BBM at mga burukrata kapitalista: punong multo sa likod ng kurakot at kalamidad
Tumitindi ang galit ng mamamayan sa lumalalang pagbaha tuwing bagyo at panahon ng habagat o kaya naman kapag tagtuyot dahil walang totoong solusyong itinatapat ang gobyerno sa mga ito.
Regular nang nagpapalitan ang kalamidad na dala ng tagtuyot at bagyo/habagat. Kapag tagtuyot, lumilitaw ang kakulangan ng irigasyon o patubig sa mga taniman. Tuwing tag-ulan niraragasa naman ng tubig, putik at basura ang mga taniman at tirahan. Umaapaw ang ilog, nalulubog ang mga palayan at gulayan, nawawasak ang mga dike, irigasyon, “floodwall,” kalsada, at bahay.
Kada bagyo, milyon hanggang bilyong piso ang tantyang pinsala sa agrikultura at imprastraktura. Sabi mismo sa Department of Agriculture na noong 2024 hindi bababa sa Php 15 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa tagtuyot at ang sumunod na mga bagyo. Para sa 2025, sinabi rin ng DA na nitong Agosto pa lang ay nasa Php 3.53 bilyon na halaga ng mga pinsala sa agrikultura. Hindi pa kasama rito ang mas mahalaga—ang buhay ng mga tao.
Magkakaugnay ang mga dahilan ng kalamidad—mula sa kinakalbong forest cover ng mga bundok bumababa sa mga ilog at sapa at kalsada ang tubig, putik at batong di makadaloy dahil sa mga imprastrakturang hindi angkop, di-planado at koordinado gaya ng drainage system o flood control projects. Isama pa rito ang mga reclamation projects, black sand mining sa mga baybaying dagat na dahilan ng pagkasira ng mga bakawan. Marami pa.
Sa Bulacan pa lang, ayon sa mga ulat, ilang bilyung piso ang halaga ng kontrata ng mga “completed” flood control projects na guniguni lang pala o kaya palpak. Ganyan din ang ulat mula sa Negros, Ilocos at Bicol. At naglalabasan ang iba pang mga reklamo at rebelasyon sa iba’t-ibang lugar. Sabi nga tip of the iceberg pa lang ang bilyon-bilyong kurakot sa Bulacan.
Sa lahat nang ito, gutom at dagdag na kahirapan at pagkabaon sa dagdag na utang ang dulot nito sa mga magsasaka, mangingisda, maralitang lunsod—ang pinaka bulnerable sa epekto ng mga kalamidad, mapa-tagtuyot man o malalang pagbaha. Wala o hindi matibay ang kanilang bahay, walang pampagamot pag nadisgrasya, walang ipon pang kapital at rehabilitasyon ng kabuhayan.

“Kahit ilang buwan o bagyo na ang dumaan wala pa ring kumpensasyon at ayuda mula sa gobyerno,” sabi ni Tonyo, isang magsasaka mula Southern Tagalog. Katulad ng iba pang magsasaka sa ibang dako ng Pilipinas, sinabi niyang hindi pa sila nakakaahon mula sa pinsala ng bagyo (Kristine nong 2024), muli na namang sinalanta ng bagyo at pagbaha ang kabuhayan nila nitong Hulyo 2025. Ngayon, “Walang makain ang aming pamilya.” Ang hiling ng mga magbubukid, “magawa uli ang aming palayan para kami makapagtanim.”
Sa tuwing may kalamidad, kailangan pang manawagan ng mga biktima para sa kagyat na aksyon mula sa gobyerno gayung nasa kanila ang rekurso at responsabilidad nila ang tumugon dito. Sa tuwing may kalamidad, ang mga mamamayang ninanakawan ng buwis at serbisyo ang nag-aambagan para maiahon ang isa’t isa. Noong nakaraang buwan, nakiisa at nakipagtulungan sa mga apektado ng sunud sunod na bagyo ang Communist Party of the Philippines at mga alyadong rebolusyonaryong organisasyon. Nagkoordina sila ng mga tulungan ng masa at mga rebolusyonaryo sa iba’t ibang dako ng Pilipinas para sa mga kagyat na pangangailangan.
Sinasamantala naman ng military ang delubyo para kontrolin ang mga tao. Hinaharangan ang tulong na kinalap ng mga organisasyong masa. Sinisiraan ang nagkakaisang pagkilos ng mamamayan. Pero iisa lang ang kanilang pahiwatig: na sa usaping kalamidad, wala silang magagawa kundi manisi sa kanilang kriminal na pagpapabaya.
Palusot ng mga punong burukrata kapitalista: isisi sa iba ang kriminal kapabayaan
Tulad din ng mga nagdaang hepe ng burukrata kapitalista, ipinatutupad ngayon ng rehimeng Marcos Jr ang large-scale mining, quarrying, logging, ekspansyon ng mga plantasyong pang eksport, at liberalisasyon ng agrikultura at pangisdaan. Ilan lang ito sa mga proyektong pumipinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Ang mga ito ay dikta ng ng mga imperyalistang bansa, mga panginoong maylupa at burgesya komprador na kinakatawan ngayon ni Marcos Jr.
Pero tuwing binabatbat ng kalamidad ang Pilipinas, naghahanap ang mga burukrata kapitalista ng masisisi maliban sa mga totoong dahilan. Bilang punong burukrata kapitalista, isinisisi ni Marcos Jr ang kalamidad sa bansa sa climate change (na ito na raw ang normal at dapat nang matutong mamuhay sa ganitong sitwasyon).
Mahiya lang?
Nitong huling SONA 2025, sinalubong ni Marcos Jr ang mga bagyo at habagat ng pasabog na “Mahiya naman kayo!” na target ang mga karibal na pulitiko at mga kasabwat na kontraktor at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na akala mo ay malinis siya at ang ibang pang bahagi ng reaksyunaryong estado. Halatang naghahabol ng pogi points pero sa tindi nang mga nabulatlat na kaso ng korapsyon, mas naging malinaw sa mamamayan ang pagnanakaw hindi lamang ng mga karibal sa politika ni Marcos Jr kundi maari pang humantong sa mismong Malacanang.
Ang korapsyon sa pondo tulad ng mga tongpats, kupit o tuwirang ghost projects, ang pagpabor sa mga kamag-anak, dummy, o crony—ilan lang ito sa SOP ng mga mga burukrata kapitalista para nakawan ang kabang bayan.
Doble ang pasakit nito sa mamamayan. Makapagnakaw lang, di baleng mapinsala ang mamamayan. Halimbawa, sa isang bayan ng Batangas, idinaing ng magbubukid ang isang proyekto ng DPWH na sumira sa istrukturang panlaban sa baha na magkatuwang nilang ginawa at ng LGU. Sa halip na makatulong, mas lumala ang pagbaha sa kanilang mga palayan.
Tutoong dapat imbestigahan at parusahan ang mga nagpapayaman kapalit ng dusa at buhay ng mamamayan sa baha at iba pang kalamidad. Pero alam naman ng lahat na ang korupsyon sa DPWH at mga kontraktor nito at mga natukoy na pulitiko ay maliit na bahagi pa lang ng kabuuan. Ang batuhan ng putik ng Malakanyang, Kongreso, at Senado ay patunay kung gaano kabulok ang buong sistemang batbat ng korupsyon.
Built-in sa sistemang malakolonyal at malapyudal ang krimen ng korupsyon na isa sa katangian ng burukrata kapitalismo. Ginagamit ng mga burukrata ang pwesto bilang negosyo para magkamal nang marami pang salapi at magpapalawak ng kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika di lang para sa kanila, sa kanilang pamilya kundi para sa mga amo nilang imperyalista, panginoong maylupa at komprador burgesya—sa kapahamakan ng mamamayang Pilipino.
Sa gitna ng nakakasukang rebelasyon ng laganap na pagnanakaw ng rehimen sa mula mamamayan, ang pagpapasarap-buhay nila at mga katusabang kontratista, ng palpak na flood-control projects, hindi na lang kagyat na ayuda para sa mga biktima ang usapin kundi ang kumpensasyon sa mga biktima ng pandarambong at ng kriminal na kapabayaan ng rehimen. Kaisa ng mamamayan sa panawagang ito ang Communist Party of the Philippines. Tinukoy ng CPP na kailangang mag-organisa at maningil ng kumpensasyon ang mga biktima ng dati at bagong bagyo, baha at tagtuyot para sa kriminal na kapabayaan ng rehimen pati na rin ang mga patakaran nito sa ekonomya na siyang puno’t dulo ng mga kalamidad.
Wakasan ang burukrata kapitalismo
Sa gitna ng mga nakalilibang at/o nakakasukang rebelasyon ng yaman ng mga kontratista ng palpak na flood-control projects, kailangan na pambansang usapin din ang pananagutang kumpensasyon. Hindi lang mga kontratista, dapat managot din ang mga punong burukrata kapitalista at mga inaprubahan nilang mapaminsalang proyekto.
Natulak sila (mga magsasaka) sa kalagayang pinaka bulnerable sa kalamidad dahil na rin mismo sa sistemang malakolonyal at malapyudal umiiral sa Pilipinas—ang patuloy na tumitinding kahirapan dahil sa lumalala ang kawalan ng lupa, pagka-atrasado ng produksyong agrikultural at ekonomya. Kung hikahos sila sa kabila ng buwis-buhay na pagtatrabaho, paano sila iigpaw sa pinsala ng bagyo o tagtuyot? –Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)–
Nananatili ang katotohanang kahirapan ng mamamayan ang naglagay sa kanila sa panganib; kahirapang resulta ng mga polisiya sa ekonomya at pulitika ng reaksyunaryong estadong walang ibang interes kundi ang interes ng imperyalismong US at iba pang imperyalistang bansa, ng mga lokal na panginoong maylupa at burgesya kumprador at mga burukrata kapitalista.
Batay sa karanasan at suri ng mga kasapi ng PKM (Pambansang Katipunan ng Magbubukid-NDFP), natulak sila sa kalagayang pinaka bulnerable sa kalamidad dahil na rin mismo sa sistemang malakolonyal at malapyudal umiiral sa Pilipinas—ang patuloy na tumitinding kahirapan dahil sa lumalala ang kawalan ng lupa, pagka-atrasado ng produksyong agrikultural at ekonomya. Kung hikahos sila sa kabila ng buwis-buhay na pagtatrabaho, paano sila iigpaw sa pinsala ng bagyo o tagtuyot?
Sa kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal, ang pinakamalalaki at pinakamabilis makasira ng kalikasan na nagdudulot ng iba’t ibang kalamidad ay ang mga imperyalista at mga burukrata-kapitalista. Ang pinakamalalaking nakikinabang sa mga pekeng proyektong “pangkalamidad” at “pang-iwas sa kalamidad” ay sila rin mismo.
Sa huli, dahil system-generated ang pagkakaroon ng kalamidad sa Pilipinas, ang sistemang nagbubunsod nito ang kailangang pawiin. At mapapawi lamang ito kung maipagtatagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. (Pinky Ang)