Ibayong palawakin ang paglaban ng bayan sa rehimeng US-Marcos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa nagdaang taon, tuluy-tuloy na sumisigla ang sama-samang mga pagkilos ng sambayanang Pilipino upang ipaglaban ang kanilang kabuhayan, ipagtanggol ang mga karapatan, isulong ang katarungan, at itaguyod ang pambansang kalayaan. Sa harap ng hindi nalulutas na krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, kaliwa’t kanan ang mga patakaran at hakbanging kontra-nasyunal at kontra-demokratiko ng pasistang rehimeng US-Marcos. Itinutulak ng mga ito ang masa ng sambayanan na magkaisa at makibaka laban sa kanilang paghahari.

Papalawak ang hanay ng mga manggagawa, at karaniwang kawani na nakikibaka para sa kanilang karapatan sa nakabubuhay na sahod at sweldo. Lalo pang tumitibay ang paninindigan ng mga drayber at opereytor ng dyip sa pagtatanggol nila ng kanilang kabuhayan laban sa jeepney phaseout. Kaisa nila ang mga kabataan na tumututol rin sa nakaambang pagtaas ng matrikula at gastos sa edukasyon. Sa iba’t ibang panig ng bansa, ipinagtatanggol ng mamamayan ang kanilang karapatan sa lupa, kabundukan, kailugan at karagatan, at mga pinagkukunan ng kabuhayan laban sa pangangamkam at pangwawasak ng magkakasabwat na mga dayuhan, malalaking kapitalista at panginoong maylupa. Sinisingil nila ang rehimeng US-Marcos sa lubhang kulang na paghahanda at aksyon sa harap ng matinding pinsalang dulot ng tagtuyot sa panahon ng El Niño at mga patakaran nitong sumisira sa kalikasan.

Bumwelo ang paglaban ng malawak na hanay ng mamamayan sa pakanang charter change ng mga alipures ni Marcos, para sementuhin ang mga patakarang neoliberal sa konstitusyong 1987 at tangkaing ilusot ang mga pagbabago upang mapalawig ang poder ng mga pulitiko. Bumubwelo rin ang paglaban sa panghihimasok ng militar ng US sa Pilipinas, panunulsol nito ng gera at pagkakaladkad ng bansa sa imperyalistang sigalot nito sa China, habang nananawagan ang bayan ng mapayapang paglutas sa mga usapin sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng mga teritoryong pandagat sa West Philippine Sea. Nagpapatuloy at patuloy ding lumalawak ang pagsuporta sa mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng tambalang US at Zionistang Israel. Ibayong tapang na lumalaban ang sambayanan sa tumitinding pasismo ni Marcos. Tagumpay nila ang desisyon ng Korte Suprema kontra sa Red-tagging at pabor sa pagbibigay ng writ of amparo sa mga biktima nito.

Ang kaliwa’t kanang militanteng paglaban ng sambayanan ay mga palatandaan ng hindi nalulutas na krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema. Sa ilalim ng pahirap at mapang-aping mga hakbangin ng anti-mamamayan at papet na rehimeng Marcos, walang ibang masusulingan ang masa ng sambayanan kundi ang magkaisa, kumilos at lumaban. Sa harap ng pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan ni Marcos, kailangang lalo pang palakasin ang sigaw ng sambayanan para sa hinihingi nilang kagyat at pangmatagalang pagbabago. Upang epektibong lumaban, kailangang mapakilos ang higit na mas malapad na hanay ng masa ng sambayanan.

Upang pakilusin ang malawak na sambayanan at iluwal ang kanilang inisyatiba sa paglaban, dapat magsimula sa antas ng pampulitikang kamulatan at kahandaan ng masa. Saligang turo ng Partido na dapat pakilusin ang mas aktibo at abanteng bahagi ng masa, upang abutin ang panggitna at kabigin ang nahuhuli. Kaugnay nito, tungkulin ng nangungunang mga pwersang pambansa-demokratiko na pukawin at hikayatin ang masa na kumilos sa pamamagitan ng pag-abot at pakikipagkaisa sa iba’t iba nilang organisasyon, o pagtatayo ng iba’t ibang tipo ng asosasyon na nakabatay sa nagkakaisang paninindigan ng masa sa tampok na mga usapin ng mamamayan.

Malaking bilang ng masa ang handang pumaloob sa pambansa-demokratikong mga organisasyon at determinadong kumilos para sa komprehensibong pagbabagong panlipunan. Dapat silang malawakang organisahin. Subalit higit pang mas marami ang handang sumapi at lumahok sa batayan ng iba’t ibang progresibo, makabayan at maka-mamamayang mga adhikain, o sa batayan ng karaniwan at komun na mga hinaing sa hanapbuhay o pinagkakakitaan. Handa silang pumaloob sa iba’t ibang anyo ng organisasyon, at bukas sa iba’t ibang paraan ng pagkilos. Dapat silang abutin, itayo ang angkop na anyo ng mga organisasyon at gabayan sa landas ng militanteng paglaban. Dapat pag-ibayuhin ang pagkamapanlikha sa mga pamamaraan at anyo ng pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.

Tungo rito, mahigpit na tungkulin ng lahat ng pambansa-demokratikong pwersa na puspusang tumungo sa masa at ubos-kayang isagawa ang panlipunang pagsisiyasat, pagpopropaganda at pag-oorganisa. Dapat tumungo at buong-panahong sumanib sila sa mga pabrika, maralitang komunidad sa kalunsuran at kanayunan, maging sa mga paaralan, tanggapan, at kung saanman naninirahan o naghahanapbuhay ang masa. Sa pamamagitan nito, matutuklasan ang angkop o epektibong mga anyo, luma man o bago, ng pagpropaganda at pag-organisa sa masa.

Dapat maging mapangahas, malakas ang loob, may inisyatiba at mapanlikha sa pagpropaganda at pag-oorganisa sa masa. Dapat pangibabawan ang lahat ng anyo ng burukratismo at liberalismo, at magmatyag sa populismo, buntotismo, komandismo at pagkakasya sa pahapyaw na pagpopropaganda. Kailangang baklasin ang kinagawiang mga paraan at estilo ng paggawa na sumasagka sa kakayahan ng pambansa-demokratikong mga pwersa na alamin ang kongkretong kalagayan ng masa, ang iba’t iba nilang usapin, mga komun na hangarin, antas ng kanilang kamulatan at kahandaan na kumilos at lumaban.

Taimtim ang hangarin ng sambayanang Pilipino na lumaban sa harap ng matalim na krisis at walang-awat na pagpapahirap at pang-aapi sa kanila ng kontra-mamamayan at pasistang rehimeng US-Marcos. Determinado silang isulong ang kanilang pakikibaka para sa kanilang kagalingan, kabuhayan, at mga saligang karapatan, at para sa kalayaan at kaligtasan ng bansa.

Ang masidhing paghahangad ng sambayanan na lumaban ay dapat tumbasan ng determinasyon ng mga pwersang pambansa-demokratiko na pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawa, magsasaka, masang anakpawis, at lahat ng demokratikong sektor. Dapat magsilbing huwaran ang mga kadre at kasapi ng Partido sa pangunguna sa walang pag-iimbot na pakikisalamuha, pagpukaw at pag-oorganisa upang palalimin at palawakin ang mga ugat ng Partido sa hanay ng masa. Dapat silang mamuno sa paglinang ng diwa ng pagsandig at pagtiwala sa masa, at sa paninindigang ang masa lamang ang lumilikha ng kasaysayan.

Ibayong palawakin ang paglaban ng bayan sa rehimeng US-Marcos