₱750 dagdag sahod, petisyon ng mga pribadong manggagawang pangkalusugan sa NCR

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naghain ng petisyon ang mga lider-unyonista at manggagawang pangkalusugan ng Private Healthcare Workers Network (PHWN) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) noong Hunyo 18 para igiit ang ₱750 dagdag sahod sa rehiyon. Nais nilang ilapit sa nakabubuhay na sahod na ₱1,197 ang kasalukuyang ₱610 minimum na sahod sa rehiyon.

Kabilang sa mga nagpetisyon ang mga unyon mula sa St. Luke’s Medical Center Quezon City at Bonifacio Global City sa Taguig City, Manila Doctors Hospital, at The Medical City.

“Ang tunay na halaga ng NCR minimum wage ay nasa P503 lamang kumpara sa presyo ng mga bilihin noong 2018,” pahayag ni Jao Clumia, pangulo ng St. Luke’s Medical Center Employees Association Quezon City. Aniya, napakalayo nito sa halaga ng nakabubuhay na sahod sa rehiyon at nangangahulugan na “kailangang dalawa sa pamilya ang magtrabaho upang hindi maging sobrang dausdos ang pamumuhay.”

“Hinahamon namin ang NCR wage board,” ayon kay Clumia. Pagkakataon umano ito ng ahensya para patunayan na nagkakamali ang mga manggagawang pangkalusugan sa pag-iisip na walang pakialam ang gubyerno sa dinaranas na hirap ng mga manggagawa sa rehiyon.

Sa kabila ng mas mataas na sahod nang tinatanggap ng mga manggagawang pangkalusugan sa pribadong ospital dahil sa kanilang mga collective baragaining agreement (CBA), ipinahayag ng pangulo ng unyon sa The Medical City na si Dennis Memoracion na inihain nila ang petisyon dahil “obligasyon ng mga [unyonisado] na ipaglaban ang mga [walang unyon] na walang kalaban-laban sa pang-aabuso ng kapital.” Aniya, “ang laban ng isa ay laban ng lahat!”

Ipinanawagan din nila ang pagbuwag sa kasalukuyang umiiral na iba’t ibang antas ng sahod sa mga prubinsya at rehiyon. “Tatlo at kalahating dekada na mula nang isinabatas ang Wage Rationalization Act. [Sa mga taong ito], sa lahat ng mga atas ng pagtataas ng sahod sa buong bansa, laging inuuna ng mga wage board ang “kakayahan ng mga employer na magbayad” imbes na ang kinakailangang nakabubuhay na sahod [ng manggagawa],” ayon kay Ronald Millano ng Manila Doctors Hospital Employees Association. Giit nilang gawing pantay-pantay at itaas ang sahod sa buong bansa.

AB: ₱750 dagdag sahod, petisyon ng mga pribadong manggagawang pangkalusugan sa NCR