₱125 milyong confidential funds na ginastos ni Duterte noong 2022, pinakikilatis

,

Pinakikilatis ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang ginastos ni Sara Duterte na ₱125 milyon bilang confidential funds noong 2022. Aniya, wala ito sa badyet na ibinigay sa bise presidente noong nakaraang taon.

“Sa General Appropriations Act (GAA) FY 2022, walang nakalagay na ₱125 milyon confidential funds para sa upisina ng bise presidente (OVP),” pahayag ni Castro. “Pero base sa taunang awdit ng COA (Commission on Audit)…, gumastos ang OVP ng ₱125 milyong confidential funds.”

“Saan ito nanggaling at saan napunta?” tanong ni Castro sa kinatawan ng OVP sa pagdinig ng badyet nito para sa taong 2024. Sa ipinapanukalang badyet, humihingi si Duterte ng ₱500 milyong confidential funds. Binubuo nito ang 1/5 ng buong badyet ng kanyang upisina. Hiwalay pa ang hinihingi niyang ₱250 milyon na confidential funds bilang kalihim ng Department of Education.

“Pagpasok na pagpasok pa lang ni Ms. Sara Duterte sa vice presidency, binahiran na niya kaagad ang upisina ng kaniyang pagkahilig sa di na-o-audit na pondo,” puna naman ni Kabataan Rep. Raoul Manuel. Tinawag niyang “uhaw na uhaw” si Duterte sa pondong maituturing na “vice presidential pork barrel.”

Bago nito, pinansin na ng COA ang paggastos ni Duterte ng P668,000 para bumili ng mga gamit sa itinayo niyang upisina bilang OVP. Palusot ni Duterte, “inutang” niya ang pondo sa mga upisyal ng kanyang upisina at binayaran na lamang nang dumating ang pondo. Ilan sa mga upisinang ito ay nagsilbing hedkwarters ng kanyang pagtakbong kandidato noong 2022.

Hindi na bago ang mga anomalya sa paghawak ni Duterte ng pampublikong pondo. Bago siya naging presidente, marami nang “red flag” (mga paggastos na may palatandaan ng anomalya o korapsyon) ang napansin ang COA. Sa partikular, sa pag-awdit ng COA kay Duterte noong meyor ba siya ng Davao City, tinukoy na may mga anomalya sa paghawak ng mga donasyong natanggap niya bilang ayuda sa mga apektado ng pandemyang Covid-19. Ilan sa mga ito ang:

1) pagtanggal ng ₱188.814 milyon sa imbentaryo nito.

2) di pag-ulat ng mga donasyong sasakyan at iba pang ayuda tulad ng 10 van mula sa Chinese embassy at isang ambulansya at mga suplay medikal

3) walang dokumentasyon sa mga ayudang nakalaan para sa mga health workers

4) sa unang taon ng pandemya, walang dokumentasyon ng mga imbentaryo ng iba’t ibang aytem na binili ng kanyang upisina na nagkakahalaga ng mahigit P97 milyon. Wala rin itong mga naipakitang dokumento kaugnay sa pagbili ng relief aid para sa pandemya na nagkakahalaga ng P119 milyon

Anang mga kongresista ng Makabayan, ang iligal na paggamit ni Duterte ng pondo ng bayan ay maaaring magsilbing batayan ng kasong impeachment laban sa kanya.

AB: ₱125 milyong confidential funds na ginastos ni Duterte noong 2022, pinakikilatis