumpiskahin ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Pagaganahin ang mga ito sa balangkas ng pagbibigay ng tapat na serbisyong panlipunan. Pangunahin ding isasa-alang-alang ng demokratikong estado ang kaligtasan ng mamamayan at ang pangangalaga sa kalikasan sa anumang imprastrukturang itatayo at mga proyektong pang-enerhiya.🔥

Balik-Tanaw sa Kasaysayan: Pantabangan Dam