Climate change at barya-baryang pagbabago
Naranasan mismo ni Ka Delia ang bangis ng epekto ng climate change nang humagupit ang bagyong Yolanda noong 2013. “Kakaiba talaga yung lakas ng hangin noon,” aniya. “Parang magugunaw na ang mundo, wala ka talagang makita sa labas.” Ikinuwento niya ang pagbagsak ng bubong ng bahay nila at ang paglikas nila sa gitna ng bagyo.
Pagkaraan ng bagyong Yolanda, naramdaman niya na tila wala nang pag-asa sa kanyang lugar sa Leyte. Sirang-sira ang mga gusali, puro delata ang kinakain. Sa kabila ng bilyon-bilyong pondong nakalap ng reaksyunaryong estado pang-ayuda, iilan lang ang nakinabang sa mga proyektong pabahay at walang konkretong hakbang kung paano gawing ligtas ang masa sa epekto ng mga malalakas na bagyo. Ayon sa isang pag-aaral apat na taon pagkalipas ng trahedya, 25 porsyento pa lang ng mga ipinangakong pabahay ang naitayo ng reaksyunaryong estado.
Tulak nito at ng maraming pang dahilan, lumipat si Ka Delia sa Maynila. Ngayon, bilang organisador ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA-NDFP) sa isang siyudad sa Metro Manila, nakikita niya na malapit rin sa bituka ng maralitang lungsod ang usapin ng sakuna. At gaya ng karanasan niya sa Leyte, malaking isyu rin kung paano ginagamit ng mga burukrata kapitalista ang climate change para sa kanilang sariling ganansya.
Flood control, embankment, korapsyon
“Wala namang masamang tugunan ang mga epekto ng climate change. Dapat lang, karapatan ito ng mamayan at responsibilidad ng gobyerno,” sabi ni Ka Delia. “Ang problema, ginagamit ang mga pondo ng taumbayan sa pangungurakot kaya palpak ang mga proyektong tinipid.”
Kung titingnan natin ang pambansang badyet, malaki ang perang inilalaan sa flood control. Umabot sa halos Php 350 bilyon o one-third ng kabuuang badyet ng bansa ay para sa imprastruktura, tulad ng proyektong flood control sa taong 2025. Malaki ang pagtaas nito mula sa Php 93.7 bilyon noong 2020.
Ibinahagi ni Ka Delia ang sitwasyon ng mga urban poor sa baybayin ng Manila Bay. Inirereklamo ng mga lokal ang walang katapusang pag-aayos ng seawall pero mas lumalala naman ang baha at epekto ng high tide. “Walang kwenta ang seawall dahil pag malakas ang alon sa Manila Bay nakakapasok pa rin ang tubig at bumabaha.”
“Sana nakakatulong yung proyekto nila. Pero wala kaming nakikitang pagbabago. Sana ipamigay lang nila yung milyon-milyong pondo dito sa amin, mas makakatulong pa yun,” sabi ng isang residente.
“Pera lang naman yung habol ng mga trapo, wala silang pakialam kung may pakinabang ang mga proyektong itinatayo nila,” sabi ni Ka Delia. “Posibleng pinapalala pa nga nito ang mga baha. gaya ng mga proyektong bumabara sa natural na daanan ng tubig.” Halos ganito rin ang nasaksihan ni Ka Delia sa kanilang probinsya. Halimbawa, mga pabahay at tide embankment na perwisyo pa sa masa. Karanasan rin ito taun-taon ng libong mamamayan sa buong bansang tuwing hinahagupit ng mga kalamidad.
Hindi naman sikreto na ginagamit lang ng mga pulitiko ang proyektong gaya nito para mangurakot kaya naman pira-piraso ang mga ito, hindi planado at koordinado at hindi pangmatagalan. Walang pambansang plano kung paano tutugunan ang epekto ng climate change.
Para maibsan ang poot ng mamamayan at pagtakpan ang kapabayaan, ginagamit ng mga pulitiko ang regular na pamimigay ng ayuda sa ilang mga residente, ayon kay Ka Delia, “na barya lang kumpara sa malaking kickback na nakukuha nila sa mga walang-katapusang proyektong ito.” Sa totoo lang, kumikita rin ang mga pulitiko mula sa mga badyet pang-ayuda.
Sama-samang pagkilos laban sa kawalang pananagutan, criminal negligence
Sa ngayon, ang climate change ay bahagi na nang araw-araw na buhay ng mamamayan sa buong mundo. Bunga ito ng kasibaan ng kapitalismo gaya ng tuloy-tuloy ang pandarambong ng mga malalaking dayuhang korporasyon sa kalikasan, gayundin ang walang-awat na pagsirit ng carbon emissions mula sa mga kapitalistang bansa.
Ang mga nabanggit ni Ka Delia na kaso ng corruption ay isa sa mga nagpapalala sa sitwasyong ito at sa esensya ay kawalan ng pananagutan ng gobyerno sa gitna ng kahirapan, pagkawala ng mga buhay at kabuhayan. Sa katunayan, antas krimen na ang kapabayaang ito, lalo na ng rehimeng Marcos Jr. Kailangang maningil at panagutin ang rehimen.
Para kay Ka Delia, hinog ang panahon para mag-organisa, lalo na ng mga organisasyong rebolusyonaryo at lihim, sa hanay ng maralitang lungsod.
“Sa pagkakaroon ng organisasyon, nagiging koordinado ang tugon at pagtutulungan ng rebolusyonaryong pwersa sa kanilang sitwasyon. Maski sa usapin ng ayuda, mas madaling pairalin ang tamang oryentasyon sa pagtanggap nito. Naiiwasan ang mga alitan sa pagitan ng mga miyembro ng komunidad. Saka pag organisado, mas matibay ang mamamayan sa paniningil sa rehimen.”
Sistema ang kalaban
Bilang organisador ng KASAMA, mulat si Ka Delia na hindi sapat ang ligal na pakikibaka para makamit ang tunay na pagbabago sa lipunan.
Aniya, nakaugat ang mga problema nila sa palpak na seawall, panakip-butas na ayuda, korupsyon at lumalalang epekto ng climate change sa tatlong salot ng lipunan—ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Maliban sa pinagkakakitaan ng mga burukrata at mga dayuhang korporasyon, ang mga mapanirang proyekto tulad ng minahan at quarrying, mega-dams, land conversion para sa mga plantasyon at real estate, reklamasyon, kahit ang mga malls ay sumisira sa mga daanan ng tubig, bundok, at mga palayan.
Ang mga proyektong ito ay dahilan rin ng patuloy na pagiging atrasado at mapagsamantalang kalagayan ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan; at isa sa dahilan ng ng pagluwas sa siyudad na nalalagay sa kanila sa panibagong bulnerableng sitwasyon.
“Sa aming pag-organisa sa maralitang lungsod, hindi nawawala ang mga talakayan, ang paglantad ng kabulukan ng sistema. Dito napapatimo ang kawastuhan ng armadong pakikibaka bilang solusyon sa mga problema sa ating bansa. At kahit narito tayo sa lungsod, bahagi ng tungkulin natin ay yung mapalapit ang masa sa rebolusyon, hanggang sa pinakamataas na porma nito.” (Bernadette Rojo)