Editoryal Bulok na Estado, Durugin! Ibagsak!

,

Umaalingasaw ang matagal nang bulok at naaagnas na estado. Magbagong-bihis man ang mga nasa estado poder, hinding-hindi na gaganda ang kasalukuyang sistema. Walang ibang nararapat gawin kundi durugin ng armadong mamamayan ang bulok na estado at itayo ang demokratikong gubyernong bayan na tunay na maglilingkod sa mamamayang Pilipino.

Sinasalamin ng garapalang bangayan ng pangkating US-Marcos at Duterte-Arroyo ang nakakasulasok na krisis sa ekonomya at politika ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Habang kumokonti ang pinag-aagawang yaman, lalong nagiging agresibo at desperado ang bawat pangkat ng naghaharing-uri. Handang dungisan ang dangal sa ngalan ng kayamanan at kapangyarihan. Kamakailan lang, walang kahihiyang nagsagutan at tinawag na adik nila Bongbong Marcos at Rodrigo Duterte, kapwa itinuturing na ama ng GRP, ang isa’t isa sa harap ng publiko.

Sagad sa pagkaganid, parehong naggugulangan at utak-talangkang naghihilahan pababa ang mga dating magkahawak-kamay na nangangampanya noong panahon ng eleksyon. Noong huling kwarto ng 2023, umugong ang planong destabilisasyon at pagpapatalsik kay Marcos ng pangkating Duterte sa pamamagitan ng kudeta. May impormasyong nilaanan ito ng isang bilyong pondo.

Batid ng naghaharing-uri na ang tatag ng kanilang kapangyarihan ay nakasalig sa tuta at mersenaryong AFP. Kaya naman, bilang pangontra sa planong kudeta, agad na sinuhulan ni BBM ang kasundaluhan ng mga benepisyo at mga pangakong posisyon ang mga heneral. Iniatras ang pangungulekta ng kontribusyon sa pensyon ng mga militar. Tinanggal din ni BBM ang milyones na intelligence fund ng Office of the Vice President, sa takot na magamit ng pangkating Duterte ang makukurakot na pondo para pabagsakin si Marcos. Hinayaan ni BBM na tahimik na makapag imbestiga ang International Criminal Court (ICC) sa madugo at maanomalyang gera kontra-droga ni Duterte.

Habang abala sa agawan ng yaman at kapangyarihan ang mga mandarambong na politiko, hilahod naman sa krisis ang mamamayang Pilipino. Nananatiling walang lupa ang kalakhan ng magsasaka. Maging ang kapiranggot na tinatyagang kainginin ng masa sa kabundukan ay inaagaw ng estado sa ilalim ng mapanlinlang na proyektong National Greening Program at Food Basket naman sa probinsya ng Aurora. Ultimo tinitirikan ng munting barong-barong ng masa ay kinakamkam. Pinapalayas ang mga masang nasa estratehikong lugar para sa negosyo at turismo tulad ng mga magsasaka sa Barangay Dianawan, Maria Aurora at Barangay Semento, Baler sa Aurora, baybaying-dagat ng San Luis, Aurora, sa Sitio Maluyon sa bayan ng Pantabangan, at Barangay Burgos, Carranglan, Nueva Ecija.

Pinapatay, dinudukot, dinarahas ang sinumang umalma sa anti-mamamayang proyekto ng estado. Pinaparatangang terorista at sumusuporta sa NPA ang tumitindig para sa kanilang karapatan at kabuhayan. Maramihang kinulong ang mga magsasakang nakikipaglaban sa karapatan sa lupa sa Hacienda Tinang sa Tarlac. Walang patid din ang pandarahas sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita at Hacienda Dolores. Maging ang mga taong-simbahan ay hindi ligtas sa berdugong militar. Hinding-hindi malilimutan ng mga magsasaka ang pagpaslang kila Pastor Andy Pawikan (2006) at Father Tito Paez (2017) na kapwa sumusuporta sa pakikibaka ng mga magsasaka.

Kasaysayan na ang magpapatunay na kailanma’y hinding-hindi maglilingkod ang estado ng mayayaman sa nakararaming mahihirap. Dalawa lang ang ating pagpipilian, ang mamatay sa gutom o ang lumaban para sa makatarungang lipunan. Mamamayan, magkaisa, mag-armas! Itayo at patatagin ang mga lihim na organisasyon ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, guro, abugado, taong-simbahan at mga katutubo na syang binhi ng demokratikong gubyernong bayan. Alpasan ang takot, sumalig sa ating lakas. Kapit-bisig na pandayin ang malayang bukas! 🔥

Bulok na Estado, Durugin! Ibagsak!