₱500 pang-noche buena, kahibangan ayon sa mga manggagawa
Namangha ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng tagapagsalita ng presidente na si Claire Castro na sasapat ang ₱500 para sa noche buena ng isang pamilyang Pilipino.
Ayon kay Jerome Adonis, tagapagsalita ng KMU, ₱1,200 ang minimum na arawang kita na kinakailangan ng manggagawa at kanyang pamilya para mamuhay nang disente. Kung sa regular na mga araw, mahirap nang pagkasyahin ang ₱500 para sa disente at masustansyang pagkain, lalo itong kulang para sa espesyal na handaan na pinakainaabangan ng mga Pilipino sa buong taon.
“Hindi na Noche Buena ang tawag diyan, Leche Buena na ‘yan,” ani Adonis.
Patunay ang pahayag na ito na walang alam ang rehimen ni Ferdinand Marcos sa kahirapang dinaranas ng mga pamilyang Pilipino, aniya.
“Wala kayong naloloko sa mga pinagsasabi ninyo at sa halip lalo niyo lang sinsindihan ang galit ng sambayanan,” ayon kay Adonis. “Kaya’t ang nararapat sa inyo ay tanggalin sa pwesto.”
Sa listahang inilabas mismo ng DTI, tumaas ang presyo ng 95 sa 256 na produktong pang-noche buena ngayong taon kumpara noong 2024. Mantinido naman ang presyo ng 129 produkto. Kabilang sa mga tumaas ang presyo ng hamon, fruit cocktail, spaghetti sauce at tomato sauce.
Alinsunod sa presyo mismo sa mga groseri at palengke, maaring umabot sa ₱1,000-₱2,000 ang pinakasimpleng handaan para sa isang 5-kataong pamilya. Lalamanin lamang nito ang pinakabatayang putahe ng spaghetti o pansit, pinakamaliit na hamon, kaunting fruit salad at tinapay o kanin. Kung magdadagdag ng kaunti pang pagkain tulad ng queso de bola, isa pang ulam at gawing “meduim-sized” ang hamon, aabutin ng ₱2,500 hanggang ₱4,000 ang gastos. Ang “mas bongga” ay pwedeng umabot ng ₱5,000.