Balita

₱4.35 bilyong anomalya sa mga flood control project sa Davao, ibinunyag ng Makabayan bloc

Kinwestyon ni Rep. Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Partylist, ang “nakaaalarmang mga anomalya” sa mga flood control project sa Davao City na nagkakahalaga ng ₱4.35 bilyon. Aniya, sa 121 kontratang nagkakahalaga ng ₱6.06 bilyon na ipinatupad mula 2019 hanggang 2022, 80 ay may mga palatandaan ng anomalya, tulad ng mga ghost project, sobrang pagpepresyo, dobleng pagpopondo, paglilipat ng lokasyon at mga kontrata na walang detalye.

Ang 80 proyektong ito ay nasa unang distrito ng Davao City, kung saan kongresista si Paolo Duterte, ang panganay na anak ng dating presidenteng si Rodrigo Duterte. Mula 2020-2022, nakakopo si Paolo ng ₱51.8 bilyong alokasyon para sa kanyang distrito, karamihan para sa flood control. Malayong malaki ito kumpara sa taunang ₱6 na bilyong karaniwang inilalaan sa isang distritong kongresyunal.

“Nakita namin sa aming pagsisiyasat ang padron ng mga iregularidad na nangangailagnan ng paliwanag at pananagutan,” ayon kay Tinio. Kasama dito ang 54 sa 68 proyektong flood control sa Davao River na nagkakahalaga ng ₱2.65 bilyon at 26 sa 28 namang proyekto sa Matina River na nagkakalahaga ng ₱1.70 bilyon.

Napag-alaman din sa pagsisiyasat ng Makabayan na sa 121 proyekto, ang 79 na nagkakahalaga ng ₱4.07 bilyon ay mula sa mga “insertion” ng Kongreso, at di orihinal na bahagi ng National Expenditure Program. Lahat ng ito ay inilaan sa unang distrito ng Davao City.

Nakita sa mga proyektong ito ang mga sumusunod na anomalya:

– dalawang kontrata para sa iisang proyektong nasa parehong lokasyon

– dalawang kontrata na iginawad sa magkaibang kontraktor ay para sa iisang proyekto (dobleng alokasyon)

– siyam na kontratang di ipinatupad sa orihinal na lokasyon, inililipat sa mas maliliit na lokasyon at sobrang pinresyuhan ang mga materyales

– 62 kontrata na nagkakahalga ng ₱3.44 bilyon ay walang krusyal na mga detalye, tulad ng lokasyon at haba, at sa gayon ay walang paraang iberipika

– 10 kontrata na nagkakahalaga ng kabuuang ₱622.57 milyon na hindi naka-itemize

Ang nakakopo ng mga kontratang ito ay mga kumpanyang may malalapit na ugnayan sa mga alipures ng pamilyang Duterte, kundi man sa mga Dutete mismo. Isa rito ang Rely Construciton & Suppy na madalas kasosyo ng CLTG Builders na pagmamay-ari ng ama ni Bong Go. Ang iba pa ay ang Legacy Construction Corporation at Abu Construction.

Sangkot rin sa mga proyektong ito ang St Timothy Construction at Alpha and Omega Construction na parehong pagmamay-ari ng mag-asawang Discaya, Alfrego Builders na pagmamay-ari ng kapatid sa labas ni Bong Go at Genesis88, isa sa mga kumpanyang nagpondo ng kandidatura ni Sara Duterte noong 2022.

AB: ₱4.35 bilyong anomalya sa mga flood control project sa Davao, ibinunyag ng Makabayan bloc