Balita

10-puntong adyenda ng kabataan, itatampok ng Kabataan Partylist sa eleksyong 2025

Nagtipon ang mga organisasyon ng kabataan, mga konseho ng mag-aaral at publikasyon mula sa iba’t ibang unibersidad, mga upisyal ng Sangguniang Kabataan at iba pang mga organisasyon sa Maynila para sa pambansang kumbensyon ng Kabataan Partylist (KPL) noong Setyembre 24. Inilunsad ito para ianunsyo ang 10-puntong adyenda ng partido ng mga kabataan sa darating na eleksyong 2025 at ipakilala ang mga nominado nito sa eleksyong party-list.

Itinampok nila ang sumusunod na adyenda ng mga kabaaan: pagsusulong ng libre, abot-kaya at dekalidad na edukasyon para sa lahat; nakabubuhay na sahod at trabaho para sa lahat; pambansang soberanya; tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon; kalusugang pangkaisipan at pisikal; batayang serbisyong panlipunan; hustisya at pananagutan; makatarungan at matagalang kapayapaan at pagwakas sa tiraniya; pagkilos para sa klima; at pagwawakas sa diskriminasyong batay sa kasarian.

Samantala, isinapubliko rin ng partido ang siyam nitong nominado. Una sa kanila si Atty. Renee Co, dating rehente ng mga mag-aaral ng University of the Philippines at nagsilbing isa sa mga tagapagtipon ng 1SAMBAYAN at 1SAMBAYAN Youth.

Ikalawang nominado nito si Paolo Echavez mula sa Cebu City. Nagtapos siyang Summa Cum Laude sa kursong BS Agriculture, Major in Agronomy, sa Siliman University kung saan nagsilbi rin siyang lider-estudyante sa konseho ng mag-aaral. Ikatlong nominado ng partido si John Peter “Jpeg” Garcia na lider-estudyante at tagapagtanggol ng karapatang-tao mula sa Southern Tagalog.

Ang iba pang nominado ng KPL ay sina Gabriel Siscar ng Cordillera, Jayvie Cabajes mula Davao City, Mia Simon ng Nueva Ecija, Kej Andres, Hayme Galas, Crimson Labinghisa ng Panay, at Lisse de Vera mula Pangasinan.

Ipinasa rin ng mga kabataan ang isang resolusyon na palalakasin ang paglaban at pagpapanagot sa bulok na pulitika, korapsyon at mga paglabag sa karapatang-tao ng pangkating Marcos at Duterte. Pormal ding idineklara ng partido ang kanilang suporta sa 11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan sa eleksyong 2025.

Pagkatapos ng pagtitipon, nagmartsa ang mga kabataan sa kahabaan ng Taft Avenue patungo sa Philippine General Hospital para isang kilos-protesta. Itinampok nila ang mga isyu ng kaltas-badyet sa edukasyon at serbisyong panlipunan, pagbasura sa confidential funds, at para imbestigahan at panagutin ang mga tiwaling upisyal ng gubyerno.

“Ang kampanya natin sa eleksyon ay ibabatay natin sa pagsusulong ng matagal nang kinakailangang alternatibo…na matagal nang pinapangarap na mapagtagumpay bilang mga tunay ng boses ng mamamayan sa pamahalaan,” pahayag ni Atty. Co.

AB: 10-puntong adyenda ng kabataan, itatampok ng Kabataan Partylist sa eleksyong 2025