Payaw o Panaw?

Payaw ang tawag sa pribadong pangisdaan sa gitna ng karagatan. Panaw naman ang madalas sapitin ng karaniwang mangingisdang nakikipagsapalaran para mabuhay.

Sa bayan ng Baler at baybayin ng San Luis, ang kalakhan ng magsasaka ay kadalasang nakiki-payaw sa panahon ng lantapin o hindi maalon. Kadalasa’y sa Casiguran pa sila lumalaot para makapanghuli. Pero dahil sa hirap ng buhay, madalas nakikipagsapalaran silang pumalaot kahit sobasko o masama ang panahon. “Ganun talaga, sapalaran lang. Kapag meron edi payaw, kapag wala sabay-sabay kaming papanaw,” madalas na biruan ng mga mangingisda. Kaya ‘di na kataka-takang taun-taon may namamatay sa pangingisda.

Pero hindi lang masamang panahon ang banta sa buhay ng mangingisda. Katunayan, araw-araw silang nasa bingit ng walang katiyakan sa hirap ng buhay. Bago makapangisda, dumadaan muna sila sa butas ng karayom para mangutang ng konsumo at kagamitan sa paglaot. Binabatá nila ang pagkabatad sa lamig at magdamag na puyatan sa pangingisda. Marami sa kanila ay nakikisakay lang sa mga may malalaking bangka dahil ipinagbabawal ng batas ang mga maliliit na bangka na pumalaot lagpas sa municipal water. “Pasahero o sakay” kung sila’y tawagin. Dahil walang sariling gamit sa pangingisda, itinatakda ng may-ari ng bangka ang kanilang magiging parte. Kadalasang 60-40 ang hatian, pabor sa may-ari ng bangka. Habang sa sistemang “lagom” naman ay tatanggalin ang lahat ng gastos at hahatiin ang kita sa lahat ng nangisda. Sa Lagom, doble ang parte ng may-ari ng bangka dahil kabayaran ito diumano sa maintenance ng bangka.

Marami man ang huli o kaunti, madalas na umuuwing luhaan ang mamamayaw dahil sa barat na presyo ng isda sa bagsakan sa Baler at Dinggalan, Aurora. “Tumataas lang naman ang presyo ng isda kapag kakaunti ang huli namin, pero madalas bagsak presyo na umaabot lang sa ₱70-₱250 ang kilo kahit ang magagandang klase ng isda gaya ng tulingan at bariles,” karaniwang daing ng mangingisda. Kaya madalas, pambayad utang lang ang kanilang kinikita. Maswerte nang kumita ng ₱500-₱5000 sa dalawa hanggang apat na linggong paglaot. Katumbas ng ₱150.00 na arawang kita, na mas mababa pa sa kinikita ng manggagawang-bukid.

Sa kabila ng ganitong kalagayan ng mga mamamayaw, walang kibot naman ang itinutugon ng estado sa mga ganitong suliraning kinakaharap ng mamamayan. Walang malinaw na proyekto ang gubyerno na direktang makikinabang ang mga mangingisda. Kahit sa panahon ng pananalasa ng kalamidad, pagod at nababaon sa utang sa kababalik-balik sa kabayanan ang mga mangingisdang namamag-asa sa kakarampot na tulong.

Binabawal ang mga mangingisda na walang bangka, habang walang pakundangang hinahayaan ang mga dayuhan na mangisda at mangayupapa sa ating mga likas na yaman. Pikit-mata at tengang kawali lamang ito sa hinaing ng mga mamamayaw na pumapanaw dahil sa pagkasadlak sa krisis bunga ng walang sapat na kabuhayan, kagutuman at panggigipit sa mamamayan.🔥

Payaw o Panaw?