10-puntong hamon, inihapag ng mga guro sa bagong kalihim ng DepEd

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kaagad na inihapag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kay Sen. Juan Edgardo Angara, bagong talagang kalihim ng Department of Education (DepEd), ang 10-puntong hamon nito sa kagawaran para sa pagpapaunlad sa kalidad ng edukasyon at pagtugon sa kahingian ng mga guro sa bansa. Ayon sa ACT, kinakailangan ang “game-changing” o mapagpasyang mga hakbang para baligtarin ang pagbulusok ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ang sumusunod mga hamon ng ACT kay Angara:

  1. Doblehin ang badyet sa edukasyon.
  2. Agresibong tugunan ang kakulangan ng mga klasrum at pasilidad sa eskwelahan.
  3. Itulak ang pagpapaunlad ng akmang pambansang pagsusulit para tasahin ang kakayahan ng mga estudyante sa halip na umasa sa PISA para tukuyin ang saklaw ng krisis sa pagkatuto.
  4. Magbigay ng sapat at dekalidad na mga kagamitan sa pagtuturo katulad ng mga gadyet, libro at iba pa.
  5. Ibasura ang kurikulum ng K-12 at palitan ng edukasyong humuhulma sa patriyotikong ideya, pag-aaral na nakabatay sa syensya at malikhaing pag-iisip at paglilingkod sa bayan. Dapat ibalik ang Kasaysayan ng Pilipinas bilang paksa sa hayskul; palakasin ang pagtuturo at paggamit sa Pilipino at Mother Tongue sa edukasyon.
  6. Itulak ang makabuluhang dagdag-sweldo para sa mga guro (₱55,000 para sa entry-level salary ng mga guro at ₱33,000 buwanang sahod para sa mga Salary Grade I na empleyado; suportahan ang panawagan para sa minimum na sahod sa mga pribadong eskwelahan.
  7. Lumikha ng sapat na mga pusisyon para sa mga tauhang pansuporta sa edukasyon para sa mga administratibong trabaho; pagregularisa sa mga kontraktwal na manggagawa.
  8. Paunlarin ang mga benepisyo para sa mga manggagawa sa sektor ng edukasyon kabilang ang sapat na mga araw ng sick leave, alawans, edad sa pagreretiro, at iba pa.
  9. Tiyakin ang pagtamasa sa akademikong kalayaan ng mga guro at karapatang mag-unyon.
  10. Magpatupad ng demokratikong estilo ng pangangasiwa, magsagawa ng regular na mga dayalogo at konsultasyon, tiyakin ang representasyon sa mga unyon ng guro sa lahat ng mga desisyon kaugnay ng kanilang kagalingan.

Umaasa ang ACT na mananatiling bukas si Angara sa pakikipagdayalogo sa mga unyon at organisasyon ng mga guro para talakayin ang napakahahalagang mga reporma sa edukasyon. Nakausap ng ACT si Angara sa ilang mga usapin at isyu sa nakaraan. “Sana ay manatili siyang mapagkaibigan, kaiba sa sinundan niyang kalihim na isang Red-tagger,” ayon pa sa ACT.

Gayunman, batid ng mga guro na malaking kaibahan ang pagiging mambabatas, na ginampanan ni Angara sa ilang taon, sa pagsisilbi bilang bahagi ng gabinete na nakatali at inaasahang sumunod sa kagustuhan ng pangulo.

Magsisimula ang panunungkulan ni Sen. Angara bilang hepe ng DepEd sa darating na Hulyo 19, isang buwan mula nang nagresayn sa pwesto si Sara Duterte.

AB: 10-puntong hamon, inihapag ng mga guro sa bagong kalihim ng DepEd