Boladas ni Docalas

Tumataginting na sisenta mil (₱60,000) ang kanyang pangako, pipirma ka lang ng pagsuko. Kahit hindi ka naman talaga Hukbo, o kahit walang kaugnayan sa kilusang rebolusyunaryo. Basta napasama ka minsan sa rali, o may kamag-anak o apelyidong nasa hotlist ng gubyerno. Magkakapera ka na, wala pa ika sa iyong iistorbo. Boladas ni Romarico Docalas, lalong binulid ang masa sa peligrosong landas. Sa Maria Aurora, hindi lang sampu o limampu ang biktima ng ekspertong manggagantso. Nag-showcase ng iilang binigyan ng sisenta mil. Piktyur, piktyur at post sa Facebook. Bokya na ang mga kasunod. Sa halip na pera, binigyan na lang ng apat na biik ang magsasakang napasurender.

Binigyan ng “Confidential” na papel para di ika maharang sa tsekpoynt. Antayin ang JAPIC, pinal na katibayan ika ng pag-surrender.

Pero natahimik nga ba ang buhay ng mga napa-surender? Hindi nagtatapos sa isang pirmahan ang obligasyon nilang patunayan ang katapatan sa gubyernong nagpapahirap at umaalipusta sa masang anakpawis. Di pwedeng mag-absent sa pa-seminar ng AFP. Regular na magri-report sa kampo. Pagdududahan ang hindi pagsama sa operasyon. Oobligahin pang magbigay ng mga pangalan ng mga kapanalig at sumusuporta sa mga “pulahan”.

Pera, pera. Paldo ang bulsa ng mga tulad ni Docalas na ginagawang negosyo ang pagpapasuko. Kaya di nakapagtataka, kung inis man sa kanya ang kapwa niya manggagantso. Mapa-AFP o PNP, ginagawang gatasang baka ang programang E-CLIP at samu’t saring iskima ng pagpapasurender.

Hindi krimen ang magsulong ng demokratikong karapatan at kagalingan ng mamamayan. Hindi krimen ang igiit at ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa kontrol at panghihimasok ng imperyalistang US at iba pang makapangyarihang bansa.

Huwag paipit sa ECLIP. Huwag maniwala sa boladas ng mga gaya ni Docalas.🔥

Boladas ni Docalas