Buhay sa kanayunan, pang “golden age” rin
Tawagin niyo na lang akong Ka Barry, 53, babae at may anim na anak na mga nasa tamang gulang na. Isa akong organisador. Matapos naming mag-pulong at tinalakay ang imbitasyon para mag “Tour of Duty“ sa kanayunan, tumugon ang aming sektor at isa ako sa nabigyan ng pagkakataon para sa isang exposure sa countryside. Oo, sa golden age kong ito, nag volunteer ako as I always love living on the edge. Pero hindi lang yun. Ang mayor na dahilan, gusto kong maranasan paano mamuhay bilang hukbo ng masang api. Gusto ko ring matutunan paano ang pag-oorganisa sa batayang masa—sa mga magsasaka, katutubo.

Lakad, lakad, at lakad pa
Sa pagpunta pa lang (may kasama akong isa pa), dumaan na ‘ko sa butas ng karayom hindi lang sa kung anong gamit ang dapat dalhin, ang pagtiyak sa seguridad, kundi higit sa lahat, ang maging handa sa pisikal, mental, at emosyonal na aspeto.
Unang sabak pa lang, tinawid ko na ang lampas beywang na ilog patungo sa isang masukal na gubat na halos walang nakikita kundi anino ng gumagabay sa amin. Sa maulan at madilim na gabi, bumaba kami sa matarik, madulas, at madamong daan (nadulas ako!!!). Walang tigil sa kalalakad—binaybay ang mga daang paahon at pababa, mababatong ilog, nilundag ang mga bakod, tinawid ang mga tulay (nahulog ako!!!). Mabilis pero tahimik ang lakad namin na parang may humahabol. Iminungkahi kong magpahinga muna dahil pinupulikat na ang mga paa ko. Sumilong kami sa ilalim ng puno na sabi nga ng isang kanta, “basang basa sa ulaaaan!”
Pagkatapos ng halos limang oras na paglalakad, narating na rin namin ang kampo. Masaya kaming binati ng mga kasamang gising pa. Tinanggihan ko na ang hapunan dahil sa pagod. Pinalitan ko lang ang basang damit, nag-ayos ng duyan, at naidlip na dahil lantang lanta na ang aking katawang lupa. Pero bigla akong nagising nang nasa lupa na ako. Nakalas pala ang aking duyan! Buti na lang tinulungan ako ng isang kasamang itali uli. Kinabukasan, pagkagising ko ay may kape na sa aking lagayan at badyet sa agahan. Isang maliit na tuyo at konting itlog ang ulam namin.
Napakainit ng pagtanggap ng mga kasama sa amin. Nagpakilanlan kami. Ang babata pa ng iba sa kanila na kadalasan ay galing sa uring petiburges, may nasa panggitna at mayamang magsasaka, at may katutubo. Iba’t ibang uring pinanggalingan na nagkakaisa para sa iisang hangarin. Nagdaos sila ng isang pangkulturang welcome para sa amin. Napakagaling ng kanilang mga tula at awiting handog.
Paglingon ko sa likuran, nakita ko ang PO (Political Officer) na tinatahi ang pantalon kong napunit sa palagiang pagkadulas. Sa isip ko, “ganito pala sila mag-alaga ng bisita, pati punit mong pantalon ay tinatahi. Sobra ko itong ikinalulugod at nagpasalamat na rin. Inuwi ko talaga ang pantalon bilang paalala na minsan may isang kasamang nagtahi ng punit kong pantalon. Kinagabihan, isang kasama naman ang nag-hot compress sa kaliwa kong hita na may mala-ubeng pasa.
Dahil isang mobile unit ang aking napakatan, kailangan naming lumipat ng kampo. Muli kong inihanda ang sarili sa mahabang lakaran, sa madilim na gabi.
Pagmamahal ng masa
Nakita ko kung paano minahal ng masa ang hukbo. Pagdating namin sa isang bahay, masayang sumalubong si Tatay masa—naghanda ng kape, nagsaing, at may bonus na manok. Syempre, nagpakilala kami sa kanya at hindi nawala ang usapang pampulitika sa loob ng mga kwentuhan. Pagkatapos ng ilang oras, nagpapaalam na kami kay Tatay para lumipat muli sa isa pang bahay. Inabot na kami ng madaling araw sa paglalakad. Paano ba naman, hirap akong bumaba sa isang parte ng matarik at madulas na daan. Naiwan ko pa ang isa kong sapatos sa malalim na putik kaya naglakad akong naka-paa ang isa. Nakakahiya man isipin ang bagal ko, ang mga kasamang hukbo ay buong pusong umaalalay sa akin.

Nakaka-high morale naman ang isang masa na nabisita namin. Pagkakita pa lang sa amin, sinabi niya agad na, “Salamat at may NPA akong nakita, may isusumbong ako sa inyo.” Biktima pala sila ng pang-aagaw ng lupa ng isang mayaman at maimpluwensyang tao sa lugar na iyon. Naidulog na nila ang problema sa awtoridad pero walang aksyon. Nang may nakita silang hukbo, nabuhayan sila ng loob.
Ang mga ganitong reaksyon ay patunay na tama ang inilalabang rebolusyong agraryo para sa magsasaka at katutubo sa kanayunan.
Target?!!
Minsan, nagbigay ng briefing si CO bago kami lumakad. Aniya “ito ang TARGET natin. Pag may kalaban sa sais, atras tayo sa nuebe. Pag sinabing, dapa, dapa, walang tatayo,” At nagpatuloy siya sa iba pang mga sinasabi niya na di ko na maintindihan. Naiwan na ang isip ko sa “TARGET.”
Naisip ko agad, papatayin ba namin ang may-ari ng bahay? Magpaparusa ba kami ngayong gabi? Gusto ko sana siyang tanungin at sabihing huwag muna magparusa habang nandito pa kami. Pero nahiya ako kaya sa isang kasama na lang ako nagtanong. “Ka Jay, papatayin ba natin ang may-ari ng bahay? Magpaparusa ba tayo? Huwag muna, siguradong hahanapin tayo, nakakapagod din ang takbo nang takbo.” Ganun na lamang ang tawa ng kasama dahil ang ibig palang sabihin ng “TARGET” ay ‘yong lugar na balak naming puntahan at hindi target na papatayin.
Sa loob ng hukbo
Kapag naka-kampo, may pagkakataong natuturuan kami ng basic military skills gaya ng “tudla” o ang siyam na tipo ng paghawak ng baril o ang tatlong uri ng paggapang hawak ang baril. Napansin ko lang, sa kabila ng laging pag iingat, pagiging alerto at kakulangan sa ibang rekurso, di nawawala ang araw-araw na pulong at briefing. Lagi ring may “Kolektibong Basa, Kolektibong Talakayan,” “Balitaan,” “Kapehan” at mga Party EDs. Kaya di nakapagtatakang naitaas nila ang kanilang pang-ideolohiyang kamulatan.
Sa loob rin ng yunit, palitan sa pagbabantay ang mga kasama sa buong araw o “pagtataliba,” may nakatoka sa pagluluto, pag-iigib, pagsarbey ng lilipatang kampo, pagtitiyak sa mga masang kakausapin, at tumutulong sa produksyon ng masa. At yun nga, tuwing alas kwatro ng madaling araw ay dapat gising na ang lahat at nakapag-pack up.
Isang araw, nagmadali kaming umalis sa lugar dahil nag-ulat ang masa na may nakita silang kaaway. Dahil umaga ang paglalakad, tumigil kami sa isang lugar at gumawa ng mga “camouflage” na parang sa war movies. Tinabunan namin ng mga dahon ang aming mga backpack at nagpatuloy sa paglalakad at paglundag—sa mga ilog, sa ilang bundok, at muli, sa paglundag ng mga bakod hanggang nakarating uli sa bahay ng masa. Dun na kami nagluto. Kaya, habang naghihintay ng tanghalian, kinuha ko ang aking pressed powder at lipstick. “Kasama, sa gitna ng digmaan, nakapag-lipstick ka pa?” Tawa nang tawa ang isang kasama. “Para naman pag mamatay ako kas, maganda ako tingnan,” pabirong sagot ko.
At dahil gutom na ako, naalala ko ang nadaanan naming hinog na saging. Gusto ko sanang kumuha dahil napakasarap tingnan. Pero ni isa sa kanila ay walang kumuha. Aaah, “tres-otso!” Oo nga pala, di puedeng kumuha ng kahit ano nang ‘di nagpapaalam. Kaya hanggang tulo laway na lang sa saging. Totoo ngang napakapayak na pamumuhay, malayo sa mga kinagisnan ng mga kabataan na ang tanging problema ay pag-upgrade ng mga cellphones at pag-change ng profile.
Subalit sa gitna ng simpleng pamumuhay na yon ay ang mapanlabang diwa na nagbibigay pag-asa para sa lahat ng pinagsamantalahan. Sa gitna ng mga bantang panganib na sinusuong buhay man ay ialay, may sangkatauhan na mapapalaya sa kamay ng mga ganid at pasismo.
Paalam
Isang araw pagkatapos naming maglipat uli ng kampo, kinausap ako ng ilang kasama. Medyo masakit pa ang aking ulo at inaantok gawa nang di ako nakatulog dahil magdamag akong kinagat ng mga hakot (uri ng langgam).
Gusto na raw nilang tapusin nang maaga ang programa namin gawa ng sumisingaw kami sa kaaway. Lagi nga naman kaming naka-red alert at may mga drones. (Kaya nga pag sinabi ni CO na, “blue alert tayo,” nakakahinga ako ng maluwag. Ito tuloy ang paborito kong salita galing kay CO.) Kailangan na naming lumabas habang maluwag pa ang sitwasyon at may masa pang kayang tumulong sa amin.
Naramdaman ko ang kalungkutan at namalayan ko na lang na may mainit na tubig na umaagos sa aking mata. Luha. Sa maikling panahon ng aming pagsasama naging bahagi na sila ng aking buhay pakikibaka. At di ko alam kung magkikita pa kaming muli. May naramdaman akong kirot sa dibdib. Oo, totoo, nangamba rin ako sa aking kaligtasan. Minsan, sa gitna ng gabi habang nakahiga sa duyan, naitanong ko rin sa sarili kung makakauwi kaya ako ng buhay?
Pero ang isipin na mapahiwalay na ako sa kanila ay napaka-emosyonal. Ganito pala ang nararamdaman. Paano na kaya kung may kasamahan silang nahuli o na-martir? Ilang sandali, nag-aayos na kami ng mga gamit ng kasama ko; yung iba iniwan na namin sa kanila. Kasama ang buong yunit, inihatid na kami sa isang masa na siyang mag-aayos ng paglabas namin. Malungkot na paghihiwalay at pasasalamat sa kanila ang tanging nasambit, at ang pagasa na sana magkita-kita kaming muli. Mas lalo akong nalungkot nang sabihin ng isang kasama ang, “Kas, pagbutihin ninyo sa lungsod ha. Ipanalo natin ang demokratikong rebolusyong bayan.”
Hukbo ng bayan
Hindi man namin natapos ang aming exposure dahil sa mga sirkumstansya, baon naman namin ang napakayamang karanasan na magiging gabay at inspirasyon namin sa kalunsuran. Habang nasa daan pauwi, ang dami kong realisasyon sa aking sarili.
Silang mga mandirigma na salat sa rekurso—walang ilaw, sira ang tablet na siyang tanging gamit para sa mga ED ay nakapaglunsad pa ng pag-aaral, paano na lang tayo sa lungsod na may maayos na laptop, projector, at ilaw?
Silang mga mandirigma na naglalakad lang sa madilim at masukal na bundok, tinutugis ng kaaway araw araw ay nakapag-organisa ng masa, paano na lang sa lungsod na may sarisaring transportasyon na pwede mong sakyan?
Silang mga mandirigma na tuyo at gulay lang ang ulam ay masayang nagpupulong at maayos na gumagampan ng gawain sa araw-araw, paano na kaya sa lungsod na may mga pagkain at maginhawang bahay na matutuluyan?
Hindi lang ito islogan
Tama ang sinabi ni Kasamang Mao, “Ang rebolusyon ay hindi isang piging.” Ito ay isang marahas at may mapaghamong kalikasan na nagsasangkot ng makabuluhang tunggalian at pakikibaka. Ang ating lipunan ay puno ng ‘di pagkakapantay-pantay, katiwalian, at kawalang-katarungan. Nabigo tayo sa ating mga pinuno at ang kasalukuyang sistema ay idinisenyo upang apihin ang marami para sa kapakinabangan ng iilan.
Ang rebolusyon ay buhay (alive) at buhay (life).
Kaya narito ang ating hukbong bayan—isang matibay na pader na hadlang sa pambubusabos ng estado sa mga ordinaryong mamamayan. Gaano man kabigat ang laban sila ay mananatiling tagapagtanggol ng masang api, tagapagtanggol ng pampublikong interes at kinagigiliwan ng mamamayan. Sila ay narito upang ipagtanggol ang ating karapatan na magkaroon ng access sa mga pangunahing pangangailangan, kung saan ang katarungan ay nananaig, at kung saan ang mga tinig ng mga walang boses ay maririnig.
Mahalaga ang pakikiisa sa kanila, ang pagtangan ng armas at magmartsa pasulong bilang isang kolektibong pwersa na naghahangad ng pagbabagong nararapat sa atin. Sila, tayo ang bubuo ng kinabukasan kung saan ang ating mga anak ay maaaring magmana ng malayang lipunang may pagkakapantay-pantay at pagkakataon para sa lahat. Pangako, ipaglalaban at ipapanalo natin ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. (Barry Asedillo)