Balita

Pagtatayo ng "modern warfare laboratory" sa PMA, hindi ikauunlad ng bansa—AGHAM

,

Nagpahayag ng pagkabahala ang grupong AGHAM Advocates of Science and Technology for the People sa nabalitang planong “modern warfare laboratory” ng Philippine Military Academy (PMA) matapos ito makakuha ng P379.48 milyong pondo. Ayon sa grupo, nakapalaking kabalintunaan ito, na habang ang mga pang-agham na sibilyang programa at proyekto sa pananaliksik ay hirap buhayin sa harap ng hindi gumagalaw o pababang badyet, binibigyan ng pinakamataas na prayoridad ang gastos para sa militar.

Nakatanggap ang PMA ng pondo mula sa Bloomberry Cultural Foundation, isang institusyong nakaugnay sa malaking burgesyang kumprador na si Enrique Razon Jr. Bahagi ang pagpopondo sa “corporate social responsibility initiative” ng kumpanya, at alinsunod sa tungkuli ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suportahan ang “modernisasyon” ng AFP.

Ang “laboratoryo” ng PMA ay inaasahang magsasanay ng mga bagong upisyal gamit ang mga bagong “drone simulation and robotics stations” at “virtual reality simulation rooms,” kasama ng iba pang pasilidad, upang ma-expose ang mga kadete sa mga “makabago” o “sumisibol na teknolohiyang pangdepensa.” Alinsunod ito sa plano ng US na “paunlarin” ang teknolohiyang militar para gamitin sa kampanyang kontra-insurhensya at pagtutulak ng imperyalistang gera sa Asia.

Para bigyan daan ang laboratoryo, idedemolis ang lumang PMA Station Hospital at gagamitin ang lupa nito. Inaasahang matatapos ang pasilidad sa ikaapat na kwatro ng 2027.

Ayon sa grupo, bahagi ang pagpopondo ng PMA sa mas malawak na konteksto ng tumitinding paggastos militar sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Kamakailan, nanawagan si Pete Hesgeth, US Secretary of War sa mga bansang kontrolado ng US na itaas ang paggastos para sa militar sa 3.5% ng GDP. Tanda ng sukdulang pagkatuta, mabilis na sumang-ayon at iginiiit ni Defense Sec. Gibo Teodoro na gawing 4% ng GDP ang badyet para sa depensa ng Pilipinas.

Sa harap nito, nananatiling mas mababa sa 0.5% ng GDP ang inilalaan ng gubyerno para sa sibilyang research and development. Katunayan, ang P379 milyon na ibubuhos sa iisang laboratoryong militar ay mas malaki pa kaysa sa buong 2026 budget ng ilang ahensya sa ilalim ng DOST.

“Hindi ito pag-usad ng agham o pananaliksik na nakatuon sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino… Ito ay pag-usad ng agham at teknolohiya na nagsisilbi para sa imperyalistang digma, para sa dayuhan, sa gera, na sa bandang huli ay lalo lamang makasasama sa sambayanang Pilipino,” palwinag ng AGHAM.

Ayon sa grupo, sa halip na maglaan ng malaking pondo para sa mga ganitong uri ng “laboratoryo” na idinisenyo para manakit ng kapwa, dapat ilagak ng gubyerno ang pondo nito sa tunay, lokal na pananaliksik, o sa mahahalagang serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at kalusugan. Dapat unahin ang mapayapang dayalogo at mga diplomatikong hakbang, hindi ang bulag na pagsunod sa dikta ng imperyalismong US.

Nananawagan ang AGHAM sa kapwa prupesyunal sa sektor ng STEM na tumindig laban sa planong military laboratory ng PMA.

AB: Pagtatayo ng "modern warfare laboratory" sa PMA, hindi ikauunlad ng bansa—AGHAM